Ai-Ai delas Alas happy about court’s resolution on son Sancho’s shoplifting case

Masayang-masaya si Ai-Ai delas Alas sa naging desisyon ng korte tungkol sa violation ng Republic Act 7610 (or Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination) na isinampa niya laban kay Melvin Buceta, isang empleyado ng Ministop. Inakusan ni Buceta ang anak ni Ai-Ai na si Sancho ng shoplifting noong 2007; inakusahan naman ni Sancho ng pananakit si Buceta.


Makalipas ang halos limang taon, naglabas na ng desisyon ang korte tungkol sa kasong kinasangkutan ng anak ni Ai-Ai delas Alas na si Sancho Vito.

Matatandaang menor de edad pa lang si Sancho nang napagbintangang nag-shoplift ng Mentos sa Ministop, Sampaloc, noong December 2007.

Itinanggi ng binata ang bintang, at inakusahan nito ang empleyado ng convenience store na si Melvin Buceta ng pananakit at pagkulong sa kanya sa stock room.

Noong Mayo 30, 2008, nagsampa si Ai-Ai ng kaso ng violation of Republic Act 7610 (Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination) laban kay Buceta at ang security guard na si Florentino Ermitano.

Na-dismiss ang reklamo laban sa security guard.

Na-dismiss din ang kasong pagnanakaw na inihain sa Prosecutor’s Office ng Maynila laban kay Sancho dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Pero pinaboran ng korte ang kaso ni Ai-Ai laban kay Buceta.

Dahil dito, nagpahayag ang legal counsel ng mga Delas Alas na si Atty. Rowena Guanzon na nakamit na ni Sancho ang hustisya.

THE BUZZ GUESTING. Magkasabay na nagpa-interview sa telebisyon ang mag-ina noong Linggo, August 5.

Una, binalikan ng Sunday talk show host na si Boy Abunda—na talent manager din ni Ai-Ai—ang mga pangyayari.

Ang tanong ni Boy: ano ang naging pakiramdam ng komedyana nang tawaging magnananakaw ang kanyang anak?

Sagot ni Ai-Ai: “Siyempre, bilang ina, napakasakit sa akin noon. Unang-una, hindi ko naman pinalaki ang mga anak ko nang barumbado.

“Kumbaga, yun lang ang maipagmamalaki ko sa Pilipinas at sa buong mundo, na pinalaki ko nang maayos ang mga anak ko.

“So, noong sinabi niya nga sa akin na, ‘Ma, kung nakikita mo lang ang YouTube dati, yung sinasabi sa akin…’

“Siguro kasi, hindi ko naman alam na may YouTube noon.”

Ang tinutukoy ni Sancho ay ang panlalait daw sa kanya sa nasabing video uploading site.

Sa pagpapatuloy ni Ai-Ai: “Doon sinasabi na, ‘Ay, tarantado naman talaga ang anak ni Ai-Ai na ’yan... kasi, anak ng artista ’yan...’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dumating ba sa puntong inisip niya kung saan siya nagkulang bilang isang ina?

Sabi ni Ai-Ai: “Oo, kalahati… pero kilala ko ang anak ko. Alam ko kung paano siya pinalaki. Alam ko kung anong klaseng tao siya.

“So, doon sa naninira o ano, hindi ko naman maiaalis sa kanila na mag-judge sila. Hindi naman nila kilala si Sancho.”

Pero bilang isang ina, masakit daw talaga na tawaging magnanakaw ang kanyang anak.

“Ang sakit, sakit, sakit,” panibugho ni Ai-Ai.

MOTHER’S PRAYER. Para gumaan ang kanyang nararamdaman, dinaan na lamang daw ng Kapamilya star sa dasal.

Ang panalangin niya: "Sana ma-vindicate ang anak ko, kasi masyado siyang na-trauma."

Gumawa naman daw siya ng effort para kausapin ang kampo ng kanyang idinemanda.

Ang kuwento ng 47-year-old mother: "Gusto ko, kasi noong kinausap ko yung taga-convenience store, gusto kong ayusin yun.

“Sabi ko, ‘Kasi, binugbog po ng tauhan niyo ang anak ko.’

“Yung taong kausap ko, sabi, ‘Wag ka nang tatawag dito kasi Christmas Party namin, wag kang mag-istorbo.’

“I think, ito ang tatahakin kong journey sa anak kong ito. So sabi ko, ‘Lord, patatagin mo ko. Gusto kong manalo ang anak ko.’

“’Gusto kong ma-vindicate ang anak ko at gusto kong malaman ng lahat kung gaano ang pagmamahal ko sa anak ko.’”

SANCHO’S SIDE. Samantala, tinanong ni Boy si Sancho kung bakit hindi nito sinabi agad sa ina ang nangyari?

Ayon sa binata, “Kasi, ayoko nang masama siya. Gusto ko, yung nangyari sa akin, akin na lang ’to.

“Kumbaga, if ever man na ayusin ko o gagawa ako ng move, ayoko nang idamay.

“Kumbaga, hindi mo na ’to dapat i-experience. Hindi mo na ’to dapat kargo, e.’”

Inasahan rin daw ni Sancho ang naging reaksiyon ng tao bilang anak siya ng sikat na artista.

“Sanay na po,” aniya. “Hindi naman po lahat... but yung nag-comment po sa video, parang sabi niya, ‘Tarantado talaga ’yang anak ng artista. Hindi napalaki nang maayos ’yan. ’Yan ang trip.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So ako, sige na lang, alangan namang lahat ng yun, lagyan ko pa ng comments at i-explain ko kung ano ang nangyari.

“For me, okay na lang.”

Narinig daw ni Ai-Ai ang nangyari sa ibang tao.

Ang sabi ni Sancho, “Hindi po ako ang may sabi, hindi po. Wala po talaga kong balak na sabihin.”

Ang sabad naman ng komedyana, “Bale ang nagsabi sa akin, yung kapatid ni Direk Malou [Sevilla]. Siyempre, na-shock ako.

“Kaya pala noong the week before noon, para siyang palaging may sakit, ’tapos ganoon... Yun pala, nabugbog, wala akong kaalam-alam.”

COURT’S DECISION. Sa pag-ayon ng korte kay Ai-Ai, masayang-masaya ang talent ni Boy.

Pahayag ni Ai-Ai: “Unang-una, nagpapasalamat po ako sa Diyos at kay Mama Mary, na sabi ko, ‘Lord, salamat po. Tapos na rin ang hirap.’

“Hindi rin naman biro ang pinagdaanan namin diyan. Unang-una, ang dami naming humbling experience.

“Yung pumunta sa korte, ang hirap na. Yung sumagot sa korte, ang hirap pala—nakakanginig.

“Tatanungin ka roon, bukod sa English ang dapat na sagot mo... Kasi mahirap mag-steno ng Tagalog.

“So, doon pa lang, hirap na hirap na ko, di ba?”

“Ngayon nga, masasabi ko na ‘Hayan, makikita niyo na maganda ang pagpapalaki ko sa mga anak ko.’”

Sa parte naman ni Sancho, gumaan daw ang pakiramdam niya nang lumabas na ang desisyon ng korte.

Ang sabi ng panganay ni Ai-Ai, “Nagulat po at saka happy at gumaan ang pakiramdam ko na… at least, alam niyo na ngayon.

“Sa mga nanira, ito ang pagpapatunay na hindi talaga ako magnanakaw.”

May nais ba siyang sabihin sa kanyang ina?

Sabi ni Sancho, “Ma, super thank you, kasi, as in, sinamahan niya akong lumaban all the way. Sinabi ko po yun sa kanya.

“Kasi, siguro kung iba ang magulang ko, siguro hindi po sila mag-aatubili na lumaban o gumastos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero si Mama, hindi, binigyan niya ako ng choice. Sabi niya, ‘Anak, ano gusto mo? Ilalaban natin ’to nang legal, magsasampa tayo ng kaso, o bibigyan kita ng pera at bibilhin mo ang lahat ng Mentos sa Ministop?’

“Sabi ko, ’Kahit ano, ’Ma, ikaw na ang bahalang mag-decide.’

"Okay lang na hindi siya lumaban. Okay lang din na lumaban. Ako, kahit na ano, basta kung game si Mama, game rin ako.”

Wala naman daw duda si Sancho na alam niyang hindi naniwala ang ina sa ibinibintang sa kanya.

Sabi ng binata, “Opo, hindi naman po kami pinalaki nang ganoon ni Mama.”

Nang tanungin si Sancho kung ano ang mahalagang aral na natutunan niya sa mga pangyayari, heto ang mangiyak-ngiyak niyang tinuran, “Siguro po, mag-isip muna kung ano ang ’gagalaw mo."

Sa parte naman ni Ai-Ai, isa sa mga pakiusap niya sa mga anak ay ang ingatan ang pangalan na pinaghirapan niya.

Dugtong ng Comedy Queen, “Natutuwa naman ako dahil kahit ang mga anak ko, hindi masyadong nasuportahan noon ng tatay nila, mag-isa lang akong nagpalaki…

“At least, napalaki ko sila na masasabi kong ang mga anak ko, pangalan ko pa rin ang iniingatan.

“I’m so proud of my children.”

Ang dalawa pang anak ni Ai-Ai na sina Niccolo at Sophia ay nasa Amerika, kasama ang kanilang amang si Miguel Vera.

WEDDING BELLS? Hindi naman tinapos ni Boy ang interview na hindi tinatanong si Ai-Ai tungkol sa balitang nagpakasal na ito sa Las Vegas sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Jed Salang.

Ang natatawang sagot ni Ai-Ai: “Ama, puwede bang sumagot ako ng diumano’y no comment?

“Kasi, mahihirapan akong sagutin ’yan, marami kasing factor.”

Gaano ba kahalaga ang kasal sa buhay ni Ai-Ai ngayon?

Ang mabilis niyang sagot, "Siyempre, mahalaga sa akin."

Napangiti naman si Sancho sa kanyang narinig. Kung saan daw masaya ang mommy niya, doon daw siya, lalo pa’t alam niyang matagal nang pangarap ito ni Ai-Ai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN