Eric Quizon says the tribute-benefit concert Dolphy Alay Tawa will be broadcast simultaneously by ABS-CBN, GMA, and TV5

Pinangunahan nina Eric Quizon at mga kapatid ang misa para sa ika-40 araw ng kamatayan ng amang si Dolphy. Dito ay inanusiyo rin ni Eric ang gaganaping Pidol Golf Cup at tribute-benefit concert na Dolphy Alay Tawa. Ang kikitain ng event ay mapupunta sa Dolphy Aid Para Sa Pinoy Foundation.


Isang misa ang idinaos kahapon, Agosto 18, sa Chapel 6 ng Heritage Memorial Park and Crematorium para sa 40th day ng kamatayan ni Dolphy.

Binawian ng buhay ang tinaguriang “Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino”—si Rodolfo Vera Quizon, na mas kilala ng bayan bilang Dolphy—noong Hulyo 10 ng taong ito.

Nag-multiple organ failure si Dolphy, matapos ng halos isang buwang pagkakaratay sa Makati Medical Center, mula Hunyo 16 hanggang sa kamatayan nito.

Inilibing si Dolphy sa Heritage Memorial Park and Crematorium nung Hulyo 15.

Nitong Agosto 18, si Eric Quizon ang nag-asikaso ng misa, na dinaluhan ng iba pa niyang kapatid na sina Vandolph, Nicole, Epy, Ronnie, Sahlee, at iba pang non-showbiz siblings.

Dumating din si Maricel Soriano. Ilang beses na rin namang binanggit ng aktres na “anak” din siya ng Comedy King kaya kailangan niyang dumalo.

Ginampanan ni Maricel ang papel na “Shirley” sa comedy show nila noon na John En Marsha at sa ABS-CBN sitcom na John En Shirley.

Sa gitna ng misa ay binati roon ang isang kapatid ni Dolphy na si Laura, na nagdiriwang naman ng 80th birthday nito.

Pagkatapos ng misa, tumuloy sina Eric sa puntod ni Dolphy para basbasan ito at bumalik uli sa chapel para sa konting salu-salo.

Sabi nga ng officiating priest na si Fr. Larry Faraon, parang send-off party na rin daw yun kay Dolphy.

Paniniwala kasi sa relihiyong Katoliko na aakyat sa Kalangitan ang kaluluwa ng namayapa matapos ng 40 araw na pamamalagi nito sa lupa.

Wala ang partner ni Dolphy nang 23 taon, si Zsa Zsa Padilla, at wala rin ang anak nilang si Zia, dahil parehong nasa Estados Unidos ang mga ito para sa event ng ZO line ng Belo Medical group.

Pagkakataon din kasi ito ni Zsa Zsa na magpa-check up ng kanyang karamdaman sa kidney.

Kuwento ni Eric sa PEP.ph (Philippine Entertainmen Portal) at iba pang kaharap na media, “They’re having their own celebration or send-off party.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung mga nasa L.A., kasama nila sina Zsa Zsa at Zia. Meron silang Mass.

“And then yung mga taga-San Francisco, sina Kuya Boy, si Donna, at saka mga pamangkin ko doon sa Amerika sa Bay Area, meron din silang Mass at konting salu-salo.”

EVENTS FOR DOLPHY FOUNDATION. Pagkatapos ng misa ay in-announce nina Eric at Epy ang mga events na binuo nila bilang pag-alala sa kanilang ama.

Bukas, Agosto 20, ay gaganapin sa Eastridge Golf Club sa Binangonan, Rizal, ang Pidol Golf Cup na binuo ni Epy.

Ang kikitain nito ay mapupunta sa Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation.

Sa Agosto 31 naman ay magkakaroon ng isang malaking tribute at benefit concert sa direksyon ng John En Marsha director na si Al Quinn.

Ito ay pinamagatang Dolphy Alay Tawa, na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena para rin sa foundation.

“It’s actually a benefit concert. Para siyang free, pero first come-first served, e.

“Ayaw lang namin magkagulo. Ang gusto namin, orderly.

“Kaya ginawa namin, for minimum donation of P150, they can get a ticket, and they can watch the show,” pahayag ni Eric.

“Sobrang baba siya, para ka lang nanood ng sine.”

May iba ring presyo ng tickets: P150 ang sa General Admission, P250 para sa Upper Box, at P450 para sa Lower Box.

Magsisilbing donasyon ang kikitain ng concert mula sa ticket sales sa beneficiaries ng foundation ni Dolphy.

“Itong donation na ito, mapupunta sa magandang causes, ‘no. Ang mga beneficiaries nito ang Red Cross, Eye Bank.

“On site, magkakaroon kami ng blood-letting, magkakaroon kami ng free eye check-up.

“‘Tapos at the same time, magbibigay din kami ng scholarships para sa Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation, at magpapatayo kami ng classrooms together with Friends of Hope Foundation, sa isang public school sa Tondo where my dad grew up.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Malaking tribute ito, wherein artists of all three networks ay magpa-participate.

“Magsasama-sama ang ating mga malalaking artista from the different networks to pay tribute to my dad, and, of course, ganun na rin ang ibang mga Quizon family, magpi-perform din kami,” pagpapatuloy ng actor-director.

Napag-alamang ang Emilio Jacinto Elementary School sa Tundo ang pagtatayuan ng ilang classrooms mula sa kikitain sa tribute benefit concert.

Sabay daw na mapapanood ang malaking Dolphy special na ito sa tatlong pangunahing networks ng bansa, ang ABS-CBN, GMA, at TV5.

Bukod sa malaking event na ito, magbibigay-pugay rin ang SM Cinemas sa pamamagitan ng pagpapalabas muli ng dalawa sa mga huling pelikulang ni Dolphy, ang Father Jejemon at Nobody, Nobody But Juan.

Mapapanood ang mga ito sa SM Supermalls sa mga petsang Septyember 1, 2, 7, 8, 9, 14, 15, at 16. Tinawag nila itong “Remembering Dolphy.”

Kaya malaki raw ang pasasalamat ni Eric sampu ng mga kapatid nito sa lahat ng sumuporta at patuloy na nagbibigay-halaga at alaala sa kanilang ama.

CONCERN FOR ZSA ZSA. Hiningan na rin ng PEP si Eric ng kanyang saloobin sa pinagdadaanan ngayon ni Zsa Zsa, na matagal na palang may lihim na problema sa kalusugan na ngayo’y hinahanapan ng lunas.

“Of course, we are sending her positive energy. Hintayin na lang natin ang results.

“Siguro naman magiging maganda naman ang resulta. Huwag na lang magpaka-nega,” pakli ni Eric.

“Of course, we are concerned, natural lang iyun, it’s a normal reaction.

“She is part of the family. She is family. We’re just all hoping na it’s nothing serious.”

MISSING HIS DAD. Sa ngayon ay patuloy pa rin daw sa pagdadalamhati si Eric. Hindi na lang daw niya iniisip ang sinasabi ng iba na meron pa siyang pagdaraanang iba’t ibang stages.

Pero may mga pagkakataong nami-miss daw niya talaga nang husto ang ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Isang beses na meron akong pinanood na they’re talking about, ‘Kevin, Kevin.’

“’Ano ba ‘tong Kevin na ‘to?’ Then I realized na, ‘Oh, my God, Kevin Cosme yata ang nagparamdam sa akin.’ Little things like that,” natatawa niyang kuwento.

“Usually, nakikita ko siya through sa pelikula o sa TV. Pag meron akong nakikita o naaano…na they’re talking about fathers, yung mga ganun, pinapatay ko na lang.

“Pag nakikita ko ang pictures niya, ok lang ako, e. It’s when they talk about family, or when they talk about fathers, siyempre yun ang time na medyo naapektuhan ako. Saka pag ako lang mag-isa…” saad pa ni Eric.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN