Jackie Rice on turning down offer from another network: "Okey naman yung treatment sa akin ng GMA kaya hindi na rin ako naging intresado."

Hindi raw pinagsisisihan ni Jackie Rice na tinanggihan niya ang offer noon sa kanya ng ABS-CBN at manatili sa GMA-7. Saad niya, “Okey naman ako dito, e. Inaalagaan naman nila ako. Pero may mga nagsasabi nga sa akin na yung kapayatan ko ngayon, pang-ABS-CBN na raw. Yun ang sinabi nila sa akin. Hindi naman ako nagsisisi na tinanggihan ko yung offer."


Ngayong tapos na ang airing ng GMA-7 afternoon soap na Kasalanan Bang Ibigin Ka?, isa na lang ang natitirang regular TV show ni Jackie Rice—ang gag show na Bubble Gang.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jackie noong nakaraang linggo, sa compound ng GMA Network Center, sinabi niyang wala pa siyang bagong drama show.

Kaya naman ang pinagkakaabalahan niya ngayon ay mamasyal sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Katunayan, pagkatapos ng interview namin ay dumiretso siya sa Baguio.

Hindi lang daw sa Pilipinas nahihilig mamasyal si Jackie kundi sa abroad din; gaya sa Thailand, Malaysia, Hong Kong, at Singapore.

Sabi ng 21-year-old actress, “Sinasamantala ko lang naman na magbakasyon at mamasyal habang wala pang project.

“Kasi pag may work naman ako, naka-focus naman ako sa ginagawa ko.”

Tanggap daw ni Jackie kung sakali mang hindi magkakasunod ang acting assignments niya sa GMA-7.

“Wala naman akong reklamo, steady lang ako. Masaya naman ako kasi kakatapos nga lang ng show ko.”

Tatlong taon pa raw ang natitirang kontrata ni Jackie sa GMA-7.

Ano bang klaseng proyekto ang gusto ni Jackie na ibigay sa kanya ng GMA-7?

“Kahit ano naman, e,” sagot niya.

“Tayo naman, basta may trabaho. Wala talaga akong pinipili.

“Sa plano nila… I’m sure maganda ang plano nila sa akin kasi dito ako nakilala, e,” sabi niya.

NO MORE PASAWAY. Mukhang nag-mature na nga si Jackie at nais na nitong seryosohin ang showbiz career niya.

Tapos na ba ang mga pasaway days niya?

“Oo, wala na yun… happy na ako ngayon,” mabilis niyang tugon.

Paliwanag pa niya, “Siguro kasi… ayoko naman sabihing tumatanda na ako.

“Siguro ayoko lang sayangin kung ano meron ngayon. Kasi hindi naman panghabambuhay ang pag-aartista.

“So, kung anong meron ngayon, inaano ko... niyayakap ko talaga.

“Kasi hindi naman palagi… Katulad niyan, kakatapos lang ng project ko, wala akong offer.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



STILL THE SAME. Ilang beses nang nasusulat ang tungkol sa pangangayayat ni Jackie. Una itong napansin sa presscon ng afternoon soap niyang Kasalanan Bang Ibigin Ka.

May dalawang buwan na ang nakalilipas, pero wala pa ring pagbabago sa kanyang pangangatawan.

“Hindi ko rin alam,” iiling-iling na sabi ni Jackie nang tanungin tungkol dito.

“Ewan ko, pero kumakain naman ako, e. Hindi ko talaga alam, e.

“Siguro kailan lang nung nagte-taping kami, kasi halos araw-araw yun, dahil sa puyat, nakakalimutan ko na ring kumain.

“Eto ngayon, nagpapataba na rin ako ng konti.

“Kasi ang payat ng legs ko, e… ang gusto ko lang naman yung parang model ang figure ko.”


JACKIE’S BOYFRIEND. Habang kausap ng PEP si Jackie ay nasa hindi kalayuan lang ang boyfriend niya for three years na si Andrew.

Ito raw ang kasama ng young actress pag-akyat niya sa Baguio.

Bagamat masaya si Jackie sa piling ng kanyang boyfriend, hindi pa raw nila iniisip na magpakasal.

“Naku, wala pa. Kumbaga, ini-enjoy lang namin yung isa’t isa at kung ano rin lang ang meron.”

Wala na raw mairereklamo si Jackie sa takbo ng career niya sa taong ito. Bukod sa mga teleseryeng nagawa niya ay nag-cover din siya para sa July 2012 issue ng FHM.

Sabi niya, “Basta, happy ako sa career ko dahil blessed ako this year.

“Naging cover ako ng FHM last July… happy ako sa feedback nila. Nag-cover ako and then kasama ako sa 100 Sexiest.

“Pero hanggang doon na lang muna yun for now.”

Hindi ba tumututol ang boyfriend niya sa kanyang pagpapa-sexy?

“Wala, e. Supportive siya even sa voting for 100 Sexiest.

“Ibinoboto niya ako, kinu-convince rin niya yung mga friends niya na iboto ako.

“Kaya happy ako, kasi hindi siya nakikialam na, ‘Hoy, huwag mo ngang gawin ‘yan.’ Wala siyang gano’n.

“Hindi lang siya doon supportive. Ipinagda-drive niya ako papuntang work.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pag ayokong kumain, itatanong niya kung ano ang gusto kong food. Ipagluluto niya ako.

“Gusto niyang kumain ako… napaka-supportive niya talaga.”

Nakikita ba niya kay Andrew ang katangian ng lalaking pakakasalan niya?

“Hindi ko pa kasi iniisip yung panghabambuhay.

“Ngayon, nag-e-enjoy ako na may lovelife ako at may career.

“Kasi, hindi naman maganda kung may lovelife lang, tapos walang career.

"Ngayon, balance lang. Unlike before, di ba?

“Kasi nga, bata pa ako that time. Ayoko namang sabihing tumatanda na ako kasi bata pa naman ako, I’m 21.

“Pero at least nag-mature na ako doon sa mga ginawa ko before.”

Ayon kay Jackie, may water station business ang boyfriend niya. Si Andrew rin daw ang pinamamahala ng mga magulang nito sa mga paupahan nilang buildings.

IWA MOTO. Magka-batch sina Jackie Rice at Iwa Moto sa Batch 3 ng StarStruck. Si Jackie ang nanalong Ultimate Female Survivor at si Iwa naman ang naging First Princess.

Bagamat hindi raw niya nakakausap niya si Iwa, sinusuportahan raw ni Jackie ang ginagawa ng batchmate para sa kanyang career, kahit na ang pagpu-pose nito sa Playboy magazine kamakailan.

“Kung maganda naman, e… saka sabi naman ng iba, daring, pero okey naman daw.

“Hindi ko pa nakikita yung copy kaya hindi ako makapag-comment nang buo.

“Pero lahat kasi kami nag-start sa StarStruck. Lahat kami naghahanap ng trabaho nung nag-start kami.

“Kung yun ang offer sa kanya at willing naman siyang gawin yun, di ba, bakit naman ako magku-comment negatively?

“Basta kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya, susuportahan ko siya.

“Kasi siya lang naman ang nakakaalam kung ano ang makakapagpasaya sa kanya at makakapag-satisfy sa kanya.”

Wala raw masyadong alam si Jackie sa demanda ng GMA-7 laban kay Iwa na breach of contract. Kaya sinabi namin sa kanya na sinampahan ng demanda si Iwa dahil sa paglabas nito sa TV5 nang hindi pa nag-e-expire ang kontrata niya Kapuso network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

(CLICK HERE to read related story.)

Ano ang reaksiyon dito ni Jackie?

“Dati ha, sa pagkakaalam ko, pag wala kaming regular show, puwede kaming mag-guest sa ibang show.

“Yun lang ang pagkakaalam ko, pero hindi naman confirmed yun dahil artista rin lang ang nagsabi sa akin.

“Well, siguro ang maipapayo ko lang, harapin niya yung anuman yung isyu at problema.”

OFFER FROM OTHER NETWORK. Dumating na ba si Jackie sa puntong gusto na niyang lumipat ng ibang istasyon, lalo na’t halos dalawang taon siyang walang trabaho noon sa GMA-7?

“May nag-offer dati,” pag-amin ni Jackie.

Nang tanungin kung ang offer ay mula sa ABS-CBN, tumanggi siyang kumpirmahin ito.

“Siguro lang nagtitiwala sila sa akin that time kaya sila nag-offer.

“Pero ayaw ko ring sirain ang tiwala sa akin ng GMA. Ayoko ring… yung ganun na magkaroon ng kaso.

“Naisip ko rin ‘yan dati na kung babayaran ko ba yung kontrata para lang makalipat.

"Pero hindi, e, masaya naman ako dito.

“Pag lumipat ka, iba na naman ang surroundings mo. Mahirap mag-adjust.”

Malaki ba ang offer sa kanya noon kaya naisip niyang sumugal at lumipat ng ibang network?

“Hindi ko na inalam kung magkano o gaano kalaki yung offer, kasi baka nga ma-tempt ako.

“Pero yung chance na ano... tempting talaga siya. Ano bang meron sa mundo ng ibang network, di ba?

“Alam ko pag bagong lipat ka, ikaw yung prinsesa. Aminin na natin yun.

“Nagkakaroon ako ng ideyang ganun.

“Pero okey naman yung treatment sa akin ng GMA kaya hindi na rin ako naging intresado.”

Kalaunan, inamin din ni Jackie na ang ABS-CBN daw ang nagkainteres na kunin siya noon.

Saad niya, “Yung mga nag-offer sa akin, mga big boss doon… mga kaibigan ko rin.

“Pero no’ng in-offer kasi sa akin, may kontrata pa kasi ako at that time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naisip ko rin na ipagbili yung kontrata, pero nahiya rin ako kasi baka magkaroon pa ng issue na ganyan-ganyan.

“Ayoko naman sabihing lumalaki ang ulo ko kasi may ganyang offer.

“Alam mo yun, ayokong may sumama ang loob sa akin pag lumipat ako.

“Kung ano meron sa akin ang GMA, ini-enjoy ko lang yun.”

Hindi pa raw naiisip ni Jackie na balikan ang offer ng ABS-CBN dahil bukod sa tatlong taon pa bago mag-expire ang contract niya sa GMA-7, wala naman siyang reklamo sa home network niya.

“Okey naman ako dito, e. Inaalagaan naman nila ako.

“Pero may mga nagsasabi nga sa akin na yung kapayatan ko ngayon, pang-ABS-CBN na raw. Yun ang sinabi nila sa akin.

“Hindi naman ako nagsisisi na tinanggihan ko yung offer.

“Ayokong may kaaway. Mahirap kasi yun, e.

“Ang liit-liit na nga ng showbiz para mag-away-away pa.

“Saka nagkaroon na kami ng issue dati ng GMA, ayoko naman na yung paglipat ko, sasabihin ng iba na pasaway pa rin.

“Kung e-exit man ako, yung magandang exit na friends pa rin ako sa mga bossing, with head of GMA.

“Basta, ayoko ng may sama ng loob.

“Biruin mo, natutulog ka sa gabi, tapos iniisip mo na, ‘Ay, eto yung nagpalaki sa akin, eto ang nagbigay ng pangalan sa akin, tapos may sama ng loob sa akin?’ Di ba?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN