Comedy tandem Jose Manalo and Wally Bayola on doing another concert: “Nakakatakot po… nakakatakot.”

Sa kabila ng pagkapanalo nina Jose Manalo (kaliwa) at Wally Bayola sa kategoryang Duo/Group Concert Performer of the Year sa nakaraang 4th PMPC Star Awards For Music, may takot at alinlangan ang duo na sundan ang matagumpay nilang concert. Dahilan ni Jose: “Unang nakakatakot… yung, ‘Kaya ba namin ‘to?’ Pangalawa… ‘May manonood ba?’”


Nanalo ang tandem nina Wally Bayola and Jose Manalo sa Duo/Group Concert Performer Of The Year category sa katatapos lang na 4th PMPC Star Awards For Music.

Sina Wally at Jose ay nanalo para sa matagumpay at nakakaaliw nilang concert na A Party For Every Juan na ginananap sa Araneta Coliseum.

Tinalo nina Wally at Jose sa nasabing kategorya ang Pop Girls (PPop Explosion), Side A (In The Company Of Side A), The Company (In The Company of Side A), at XLR8 (PPop Explosion).

Ginanap ang 4th PMPC Star Awards sa Meralco Theater last Sunday, September 9.

Sa backstage ng Meralco Theater, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina ni Jose at Wally.

Bungad ni Wally, “Siyempre, na-overwhelm kami. Masaya kami ni Jose.”



SUCCESSFUL CONCERT. Dahil sa award na kanilang napanalunan, paninindigan na ba nila ang pagiging concert performer?

“Hindi, a!” sabay tawa naman ni Jose.

“Hindi. Ang ano namin, baka kung puwede last na iyon—tama na.

“Nakakatakot po… nakakatakot.

“Unang nakakatakot yung, ‘Kaya ba namin ‘to?’ Pangalawa, ‘May manonood ba?’”

Marami namang nanood ng first concert nila, di ba?

“Ok na yun!” tawa ulit ni Jose.

Sa seryosong tanong kung kailan ang ikalawang malakihang concert nila, susundan naman daw ito, sabi ni Jose.

“Baka by next year daw, meron. Pero hindi pa namin sigurado.”



MUSIC ALBUM. Nagkaroon na ang duo ng una nilang album noong 2006, ang Try Mo Lang. Magre-record na rin ba sila ulit sila ng kasunod?

“Nakakuha rin kami ng award ni Wally roon," pagbabalik-alaala ni Jose tungkol sa una nilang album na pinanggalingan ng hit song nila noon na "Kalabit Penge."

"Kaming dalawa din doon. Kung masusundan iyon, e…hindi pa rin namin alam.”

Ano pa ang mga bagong pinaplano nilang gawin?

“Balak na naming magsama!” sabay tawa na naman ni Jose.

“Sa Eat Bulaga! pa rin kami,” seryosong sagot naman ni Wally.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa ’All For Juan, Juan For All’ pa rin,” pagtukoy niya sa segment nila sa Eat Bulaga!, kunsaan pumupunta sila sa iba’t ibang lugar at komunidad upang makipagharutan at mamigay ng premyo.

Kasama rin nina Wally at Jose ang Eat Bulaga! co-host nilang si Paolo Ballesteros.



THEIR MOVIE. Sunod na napag-usapan ay tungkol sa pelikula nilang Ikaw Na, The Best Ka! na dati’y Sa ‘Yo Ang Pritil, Akin Ang Bangkusay.

“Tapos na kaming mag-shoot. Maganda yung movie,” pagmamalaki ni Jose.

Si Solenn Heussaff ang leading lady ni Jose. Totoo bang umayaw raw siya na maka-kissing scene ito?

“Maarte ako, e!” tawa na naman ni Jose.

“Hindi. Natuto lang ako sa mga ginagawa ni Bossing [Vic Sotto], na kung hindi naman kailangan, parang…ewan ko.

“Parang hindi pa kami preparado sa mga ganoon, e. Parang nakakaalangan.”

O baka naman may magseselos kaya umiiwas siya na may maka-kissing scene onscreen?

“Hindi. Nag-artista pa ako kung may magseselos. Walang magseselos.

“Nanay ko…magseselos ba ang nanay ko?

“Wala. Hindi, ano, e… Iba lang yung style na kasi kapag pelikula, pangit yung komedyante, ’tapos may maganda, halik-halikan.

“Kung mapapanood natin si Bossing, bihirang-bihira na magkaroon siya ng kissing scene sa movie. So… mas maganda yung ganoon.”



"ZERO BALANCE" LOVELIFE. Matatandaang naghain ng demanda ang asawa ni Jose na si Anna Lyn Manalo ng kasong Violation of Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and Children.

Kalaunan, ibinasura naman ng Office of the City Prosecutor of San Juan City ang reklamo ni Anna Lyn. (CLICK HERE to read related story.)

Matapos ang paghihiwalay nila ng asawa niya, kumusta naman ang lovelife ni Jose ngayon?

“Zero balance!” mabilis at nangiti niyang sagot. “Zero ngayon... pahinga muna.”

Na-trauma ba siya na magkaroon ng panibagong karelasyon?

“Oo! Kaya pahinga muna.”

Si Wally naman, enjoy raw na kapareha si Pokwang sa pelikulang pinagbibidahan nila ni Jose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta ba si Pokwang na katrabaho?

“Napakasaya.

“At napakabait niya. Napakamaalalahanin.

“Alam mo, tumaba nga kami. Kasi mahilig magluto si Pokwang.

“Mag-asawa ang role namin sa pelikula. Wala kaming kissing scene. Normal na kasi ang halikan.

“So, ang ni-request ko—rape scene!” natawang biro pa ni Wally.



SECRET OF SUCCESS. Bukod sa Eat... Bulaga! sa GMA-7, meron ding regular show sa TV5 sina Jose at Wally, ang Jose and Wally Show Starring Vic Sotto.

Ano ang sikreto ng patuloy na pananagumpay ng duo nila?

“Siguro, yung sipag lang,” ani Wally.

“Sipag… Tiyaga. Ganoon lang.”

Tungkol naman sa click na click sa audience na chemistry nila bilang comic duo: “Sikreto ‘yan ng Eat Bulaga,” ani Jose.

“Para kaming magkakaibigan doon. Kaya kahit nasaan kami, dala-dala namin yun, e.

“’Tapos yung… Basta maayos lang ang pagsasama bilang tandem.

“Nagkakasundo sa lahat ng ideas… Yung mga gano’n.

“Na… kapag gusto ng isa, gusto na rin ng isa. Wala nang kokontra.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN