Toni Gonzaga explains why boyfriend Paul Soriano did not visit her in hospital

Tila wala nang mahihiling pa si Toni Gonzaga ngayon sa dami ng biyayang natatanggap niya. Aniya, “Happy ako sa takbo ng career ko ngayon. Sa personal life ko naman, pati ang lovelife, tahimik at matiwasay. Hindi naman binabagyo. Kahit gaano ka-busy, at least may time pa rin sa lovelife kahit isang araw lang sa isang linggo.”


Ang Taytay, Rizal—kung saan residente ang actress-TV host na si Toni Gonzaga—ang isa sa mga bayan na labis na naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha noong isang linggo.

Suwerte nga lang at nasa mataas na bahagi ng subdivision ang kinatatayuan ng bahay nina Toni, kaya hindi sila nakasama sa mga nasalanta.

Ganunpaman, nalungkot si Toni sa sinapit ng mga biktima ng kalamidad sa kanilang lugar.

Natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Toni tungkol sa kanilang ginawang pagtulong nang makausap namin siya sa set ng The Buzz kahapon, August 12.

“Bago pa man yung pagbaha ay may feeding program kami.

“Actually, I’ve been doing the feeding program for a long time na.

"And noong nangyari yung pananalanta ng habagat, itinuluy-tuloy lang namin.

“Until now, tuluy-tuloy ang aming feeding program.

"And then, yung daddy ko rin, tumulong din siya sa relief operations namin.”


POLITICAL MOVE. Nangiti si Toni nang matanong kung paghahanda ba ito sa posibleng pagpasok niya sa pulitika, gaya ng kanyang amang si Carlito Gonzaga, na konsehal ngayon sa Taytay?

Aniya, “Naku, hindi! Wala iyon sa isip ko ngayon. Ang daddy ko na lang.

“At saka kahit wala naman ako sa pulitika, nagagawa ko namang tumulong sa simple kong pamamaraan.

"Kaya okey na kami doon.”

Dapat sana ay nakasama si Toni ng kanyang pamilya sa ginagawang pagtulong sa mga nasalantang kalugar nila.

Pero aniya, “Nasa hospital ako simula Sunday hanggang Thursday." Ang tinutukoy ni Toni ay ang mga petsang August 5 hanggang August 9.

"Nagkaroon ng problem yung stomach ko. Naging swollen—nagkaroon ng bacteria.

“Ang resulta, hindi nagpa-function yung intestine ko para mag-digest. Para siyang na-stroke, kumbaga.

“Ngayon, under medication pa ako for two months.

"Ang daming bawal kainin, like yung mga spicy at mga mamantika. Bawal din ang salad.

"Tapos bawal din ako mabusog.

“Doon ako nalungkot—bawal na akong mabusog. Pakonti-konting kain na lang dahil hindi ako puwedeng mabusog.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


NO SHOW. Sa panahong naka-confine siya sa hospital, hindi raw nakadalaw ang boyfriend niyang si Paul Soriano.

Nag-attempt daw ang direktor na magpunta sa ospital, pero nastranded sa baha kaya hindi na niya napuntahan si Toni.

Kuwento ni Toni, “Baha sa lugar nila sa South. Hindi kami nagkita nitong habagat kasi… wala, e.

“Hindi siya makatawid. Lubog ang lugar nila sa Parañaque. Baha kahit saan siya pumunta.”


MORE ASSIGNMENTS. Sa pagkakasakit ni Toni, pansamantalang nahinto ang shooting ng pelikula nila ni Vice Ganda, na pinamamahalaan ni Direk Wenn Deramas, para sa Star Cinema.

Aniya, “Itong Tuesday [August 14], start na ulit kami.

"Pero bago itong habagat, nakarami na kami ng araw na ipinag-shoot.

“Marami na kaming nakakatawang eksena ni Vice na nakunan.”

Meron na bang title ang pelikula nila ni Vice?

“So far, ang alam ko, This Guy Is In love With You, Mare. Hindi ko lang alam kung babaguhin pa iyon.”

Bukod sa movie niya with Vice, excited din si Toni sa bagong show na gagawin niya sa ABS-CBN.

“Malapit na kaming mag-rehearsal. Malapit na kaming mag-start ng buong proseso.

"So, exciting din talaga iyon.

“Hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano ang tema nung show.

"Siguro kapag nakapag-finalize na. Kapag nakapag-meeting na lahat at nagharap-harap na.

“So sa ngayon, I work on the weekends—sa The Buzz at saka sa ASAP.

“Tapos, shooting naman ng pelikula namin ni Vice sa weekdays."

Dagdag ni Toni, “Happy ako sa takbo ng career ko ngayon.

“Sa personal life ko naman, pati ang lovelife, tahimik at matiwasay. Hindi naman binabagyo.

“Kahit gaano ka-busy, at least may time pa rin sa lovelife kahit isang araw lang sa isang linggo.

“Oo, may ganoon pa rin!” sabay bungisngis niya.


GOING STRONG. Limang taon na rin ang itinatagal ng relasyon nina Toni at Paul.

Kasabihang kapag lumagpas ng seven years ang isang relationship, puwede nang masabing subok na ang tibay at katatagan nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo nga, e. Sabi nga rin namin… tingnan kung ma-survive din namin.

“In God’s grace, sana ma-survive namin,” sabi ni Toni.

Sa loob ng limang taon, may mga naging intriga pero nanatiling matibay ang bigkis ng kanilang pagmamahalan.

“Ano lang… faith na lang siguro. Ang ipag-pray na lang kay Lord na maging maayos ang lahat.”

May mga nagsasabi na suwerte si Toni sa pagkakaroon ng isang guwapo at mabait na boyfriend gaya ni Direk Paul. Ano ang reaksiyon niya rito?

“Ay, ang taray!” sabay tawa ng actress-TV host.

Suwerte rin naman si Direk Paul sa kanya, di ba?

“Wow! Ewan ko!” sabay tawa ulit ni Toni.

ALEX GONZAGA. Ang younger sister ni Toni na si Alex Gonzaga, balitang si Direk Paul ang din ang peg kung ideal man ang pag-uusapan.

“E, talaga namang hindi pa puwede mag-boyfriend si Alex. Bata pa iyon," reaksiyon dito ni Toni.

Alex is twenty-three years old, bata pa ba ito para mag-boyfriend?

“Ako nga nag-boyfriend, twenty-four. Hayaan mo na. At saka mas okey iyon na huwag magmadali.”

Pero ano nga ba ang feeling niya sa sinasabing si Direk Paul ang peg ni Alex ng isang ideal man?

“Siguro… daddy ko na lang, huwag muna si Paul.

"Hindi ko pa asawa, e. Kapag asawa ko na… daddy ko na lang.

“Pero wala namang problema kay Paul,” pagsisiguro naman ni Toni.

May nakikita ba siyang magandang katangian ng daddy niya na na kay Paul din?

“Ano… yung hindi makasarili—mapagbigay. At saka marespeto,” sagot ni Toni.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN