Aga Muhlach on "ex-girlfriend" Regine Velasquez: “Na-in love ako sa kanya, naging girlfriend ko siya, nag-break na kami, naglasing na ako dahil sa kanya—hindi pa niya alam yun."

Pagkatapos ng tatlong taong pagkabinbin ay ipalalabas na sa wakas ang ikatlong pelikula nina Aga Muhlach at Regine Velasquez, ang Of All The Things. Sa presscon ng pelikula ay inamin ng aktor na tinangka niyang ligawan ang singer-actress noong una nilang pagsasama, pero hindi niya itinuloy.


Makalipas ang ikatlong taon, ipalalabas na sa mga sinehan ang nabinbing pelikula nina Aga Muhlach at Regine Velasquez—ang Of All The Things, na idinirek ni Joyce Bernal para sa Viva Films at GMA Films.

Ito ang ikatlong pelikula nina Aga at Regine pagkatapos ng Dahil May Isang Ikaw (1999) at Pangako…Ikaw Lang (2001).

Kaninang hapon, August 27, ay ginanap ang presscon ng Of All The Things sa Citybest Restaurant sa Timog Ave., Quezon City.

Dito ay natanong sina Aga at Regine kung hindi ba dumating ang puntong nagkagustuhan sila.

Nang una silang magsama sa pelikula noong 1999, ang Dahil May Isang Ikaw, ay pareho pa silang single.

Ikinasal si Aga sa beauty queen-actress na si Charlene Gonzalez noong May 28, 2001—taon kung kailan ipinalabas ang ikawalang pelikula nina Aga at Regine, ang Pangako…Ikaw Lang.

Si Regine naman ay ikinasal sa singer/songwriter/comedian na si Ogie Alcasid noong December 22, 2010.


AGA’S "GIRLFRIEND." Hindi kasi kumbinsido ang ilang miyembro ng media na chemistry at friendship lang meron sila kung kaya’t nag-click ang kanilang tandem sa pelikula.

Tanong ng veteran entertainment columnist na si Jun Nardo kay Aga: Hindi ba siya “nagnasa” kay Regine sa mga naunang pelikulang ginawa nila?

Natawa ang 43-year-old actor sa narinig na tanong.

Ipinaalala muna ng aktor na nang mag-martsa ang misis niyang si Charlene sa kasal nila noon sa St. Joseph the Worker Parish, Baguio City, ay si Regine ang kumanta.

Aniya, “She went all the way to Baguio just to sing para sa amin.

“Ang biruan nga namin, parang hindi ko ma-get over, parang feeling ko, girlfriend ko pa siya!”

Nagulat ang mga imbitadong press, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa sinabi ni Aga.

Pero natatawang paglilinaw ng aktor, “Hindi ko siya naging girlfriend, hindi! Baka sabihin namang…

“Parang hindi ko lang ma-get over na hindi ako umubra!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagtatapat ni Aga, gustung-gusto raw niyang ligawan si Regine noong ginagawa nila ang kanilang unang pelikula.

Kuwento ng aktor, “Noon talaga, parang gustung-gusto. Pero kaya lang, lahat ng ipakita ko, hindi umubra.

“Kasi sinasabi niya, ‘Aga, sa akin, hindi mo ako madadaan sa mga porma-porma. Kailangan sinasabi sa akin nang diretso.’

“Hindi ko nga nasabi, e. Si Ogie nga ang nagsabi nang diretso!”

Tinanong din si Regine kung hindi ba siya nagkagusto kay Aga noon.

Sagot ng Asia’s Songbird, “Kasi nung first movie namin, medyo batang-isip pa ako noon, e. Very serious ako with my career.

“Pinapatunayan ko lang sa mga magulang ko na tumatanda na ako. So, medyo hindi ko masyadong pinag-iisip noon.

“Pero si Aga kasi, ang pogi-pogi.

"So, parang meron akong feeling na hindi niya ako magugustuhan kasi hindi naman niya ako ka-level—ganun ang feeling.

“And I never thought na ang ganda-ganda ko! Never ko naisip yung ganun.

“Ang naiisip ko lang noon, na I’m happy and blessed, I’m working with you.”



THE "BREAKUP." Nasisisi si Regine sa hindi nila pagkakatuluyan ni Aga. May mga pagkakataon daw kasing tawag nang tawag ang leading man niya sa kanya, pero hindi naman daw ito sinasagot ng singer-actress.

Pero kontra ni Regine, “Hindi niya ako tinatawagan, ‘no? Ang tumatawag sa akin, si Joyce!”

Ang ibig sabihin ng 42-year-old singer-actress ay tinangka raw ng kanilang direktor na maging tulay sa kanilang dalawa ni Aga.

“Paano ko malalaman?” hirit pa ni Regine.

“Hindi nga alam ni Reg!” pasok naman ni Aga.

“Hindi ko talaga alam,” pagsang-ayon ni Regine.

Patuloy na kuwento pa ni Aga, “Na-in love ako sa kanya, naging girlfriend ko siya, nag-break na kami, naglasing na ako dahil sa kanya—hindi pa niya alam yun.

“The whole time, galit siya sa akin dahil late ako parati."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kapag nagda-drama raw si Regine sa sa set nila, sinasabi raw ni Aga sa sarili: “Oh, my God, affected na ito sa akin. Parang mahal na mahal niya ako, ramdam ko ‘to.’”

Patuloy ng aktor, “Yun pala, nung ipinaliwanag niya, ‘Aga, ako ang pinaka-asar na tao sa iyo noon. Kasi dumarating ka nang late!’

“Sabi ko, ‘Reg, nakainom ako noon, sa sama nang loob ko sa iyo.’

“’Bakit? Anong ginawa ko sa iyo?’ tanong niya.

“’Naghiwalay tayo!’ sabi ko naman. ‘Hindi mo alam.’

“Sabi niya, ‘Hindi ko alam.’

“Hindi… pero totoo yung ikinukuwento ko, ha?” pagpapatunay ni Aga.

Komento ng press, bakit ngayon lang lumabas ang kuwentong ito kung kailan ikatlong pelikula na nila?

Sabi ni Aga, “Noon pa naman yung gano’n, e.

“Kaya nga namin sinasabi ni Reg… kaya nga siguro kami Reg, parang masarap kaming magsasama, maganda yung kumbinasyon namin. Siguro dahil, if you’re talking about attraction, there’s attraction naman.

“Ako, nagagandahan ako kay Reg, maganda naman talaga siya. Pero hanggang doon lang kami.

“Kaya nakakatuwa siyang kaeksena, nakakatuwa siyang tingnan.

“Magaling siyang umarte. May sarili siyang mundo kapag umaarte siya. May ginagawa siya na hindi mo alam.”

Singit na hirit naman ni Regine, “May sexual tension talaga!

“To make the long story short, may gano’n talaga!

“Di ba, pag ganun, hindi mo maintindihan? Ano bang meron sa chemistry na ‘to?

“It’s probably that!” dagdag pa ng Asia’s Songbird, kasunod ng malakas na tawa.



IT’S ALL IN THE PAST. Ngayon daw ay ginagawa na lang biro nina Aga at Regine ang kanilang “nakaraan.”

Sabi ni Regine, “Napag-uusapan lang namin yun after so many years.

“Pero siyempre, during those times na gumagawa kami ng pelikula, parang magkaiba kami ng mundo, e.

“Hindi ko alam kung totoo ba yun.

“Basta nung time na napag-uusapan na lang namin, we became friends already.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“The first movie, hindi talaga kami friends.

“Pero nung second movie, parang napag-usapan na namin, tawa kami nang tawa.”

Bakit ba hindi talaga nasabi nang diretso ni Aga ang feelings niya kay Regine?

“Bata pa siya noon,” salo ni Regine kay Aga.

Paliwanag pa ng singer-actress, “Alam mo yun, na parang minsan akala mo in love ka, pero nadala ka lang sa role or…

“Kasi every day, magkasama kami.

“Siyempre, after ng pelikula namin, biruin mo every day magkasama kami, tapos biglang hindi na niya ako makikita?

“Siyempre, kahit paano, di ba?

“Siguro, na-miss niya ako!” napahalakhak na sabi ng Party Pilipinas mainstay.

Ano naman ang reaksiyon ni Aga sa mga pahayag ni Regine?

Sagot ng aktor, “Ano lang, ang feeling ko noon, I had a crush on her and it’s as simple as that—na hindi mo lang masabi.

“And at the same time, you wanna make… nakakahiyang sabihin ito, ayaw ko namang magamit na promo namin ito.

“At that time, parang meron kang feeling na parang…

“Ako kasi, 1998 to 1999, parang naghahanap ako…I just want to settle down na rin.

“So, sabi ko sa sarili ko, ‘Kung hindi ako magiging seryoso sa babaeng ito, kay Reg…’

“Parang nag-aalangan ka rin, ayaw mo ring manloko ng babae talaga, e. Napakabait na tao talaga.

“Nakakasama ko sa pelikula, masarap yung samahan namin, parang ninamnam ko na rin yun.

“Tingnan natin kung darating sa ganun, pero hindi naman napunta doon.

“Hindi rin ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin yun. Siguro it wasn’t meant to be.

“And now, like… tingnan mo, si Ogie ang kasama niya ngayon.

“Super perfect sila for each other—mula nang nagkasama silang dalawa, hanggang sa nag-asawa sila, at nagkaanak na sila.

“And ako rin, when I got married at that time, 2000-2001, naging gano’n na rin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagsang-ayon naman ni Regine, “Parang naging tahimik yung buhay namin.”

Dagdag uli ni Aga, “And every time na nagkakasama kami, masaya pa rin.”

Singit uli ni Regine, “Meron kaming connection somehow that we cannot explain.

“Maybe that’s the reason why we look good on screen. Kasi, meron talaga kaming connection, e.

“Kasi yung mga ganung connection doesn’t have to be love ang ending mo, e.

“We love each other, we care for each other, pero hindi kami talaga papunta doon [relasyon].

“Kasi may itinakda talaga for us.”


SEXUAL TENSION. Sa past interviews ni Regine, sinasabi niyang kapag si Aga ang kapareha niya ay iba talaga ang rehistro ng chemistry nila sa mga manonood.

“Iba talaga,” ulit ng Asia’s Songbird.

Dagdag niya, “Minsan sa screen, nagtatabi pa lang kami, wala pa kaming ginagawa, ako mismo, kinikilig na ako.

“‘Yiheeey!’ Tinutukso ko ang sarili ko. Yiheeyy!’ Ginaganun ko talaga ang sarili ko. Kasi ang cute, e.

“Yun na nga, e, normal na sa amin yun na ang ganda namin pareho sa screen, nakakakilig kami.

“Hindi nga ma-explain.”

Bakit nasabi ni Regine na may sexual tension sila ni Aga?

“Ang sabi ko, baka yun yon. Kasi you see that on screen, e.

“Pag walang sexual tension, yun yung sinasabi nilang walang chemistry.

“Kailangan, pag magpa-partner kayo, magtatrabaho kayo, kailangan rin yun.

“It’s just really up to the both of you how to handle it.”

Ganito rin ba ang feeling ni Aga? Meron din ba siyang nararamdamang sexual tension para kay Regine?

Natatawang sabi ng Pinoy Explorer host, “Alam mo, yung sinasabi ni Reg… baka naman ma-misquote ninyo si Reg!

“Ang sinasabi niya, in general. Yung hindi pati yung tao, ang tingin, may nararamdaman silang gano’n.

“Ang sinasabi ko, there’s attraction there.

“At yung attraction na yun, hindi kumakawala sa salita. Kaya lumalabas sa aksyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya when we’re together on screen and what we do on screen together, it’s parang nice… I don’t know… it’s hard to explain, really.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN