PART 1: Ishmael Bernal’s Himala will premiere in its restored HD version at 69th Venice International Film Festival

Sa darating na Oktubre, magsasabay-sabay ang Philippine premiere ng High Definition version ng Himala, ang paglabas ng libro tungkol sa pelikula ng screenwriter nitong si Ricky Lee, at ang pag-celebrate ng ika-45 na taon sa show business ni Nora Aunor (nasa litrato).


Na-advance nang isang araw ang naitakdang taping ng Third Eye ng TV5, noong Thursday, August 23, na ang special guest ay ang tinaguriang Superstar na si Nora Aunor.

Ang dahilan ay ang hindi pa rin maayos na kundisyon ng isa sa mainstays nito, ang veteran actor na si Eddie Garcia.

Ayon sa mga taga-production, mataas pa rin ang blood pressure ni Eddie at kailangan ng kumpletong pahinga.

Nalulungkot talaga ang mga kasamang mainstays ng programa na sina Lorna Tolentino, Eula Caballero, at Daniel Matsunaga.

Ipinagdarasal daw nila na bumuti na agad ang lagay ng kanilang Tito Eddie.

Maging si Ate Guy ay nag-aalala rin para sa dati niyang direktor at co-actor.

Naidirek ni Eddie Garcia si Guy sa Atsay nung 1978, at nagkasama sa mga pelikulang Bakit May Kahapon Pa? (1996) at Tinik Sa Dibdib (1985).

Pero nang dumalaw ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tahimik lang si Nora sa buong panahon ng taping.

Nailahad sa PEP ng personal manager ni Ate Guy, si Boy Palma, ang pag-aalala ng aktres.

"Hindi niya expected. Akala nga niya, magkakasama silang tatlo nina LT at Eddie sa episode," sabi ni Boy. LT ang palayaw sa showbiz ni Lorna.

"Nakakalungkot, pero ayaw na lang naming isipin. Sana naman maka-recover agad si Eddie, who’s in his eighties na rin, e."

Ginagampanan ni Nora sa Third Eye episode na “Diyablo Sa School” ang karakter ni Ditas, isang school janitress na may special healing powers.

Sa eskuwelahang pinangyarihan ng kuwento, maraming school children ang na-possess ng demonyong nakalaban ng character ni Guy.



HIMALA, THE BOOK. Masasabing ang papel na ginampanan ni Nora sa Third Eye episode ay hindi nalalayo sa pagiging faith healer niya noon sa Himala (1982) ni Ishmael Bernal.

Nagkataong bumisita rin kay Nora sa taping na iyon ang writer ng Himala na si Ricky Lee.

Masayang kinausap ng award-winning scriptwriter si Guy hinggil sa klasikong pelikulang nakatakdang mag-premiere sa 69th Venice International Film Festival ngayong September 5.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipapalabas ito in its restored HD o High Definition version, na ginastusan ng ABS-CBN ng "mga P2 million," ayon kay Ricky.

"May ilalabas kasi akong libro, na Himala lang. Maraming interviews, anecdotes ng mga involved noon sa paggawa ng Himala," sabi pa ni Ricky sa PEP.

At may bago rin siyang interview kay Ate Guy para isama sa mga tala ng ilalabas na bagong libro.

"Iba ito sa Si Tatang At Mga Himala Ng Ating Panahon, pero included din yung buong script ng Himala," sabi pa ng premyadong screenwriter at novelist.

Inihahanda nina Ricky, sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN, ang librong Himala, at ang mismong Philippine premiere ng restored HD version ng pelikula ni Bernal.

Tamang-tama para sa 30th anniversary celebration ng Himala sa darating na Oktubre.

Nagkataong sa buwan din na iyon tatapat ang ika-45 na anibersaryo ni Nora sa show business, kaya maraming preparasyon ukol dito.

Bagay na ikinaka-excite pareho nina Ricky at Nora.

"Parang bagong pelikula ang Himala!" bulalas ni Ricky.

"Kung nabubuhay si Direk Ishma, siguro ang saya-saya nun!" banggit naman ni Nora sa kanyang Himala director.



DIREK RICKY? Ini-encourage naman ni Guy na magdirek na ng sarili nitong pelikula ang kaibigang writer.

"Magdidirek na ’yan," pang-eengganyo ni Nora kay Ricky.

"Isusulat pa niya ang script, pero hindi ako gaganap doon, kung hindi siya ang magdidirek!

"It’s about time..." sabi pa ng Superstar, na ikinangingiti lang ni Ricky.

"Yun munang libro," ang idinugtong ni Ricky. "At saka, meron pang biography na hindi pa tapos. Sana, this year," sabi ni Ricky na ang tinutukoy ay ang isinusulat niyang biography ni Nora.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN