Senator Lito Lapid stars in his very first teleserye, The Little Champ

Sa kauna-unahang pagkakataon ay lalabas sa isang teleserye ang action star turned politician na si Senator Lito Lapid. Bida siya sa upcoming ABS-CBN series na The Little Champ, na magsisimula nang ipalabas sa Setyembre.


Sa bihirang pagkakataon ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Senator Lito Lapid noong August 4, sa pictorial ng bagong primetime series ng ABS-CBN, ang The Little Champ.

Sa September na raw ilalabas ang teleseryeng ito, na may fantasy rin ang tema at tinagurian ng Kapamilya network na “kidserye.”

Kasama rito ni Senator Lito ang isang baguhang child star na nangangabayo. Nasa cast din sina Jhong Hilario, Precious Lara Quigaman, at Jake Roxas.

FIRST TELESERYE. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mapapanood sa isang teleserye ang actor turned politician.

Kaya ang unang tanong ng PEP sa kanya, paano siya nakumbinsi ng ABS-CBN na gumawa ng teleserye?

Sagot niya, “Noong araw kasi, parang, si FPJ [Fernando Poe Jr.], nagpapaligsahan kami na walang lalabas sa amin sa TV.

“Kaya noong bago mamatay si FPJ, kami lang dalawa ang walang TV show.

“Noon, ino-offer-an kami, pero talagang walang oras. May mga pelikula kami.

“Gusto man namin, pero siguro, hindi pa sa ngayon.

“Tapos napansin ko, medyo tumatanda na ako, hindi na ako nakikita,” biro niya.

Seryoso nang dagdag ng senador, “Pero siguro, kailangan na rin para makita ako ulit.”

Huling napanood ang action star bilang aktor sa Tatlong Baraha, na naging entry sa Metro Manila Film Festival 2006.

Kumusta ang karanasan niya sa paggawa ng una niyang teleserye?

“Siyempre, noong una, medyo mapurol na ang utak sa memorya, medyo nag-aalangan na.

“Bagets na lahat. Halos hindi ko na kilala ang mga kabataan ngayon, mga artista ngayon.

“Napapanood ko na lang din sila sa teleserye.

“Kaya yun, nagdesisyon na rin akong gumawa.”

HORSE RIDER. Ang kumumbinsi raw kay Senator Lapid na gumawa ng teleserye ay ang unit ni Raymund Dizon.

“Suntok sa buwan” daw para sa unit ni Raymund kung mapapapayag nila itong mag-soap.

Ganun pa man, sinubukan pa rin daw nilang kausapin ang senador.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento naman ni Senator Lapid, “Noong una, nagdalawang-isip din ako na tanggapin dahil—gusto ko kasi, solo ko.

“Kaya lang, hindi na puwede, may edad na nga rin ako.

“Kailangan nang tanggapin ang buong katotohanan!” natatawang sabi ng 57-year-old actor-politician.

Dugtong niya, “Noong ikinuwento ang buong istorya, napakaganda, at saka bida rin ang role—ako, si Jhong Hilario, yung bata, at kabayo.

“Sabi ko, maganda ‘to, may mga aksyon, may mga fantasy. May [fantasy], sabi ko, pambatang-pambata ito.

“Kasi, lahat naman ng pelikula ko, puro pambata. tulad ng Leon Guerrero ko, Julio Valiente… yung mga ganoon.”

Noong inalok sa kanya ang teleserye, isa raw sa tinanong niya sa production ay kung bakit siya ang napili.

“Tinanong ko si Direk, ‘Bakit ako ang napili niyo?’

“Tapos ang sabi, ‘Kapag nag-isip ka ng marunong mangabayo, ikaw na agad ang papasok sa isip namin.’

“Kasi nga, kabayo. Yung marunong mangabayo, sanay sa kabayo. Dahil ang isa sa bida rito, yung kabayo.

“Kaya sabi ko, ‘Sige, maganda ‘yan!’

“Kasi kasama kong sumikat ang kabayo noong araw. Baka sa pagbabalik ko rito, kasama ko pa rin ang kabayo!”

BRINGING BACK THE ACTION STAR. Hindi ba siya nanibago sa working atmosphere sa telebisyon?

Sagot ni Senator Lapid, “Noong tanggapin ko ‘to, mga three months bago ako mag-shooting, inensayo ko na ang sarili ko.

“Baka ’kako yung ine-expect ng mga tagahanga ko noong araw, makikita nila ang layo ng galaw ko noong araw at ngayon.

“Kaya inensayo ko. Araw-araw, jogging, alas-kuwatro ng madaling-araw, tapos ensayo.

“Pati yung mga dating sumisipa ako nang matataas noong araw, binalik ko rin.

“Pati mga slides ko sa semento, nag-a-arnis ako, mga kamagong ko noong araw, ginawa ko rin dito.

“Parang ibinalik lang nang pakonti-konti yung ginawa ko noong araw,” saad ng aktor na ngayon nga ay 57 years old na.

Ang maganda kay Senator Lapid, kahit unang pagkakataon pa lang niyang gumawa sa telebisyon, naiintindihan daw niya ang sistema, kaya wala siyang cut-off na ibinigay sa pagte-taping niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Producer din kasi ako, director rin ako. Naiintindihan ko ang gastos ng producer.

“Naiintindihan ko rin, kasi sa location na lang, per day na ‘yan.

“Yung ibang bida pa riyan, per day, kapag na-cut-off mo, kawawa naman ang producer.”

May posibleng offer din daw ang Star Cinema kay Senator Lito para gumawa naman ng pelikula.

Nagpo-produce din siya ng pelikula, wala ba siyang planong mag-produce ulit?

“Wala muna siguro yung pagpu-produce ko.

“Pagpaplanuhan muna namin dahil sa marketing ka rin matatalo. Hindi ko na alam kung paano ang marketing.

“Pero siguro, magpo-produce ako kung Star Cinema ang magre-release.

“Kapag independent kang producer, mahihirapan ka, wala kang booking na maganda.”

TAKING A BREAK FROM POLITICS. Sa pulitika naman, hanggang sa 2016 pa ang termino ni Lapid sa kanyang ikatlong termino sa Senado.

Kung sakali raw, baka magpahinga muna siya.

“Sa ngayon, titingnan muna natin siguro, baka magpahinga muna ako.

“Titingnan natin kung ano ang gusto ng tao. Kung wala, baka magpahinga muna ako.

“Tamang-tama rin ang pag-uumpisa ko sa teleseryeng ito.

“Kung sunud-sunod, kahit mawala man ako sa pulitika, at least, artista na naman ako. Baka preparasyon ‘to.”

Noong nakaraang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona ay nagbigay ng speech ang mga senador bago nila ibinigay ang kanilang hatol.

Isa si Senador Lapid sa dalawampung bumoto ng “guilty,” na naging dahilan upang ma-impeach si Corona. Tatlo lamang ang bumoto ng "not guilty."

Marami naman ang humanga sa naging speech ni Senador Lapid na sinabi niya sa wikang Filipino.

Sabi ni Senator Lapid: “Alam ko naman kasi kung ano ang tingin ng tao sa akin.

“Kapag nagsalita ako nang masyadong serious at nagbasa, hindi maniniwala ang tao. Alam nila na abogado ko ang gumawa.

“Sinasabi ko nga, kapag nagsalita ako ng Republic Act, Republic Act, pagtatawanan niyo lang ako.

“Sasabihin ko na lang kung ano ang nasa puso ko, kung ano ang nasa konsensiya ko, kung ano ang ebidensiya ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi kaya magkakaroon ng conflict sa pagiging senador niya ang kanyang pagbabalik-showbiz?

“Hindi naman, hindi naman. Mabuti nga at hindi bawal sa batas ‘yan.

“Kahit noong gobernador ako, may nag-demanda pa sa akin, gumagawa ako ng pelikula.

“Sabi nila, bakit ako gumagawa ng pelikula samantalang gobernador ako?

“Ang gusto nila, mamili lang ako sa dalawa. E, hindi naman propesyon itong artista, showbiz nga. Show business nga.

“Hindi naman permanente ‘to. Hindi naman permanenteng sikat ka.

“Mabuti naman, nanalo naman ako.

“Wala naman sa batas at hindi naman ’pinagbabawal.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN