Nora Aunor wears a nun’s habit in special episode of TV5’s Untold Stories

Gaganap bilang isang madre ang Superstar na si Nora Aunor sa isang espesyal na episode ng Untold Stories, ang weekly drama anthology ng TV5. Ito ang ikatlong pagkakataong gaganap bilang isang madre si Nora.


Masayang-masaya ang Superstar na si Nora Aunor nang datnan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Untold Stories, ang weekly drama anthology ng TV5.

Naganap ang taping noong Huwebes, August 16, sa Barangay Balagtas, Boys Town Complex, sa Parang, Marikina City.

Ginampanan dito ni Nora ang papel ng isang madre, si Sister Thelma L. (Sister Thelma Layug).

Kasama niyang gumanap sa episode na ito sina Yul Servo bilang kanyang "love interest,” at ang veteran actresses na sina Angie Ferro bilang ina ni Nora at Ermie Concepcion bilang ina ni Yul.

Buong araw, simula ika-pito ng umaga hanggang madaling-araw ng August 17, nag-taping si Nora.

Tila wala naman siyang kapaguran at masiglang-masigla sa ginagawa.

Pangatlong pagkakataon na raw ito na gumanap siya sa papel ng isang madre ng simbahan.

"Yung una, sa ’Caridad’ episode ng Fe, Esperanza, Caridad. Si Gerry de Leon ang direktor ko,” pag-alala ni Ate Guy sa 1974 classic film na iprinodyus ng Premiere Productions, Inc.

"Tapos, meron pang isa na madre din ako... sa Nora sa ABS-CBN," banggit din ni Ate Guy sa episode ng kanyang dating drama anthology.

Sa episode ngayon ng Untold Stories, may conflict ang tauhang ginampanan ni Nora bilang si Sister Thelma, dahil umibig ito sa isang lalaking ipinakipaglaban niya, kapalit ang tinanggap na bokasyon.

Sa ginawang pag-i-internalize, hindi naman daw kinailangang dumaan ang Superstar sa mahirap na proseso.

Aniya, "Napi-feel ko lang lahat ng eksena.”

Malaki raw ang naging bahagi ng pagyao ng kaibigang direktor na si Direk Mario O’Hara, dahil nagsilbing motibasyon ang matinding lungkot na nadarama pa rin ngayon ng aktres.

"Ay, oo naman. Siya ang umpisa ko," pag-alala pa ni Ate Guy.

Ito naman ang ikalawang pagkakataon na naging kapareha ni Nora ang aktor at Manila councilor na si Yul Servo. Una silang nagkasama sa pelikulang Naglalayag, na ipinalabas noong 2004.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa direksiyon ng veteran TV-movie director na si Argel Joseph, ang “Sister Thelma L.” episode ng Untold Stories ay nakatakdang iere sa September 1, Sabado, sa TV5.

OTHER NORA UPDATES. Dalawang TV drama guest appearances muna sa Kapatid network ang gagawin ni Nora bago siya lumipad sa September 4 patungong Venice, Italy, para sa international premiere ng Thy Womb.

Pagkatapos ng Untold Stories, magge-guest si Nora sa suspense-thriller series na Third Eye. Naitakda ang taping ni Nora sa Biyernes, August 24.

Makakasama si Ate Guy ng mga mainstays ng serye na sina Eddie Garcia, Lorna Tolentino, at Eula Caballero. Sa direksiyon ito ni Joel Lamangan.

April 30, 2012 nang matapos ang shoot ni Nora ng indie film na Thy Womb na idinirehe ni Brillante Mendoza.

Pagkatapos nito ay nagpunta siya sa U.S. para sa pagpapa-check-up ng kanyang lalamunan for a possible operation, na muling nai-reschedule.

Naatasan din siya ng TV5 management na dumalo sa launch ng cable channel ng Kapatid network doon sa Amerika.

Nitong August 1 ay nagbalik si Ate Guy sa Pilipinas para harapin na ang mga susunod niyang kaabalahan bilang aktres.

Nakipag-meeting siya sa TV5 management para sa dalawang malalaking proyekto—isang regular teleserye at isang pelikula para sa Studio 5.

Nang dumating ang mga kalamidad (habagat at bagyong Helen), nakiisa rin si Nora sa relief operations ng TV5.

Nagpunta raw siya sa mga relief operations centers at tumulong sa pag-empake ng mga relief goods at pamamahagi ng mga ito.

Ayon kay Boy Palma, Nora’s personal manager, nakatakdang magsimula ang taping ng Superstar para sa bagong teleserye ng TV5 “between October and December 2012.”

Ang posibleng pagsisimula ng airing nito ay sa mga unang buwan ng 2013, kasabay ang iba pang bagong programa ng TV5 na ilulunsad sa susunod na taon.

Nagkaroon ng bagong schedule ang trabaho ni Ate Guy dahil sa bago at magandang development sa kanyang acting career, nang matanggap bilang Main Competition entry ang Thy Womb sa 69th Venice International Film Festival (VIFF), sa Italy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magsisimula ang VIFF sa August 29 at matatapos sa September 8.

Mula sa Venice, tutungo namang Canada ang grupo nina Nora, Direk Brillante, at mga kasamang artista ng Thy Womb—tulad nina Mercedes Cabral, Bembol Roco, at Lovi Poe—para sa Toronto International Filmfest mula September 6 to 16.

Bukod sa Venice at Toronto, itatanghal din ang Thy Womb sa Busan, South Korea.

OVERWHELMED. Ngayon pa lang, excited na sina Nora at Direk Brillante sa pag-attend sa Venice, Italy, para sa world premiere at main competition screening ng Thy Womb (Sinapupunan).

Ayon kay Boy Palma tungkol sa Superstar: "Maglalakad siya sa red carpet with Direk Dante.

“Nora will be wearing a fuschia-and-black terno, designed by Nonon Palmos.

"Ang gusto ni Direk, naka-terno sina Nora, Mercedes, at Lovi.

"Tatlong babaeng ethnic-looking at exotic ang kasabay ni Brillante sa Venice!" natutuwang paglalarawan pa ni Boy sa nakikinitang magiging kaganapan.

HIMALA IN VENICE. Malaking balita rin ang kasabay na screening ng classic film-starrer ni Nora, ang Himala, sa 69th Venice International Filmfest.

Para ito sa kategoryang "Classic,’ kasama ang isa pang Filipino film—ang Genghis Khan (1954) ni Manuel Conde, na unang pelikulang Pinoy na naging entry sa Venice Filmfest.

Ang inclusion ng Himala sa VIFF 2012, ayon kay Direk Brillante, ay kaugnay ng pagkakatanggap bilang main competition entry ng Thy Womb, na parehong si Nora ang lead actress.

"Kaya ni-request din nila na ipalabas ang Himala sa Venice, kasi alam nila na nanalo ang pelikula ni Nora sa CNN-APSA noong 2008."

Ang tinutukoy ng direktor ay ang pagkakapili sa Himala ng Asia-Pacific Screen Awards bilang Viewers’ Choice Best Film of All-Time.

Sa pamamagitan ng ABS-CBN ay nagkaroon ng digitally-remastered brand new print ang Himala, at ito ang ipalalabas sa Venice International Filmfest.

Ngayong 2012 ang 30th anniversary ng Himala, na idinirek ng National Artist for Film na si Ishmael Bernal at isinulat ni Ricky Lee, para sa Experimental Cinema of the Philippines.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Unang itinanghal ang Himala sa Pilipinas sa Metro Manila Film Festival noong December 1982.

Unang-una ring natuwa si Nora nang malaman ang nakatakdang screening ng Himala, sa September 5, sa Venice International Filmfest.

THY WOMB SCREENINGS. Pagdating sa Venice, Italy, ay agad dadalo sa gala night ng Thy Womb sina Nora, Direk Brillante, at iba pang cast ng pelikula sa September 6.

Ngayon pa lang, ayon kay Direk Brillante, marami na rin daw mga Pilipinong OFWs at resident Pinoys sa Venice at karatig-bansa sa Europe ang nag-aabang sa pagdating ng Philippine delegation kaugnay ng 69th Venice International Filmfest.

Sabi ni Direk Brillante, "Naku, hinihintay na talaga nila ang pagdating ni Ate Guy! In full force ang mga Pinoy sa pagsuporta nila sa mga pelikula natin na ipapalabas sa Venice."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN