Artista Academy student Vin Abrenica learns to accept comparison to brother Aljur Abrenica

Tanggap na ng Artista Academy student na si Vin Abrenica ang pagkukumpara sa kanila ng kanyang kuya na si Aljur Abrenica. Sa isang banda raw kasi ay advantage din ito para sa kanya. Pero sabi ni Vin, “Para sa akin, kung hindi ko po gagalingan, wala lang pong mangyayari sa akin. Kaya kailangan ko pong galingan talaga.”


Unti-unti nang natutupad ang pangarap at nakakagawa ng sarili niyang pangalan si Vin Abrenica, isa sa mga estudyante o contestant sa reality-based artista search ng TV5 na Artista Academy.

Si Vin ay nakababatang kapatid ng Kapuso hunk na si Aljur Abrenica.

Bago siya nag-audition para maging isa sa mga estudyante ng Artista Academy ay graduate na si Vin ng Culinary Arts.

Pangarap daw niyang mabigyan ng sariling bahay ang mga magulang at mapag-retire na ang daddy niya sa pagtatrabaho.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Vin pagkatapos ng “live exam” ng Top 16 students ng Artista Academy noong Sabado, August 18, sa Broadway Centrum, Aurora Blvd., Quezon City.

KUYA ALJUR. Ano ang reaksiyon o komento ng Kuya Aljur niya sa nangyayari sa kanya ngayon?

Ayon kay Vin, “Proud po siya. Pinapanood po niya.

“Sobrang proud po niya na ako po ang nag-Top 1 po. Sobrang proud po siya sa akin.

“Tapos po yung mommy ko, papasok sa kuwarto, hahalikan niya ako. Sobrang saya lang po.”

Nasasanay na rin daw si Vin na nakukumpara siya palagi sa kuya niya.

“Kasi noong Araneta [Coliseum] audition pa lang po, marami na rin pong mga comparison.

“Actually, noon po, umiiyak pa ako sa gabi. Talagang nasasaktan po ako.

“Tinatawagan akong ‘magbo-bote,’ yung ganoon pa po.

“Yun pa po ang time na medyo chubby pa ako, maitim-itim pa.”

Ngumiti at hindi pumayag si Vin nang tanungin kung tanggap ba nito kapag sinasabing mas guwapo sa kanya ang kuya niya.

Aniya, “Ay, hindi po, may kanya-kanya po kaming kaguwapuhan.”

Pero kung may lamang daw si Vin kay Aljur, base sa obserbasyon ng ilang entertainment press, mas maganda raw ang speaking voice niya sa kapatid.

“Thank you po,” sambit ni Vin nang kunin ang kanyang reaksiyon.

“Actually po, may kanya-kanya naman pong opinyon ang mga tao. Yung iba po, si Kuya. Yung iba naman, ako raw po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya naman po ako.”

Ang lahat daw ng ginagawang pagkukumpara sa kanila ni Aljur ay ginagamit ni Vin para mas lalo pa siyang ma-challenge.

Sabi niya, “Nandiyan na po kasi si Kuya, established na siya.

“Para sa akin, kung hindi ko po gagalingan, wala lang pong mangyayari sa akin. Kaya kailangan ko pong galingan talaga.”

VIN’S EDGE. Sa kanilang mga estudyante ng Artista Academy, masasabing may edge na si Vin, lalo na sa mga lalaking contestants, dahil kilalang artista ang kapatid niya.

Hindi ba ito nagiging isyu sa mga kaeskuwela niya sa show?

Sagot ni Vin, “Magkakaibigan po kaming lahat.

“Kung para po sa kanila, ganoon man ang nararamdaman nila, it’s based pa rin po sa grades namin.

“Siguro po, kung sa labas, mas medyo kilala po ako dahil kapatid ko nga po si Aljur Abrenica.

“Pero pagdating naman po sa grades, doon po malalaman talaga, kasi teacher po ang nagbibigay.

“Kung nag-top one man po ako, thankful po ako kasi na-appreciate po nila.

“Pero sa tingin ko po, wala naman pong kinalaman doon kung kapatid man po ako ng kuya ko.”

Gaya ng mga estudyanteng nag-aaral sa eskuwelahan, ang mga contestants ng Artista Academy ay binibigyan ng grades ng kanilang teachers/judges base sa kanilang performance sa exams.

Pero hindi naman ipinagkakaila ni Vin na malaki talaga ang tulong sa kanya kapag nalalaman ng tao na kapatid siya ni Aljur.

“Opo, e, tulad po sa exposure. Sinasabi po kapatid, exposure pa rin po yun. Advantage rin po talaga.

“Pero siyempre po, gusto ko rin po na pagtagal-tagal, mabigyan din po ako ng pagkakataon na makilala bilang ako po.

“Siguro po, yun din po ang dahilan kung bakit ginawa na lang pong Vin yung pangalan ko.”

Alvin ang totoong pangalan ni Vin.

Pero katulad ni Aljur, maingat din si Vin sa pangangatawan niya at mahilig ding mag-gym.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEWCOMER. Bagamat matagal-tagal na ring artista ang kuya niya, ngayon lang daw talaga sumabak sa showbiz si Vin.

Aniya, “Wala pa po akong na-experience na mga VTR, commercials… wala pa po.

“Pati workshop, wala pa po. Dito lang po lahat.

“First time po sa AA na singing, acting, dancing. So, lahat po, medyo bago po sa akin.”

Ang talent lang daw niya sa pagkanta ang baon niya nang mag-audition siya sa Artista Academy.

“Opo, kasi po, yun na po ang hilig ko simula bata pa lamang po ako, naggigitara na po ako.”

Madi-disappoint ba siya kung sakaling hindi siya ang manalo sa Artista Academy?

“Siyempre po, masasaktan po ako kasi lahat naman po ibinigay ko, e.

“Parang lahat ’binubuhos ko na po—pagod, puyat…

“Kung hindi man po ako mananalo, ibig sabihin, kulang pa rin."

Prangka nitong sinabi, “Masasaktan po ako, malulungkot po ako, maaapektuhan po ako."

Ngunit sabi rin niya, “Pero kahit ganoon naman po, wala naman po akong magagawa.

“Magiging handa na lang po ako siguro at paghuhusayan ko na lang po kung anuman ang mangyayari sa akin after.

“At the same time, magkakaroon pa rin po ako ng opportunity kung matatanggal man po ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN