Manny Pacquiao admits prizes he gives away in Manny Many Prizes come from his own pocket

Manny Pacquiao refuses to talk about his next boxing match. Asked who his new opponent could be, he joked, "Wala pang confirmed na makakalaban, but definitely ang kalaban ko, boxer."


Maganda ang mood ni boxing champ Manny Pacquiao kagabi, August 24, nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press sa Studio 7 ng GMA Network.

Magkakaroon kasi ng show sa Universal Studios sa Hollywood ang variety-game show niyang Manny Many Prizes. Ito ay kaugnay ng ika-pitong anibersaryo ng GMA Pinoy TV, ang international cable channel ng Kapuso network.

Gaganapin ang show sa September 16, kung saan magbibigay ng kasiyahan at papremyo si Manny at ang kanyang co-hosts sa mga kababayan natin sa Amerika.

Sa naganap na pocket interview kagabi ay panay ang biro ni Manny.

Sa isang punto ay kinuha pa niya ang lahat ng mike at recorder ng media para kapanayamin kunwari ang mga co-host niyang sina Paolo Contis, Gladys Guevarra, at Onyok Velasco.

Masaya raw kasi si Manny na malayu-layo na ang narating ng kanyang show.

"Dinala natin yung Manny Many Prizes sa L.A. this coming September 16, sa Gibson Ampitheatre and sa Universal Studios, para mabigyan ng chance yung mga kababayan nating Pilipino na laging nakasubaybay sa MMP, at excited na ang lahat na ma-meet ang lahat ng Pilipino dun sa LA," pahayag ng boxing champ.

Noong July 16, 2011, pa nagsimula ang Manny Many Prizes sa GMA-7 kaya’t lagpas isang taon na ito sa ere.

Nagulat ba si Manny na tumagal ang show niya kahit busy siya sa boxing at sa kanyang trabaho bilang congressman ng Saranggani?

Sagot niya, "In-expect ko naman, dahil depende sa akin kung kaya ko, at kaya ko naman dahil nandiyan ang Panginoon para sa atin. Marami tayong natutulungan, at ang hangad natin ay makatulong."

Pahayag pa ni Manny, tumagal siguro ang show dahil galante itong tumulong.

"Dito sa Manny Many Prizes, talagang namimigay kami. Hindi kami yung basta suwerte lang yung isang contestant, mananalo o hindi.

"E, dito, kapag hindi napanalunan yung jackpot prize e may pamasahe kami para sa mga audience.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ibinibigay naman, pag 300,000; 250,000; 500,000... Ibinibigay namin pati yung...

"Kapag hindi napanalunan yung jackpot, minsan dinodoble ko, minsan dinadagdagan ko ng 30,000.

"So, talagang pinamimigay namin yung tulong," saad niya.



GENEROUS MANNY. Sinagot din ni Manny ang sagot sa tanong na nais malaman ng lahat: Totoo ba na sa kanyang sariling bulsa nanggagaling ang mga papremyo?

Totoo raw ito, sabi ni Manny.

May mga premyo na galing sa budget ng GMA-7 para sa show, ngunit hindi naman pinipigilan si Manny na mag-abot mula sa kanyang sariling bulsa.

Dagdag pa ng staff ng show at ng co-hosts ni PacMan, minsan nga ay sila pa ang umaawat kay Manny.

May ikinuwento si Paolo Contis sa media na minsan daw ay naawa si Manny sa isang contestant na natutulog lamang sa sementeryo. Ang ginawa raw ng boksingero ay bigla itong nagpabili ng bahay para matirhan ng contestant.

Ayon naman kay Manny, pakiramdam kasi niya ay ibinigay sa kanya ng Panginoon ang show para maipamigay ang kanyang yaman.

Paliwanag niya, "Basta I am blessed, salamat sa Panginoon, sa ibinigay Niyang biyaya sa akin at naka-bless din ako ng ibang tao.

"Siyempre, kahit papaano—isanlibo, limanlibo, sampung libo—malaking bagay na sa tao iyon, e, pagsisimula sa buhay.

"Maraming kuwento kasi yung, halimbawa, yung mga pinagdaanan, na katulad ko na natutulog kung saan-saan.

"Yung nakatira sa sementeryo, yung nakatira lang sa banyo ng eskuwelahan dahil wala siyang matulugan..."

Suportado rin daw si Manny ng kanyang asawa na si Jinkee Pacquiao sa gawain niyang ito.

"Masaya naman yung asawa ko na namimigay ako ng tulong.

"Alam ko naman na suportado ako ng asawa ko at masaya din naman siya.

"So, walang problema," sabi ni Manny.



FAITH IN GOD. Dagdag pa ng boksingero, hindi lang pera ang ipinamamahagi niya sa mga contestants kundi pati na ang kanyang pananampalataya.

"Hindi lang ako tumutulong sa mga kababayan natin. Ine-encourage ko sila na magkaroon ng relationship sa Panginoon, at magbasa ng Bible."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa sa mga nais niyang ipaabot sa mga mamamayan ay ang pagiging mapagkumbaba.

Dito ay ibinigay niyang halimbawa ang kumalat na video sa YouTube, kung saan sinapak ng isang maykayang motorista ang isang simpleng traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ang tinutukoy ni Manny ay ang pananapak ni Robert Blair Carabuena, recruitment officer ng Philip Morris, kay Saturnino Fabros, isang MMDA traffic enforcer na single parent, noong August 11.

(CLICK HERE to read related story.)

Saad ni Manny, "Katulad nung... isipin niyo yung nangyari sa MMDA, at sa nanampal dun sa MMDA.

"’Pinapakita ng Panginoon kung ano’ng nangyayari sa taong nagpapakumbaba.

"Sinampal siya, naayos na yung bahay niya, may scholarship na ang kanyang mga anak, tapos binigyan pa siya ng tulong.

"Tingnan niyo ang taong nagpapakumbaba, kasi nakita niyo, sinasampal siya, hindi man lang siya nanghingi ng sorry.

"So makikita mo sa example dun, na dapat ganun ang mangyari.

"Ang taong mapagmataas sa sarili, binababa ’yan. Ang taong mapagkumbaba sa sarili, tinataas ’yan.

"’Yan ang aral na nakuha doon."

Sa pinakahuling report kaugnay ng insidenteng ito, personal na nagtungo si Carabuena sa tanggapan ng MMDA noong August 23 upang magbigay ng public apology.

Sabi ni Carabuena, "Di na po lingid sa karamihan ang aking di kagandahang asal noon ika-11 ng Agosto.

"Sa iyo, Mang Sonny, at sa iyong anim na anak, ako po ay humihingi ng inyong kapatawaran.

"Ako po sana’y mabigyan ng pangalawang pagkakataon at personal na makahingi ng paumanhin kay Mang Sonny."

Wala si Fabros sa tanggapan ng MMDA nung araw na nagpunta si Carabuena.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN