Super Junior members Choi Si Won and Lee Dong Hae visit Manila

Hindi magkamayaw ang mga fans na dumalo sa Bench show sa Trinoma upang i-launch ang bago nilang endorsers—sina Lee Dong Hae (kaliwa) at Choi Si Won (kanan) ng K-pop group na Super Junior. Halos walang humpay sa paghihiyaw at pagtitili ang mga kabataang tuwang-tuwa sa pagdalaw sa bansa ng kanilang mga idolo.


Napuno ng hiyawan ang Trinoma Activity Center sa Quezon City nang dumagsa ang fans ng Korean pop group na Super Junior kahapon, Agosto 15.

Dumalaw kasi sa bansa ang dalawa sa 13 members ng grupo na sina Choi Si Won at Lee Dong Hae.

Inilunsad sila bilang bagong international celebrity endorsers ng Filipino clothing brand na Bench.

Halos hindi na marinig ang host na si DJ Jinri Park dahil sa sobrang lakas ng hiyawan ng mga fans.

Pasado alas-singko na nang magsimula ang programa, kung saan nainterbyu ni Jinri sina Si Won at Dong Hae.

Napag-usapan sa interbyu, na tumagal ng humigit-kumulang sa 20 minuto, ang pagiging fashion brand endorsers ng dalawa.

Tinalakay rin ang ilang detalye ng kanilang buhay bilang celebrities sa South Korea, pati ang reaksiyon nila sa mainit na pagtanggap sa kanila ng Pinoy fans na ikinatuwa naman nila nang husto.

Sa bawat pagkakataon na mangingiti ang dalawa, o di kaya’y lilingon at kakaway sa audience, ay tumitindi ang hiyawan ng fans.

Lalo na nang sinubukan nilang kausapin ang kanilang mga tagahanga gamit ang wikang Filipino.

“Mabuhay, Philippines. Mahal ko kayo!” sabi ni Si Won, na suot ang isang color-blocked sweatshirt at faded yellow jeans.

“Salamat, Philippines! Mami-miss ko kayo!” wika naman ni Dong Hae, na nakasuot ng isang black polo shirt, navy blue cardigan, at mint green pants.

Ilang fans naman na sinuwerteng manalo sa meet-and-greet promo ng naturang clothing brand ang nagkaroon ng pagkakataong makalapit kina Si Won at Dong Hae.

Nakapag-uwi rin sila ng souvenir T-shirts na may pirma ng dalawang Korean pop stars.

Umakyat naman sa entablado ang Bench owner na si Ben Chan at ilan niyang kapamilya upang magpa-picture sa dalawa.

Samantala, namataan din sa audience ang Kapuso actor na si Steven Silva, na aminadong fan din ng Super Junior.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN