Nora Aunor makes peace with ABS-CBN big bosses; expresses enthusiasm about proposed movie with Vilma Santos and Coco Martin

Ito ang sagot ni Nora Aunor kung bakit gusto niyang gawin ang pelikula kasama sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Coco Martin: “Kasi ang sa akin naman, kung yun ang magiging… mapapaligaya natin ang mga tao at magiging alive uli yung industriya, bakit ho hindi? Kaya sa ’kin, okay lang po yun."

Photo inset: Ang award at certificate na ibinigay sa Supertar na Bisato d’Oro award.


Isang mas slim at fresh-looking na Nora Aunor ang humarap sa press kahapon ng tanghali, September 12, sa Mario’s restaurant along Tomas Morato, Quezon City.

Masayang ibinahagi ng Superstar ang ilang bagong kaganapan at aabangan sa kanya ng kanyang mga tagasuporta.

Bilang selebrasyon daw ng ika-45 taon niya sa showbiz, inihahandog ng TV5 ang dalawang natatangi niyang pagganap ngayong weekend sa Kapatid shows na Untold Stories at Third Eye.

Sa Untold Stories ay gagampanan ng Superstar ang papel na Thelma Layog, isang madreng umalis sa kumbento para makasama ang lalaking minamahal—na bibigyang-buhay naman ni Yul Servo.

Sasabak din si Ate Guy sa mystery-drama na Third Eye, kung saan gaganap siyang teacher na kailangang ilabas ang kakahayang matagal na niyang tinalikuran.

Sasagipin niya ang mga estudyanteng sinapian ng demonyo sa pamamagitan ng isang ritwal.

Ayon sa head for creative and entertainment production ng TV5 na si Perci Intalan, may very special role din si Nora sa finale ng Enchanted Garden na dapat abangan.



THY WOMB. Kararating lang ng Superstar noong isang araw mula sa Venice Film Festival, kung saan naging entry ang pinagbibidahan niyang Thy Womb na idinirehe ni Brillante “Dante” Mendoza.

Kuwento ni Nora, “First time kong nakarating do’n at nakakatuwa naman dahil nung nag-red carpet kami, yung mga tao pumapalakpak dahil siguro napanood na nila yung pelikula.

"At yun nga, nagustuhan naman nila yung pelikula namin."

Mula sa nabanggit niyang pelikula, ginawaran si Ate Guy ng Bisato d’Oro award ng isang grupo ng independent Italian film critics.

Ito ang unang pagkakataon na ipinagkaloob nila sa isang aktres ang award na ito dahil kadalasan daw ay iginagawad ito sa isang direktor o iba pang kasapi sa pelikula.



ONLY THE SUPERSTAR! Bukod-tanging si Nora Aunor lang daw ang nakapag-participate na sa tatlong pinakamalalaki at prestihiyosong film festivals sa buong mundo, ayon sa obserbasyon ng beteranong manunulat na si Ronald Constantino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Bona na idinirihe ni Lino Brocka ay naging entry sa Cannes International Film Festival noong 1981.

Ang pelikula nila ni Ishmael Bernal na Himala ay naging kauna-unahang Philippine entry sa 1983 Berlin International Film Festival.

At ang Thy Womb nga ay naging kalahok naman sa Venice International Film Festival.

Saad ni Nora, “Masuwerte ako. Masuwerte pa rin ako sapagkat yung mga ginawa kong pelikula na napasali doon ay kanilang… karapat-dapat lang na maipalabas sa ibang bansa at mapanood, lalo na ng mga kababayan natin.

“At maganda pa rin yung dahilan at gabay yun sa ibang producers na gustong mag-produce.

“Ang isang problema lang, ang gusto ko lang maipaabot sa sino mang namamahala at ano, ay kung mayroon silang budget na ibibigay sa producer, sana madagdagan kahit papaano yung suporta nila sa mga producers lalo na pagdating sa budget.”

Ang pelikula ni Nora na Himala ay sinasabing binuo ng tatlong linggo sa tatlong milyong budget lamang. Ganoon pa man, ito ay itinuturing ngayong klasiko at halos nalibot na ang buong mundo sa pagpapalabas nito.

Pagpapatuloy ni Nora, “Para kahit papaano ay mas mapaganda yung mga ginagawa nating mga pelikula at maipagmamalaki natin lalo na sa ibang bansa.”

Sa tingin ba niya ay ang gobyerno ang dapat tumugon sa usaping ito?

“Oo, government. Suporta talaga ng gobyerno.

"Walang ibang makakapagsuporta lalo na pagdating sa pera, gobyerno natin talaga.

“Kaya kung sino man ang namamahala doon, nananawagan po ako doon na triplehin po nila yung kanilang suporta.

“Ang pinakaimportante kasi, yung budget natin, e.

"Pero ako naman, natutuwa na rin dahil sa kahit na mababa yung budget ng karamihan ng pelikulang ginagawa natin, lumalabas pa rin na maganda.

"Karamihan ng mga ginagawa natin kahit na indie na tinatawag."



STANDING OVATION. Sa Venice Filmfest ba ay ipinakilala siya bilang Superstar ng Pilipinas?

“Opo, nung magkaroon kami ng presscon, yun po. Nabanggit naman po,” sabi ni Nora.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano ang naging pagtanggap nila sa kanilang pelikulang Thy Womb?

“Maganda naman po. Nung nanood kami ng screening, paglabas namin, yung mga critics na nasa labas, gumaganun talaga,” muwestra niyang pumapalakpak daw sila.

“Kaya nakakataba ng puso.”

Balitang binigyan sila ng standing ovation matapos ang screening ng pelikula at tumagal ito ng limang minuto.

“Opo, nandun po kami. Napakaganda ng pakiramdam at hindi pa nangyari sa ’kin dito, di po ba?

"Talagang nakatayo silang pumapalakpak at hindi sila tumigil hanggang sa lumabas kami."

Ayon sa mga write-up tungkol sa Thy Womb mula sa international critics na nakapanood, "mixed reviews" ang nakukuha ng pelikula.

Ibig sabihin, may pumupuri at meron namang hindi masyadong pabor.

Pero sa pag-arte na ipinamalas ni Nora ay unanimous na siya raw ang nagdala ng pelikula.

Ano ang reaksiyon dito ni Nora?

“A… baka sabihing mayabang ako,” atubiling magbigay ng komento si Ate Guy.

“Kasi daw maraming nakitang iba-ibang emosyon.

"Yun ang kanilang eksplenasyon kung bakit ginawa nila akong best actress.”



HIMALA’S 30TH YEAR! Kamakailan ay ni-restore ng ABS-CBN Film Archives, headed by Leo Katigbak, ang pelikula ni Nora na Himala na ipinalabas din sa Venice Film Festival.

Balitang muli itong magkakaroon ng screening dito sa Pilipinas bilang pagdiriwang ng 30th year mula nang gawin ang pelikula.

Kaakibat ng muling pagpapalabas ng Himala ay magkakaroon ng presscons at promotion si Nora.

Ibig sabihin nito ay ang muling pakikipagtrabaho ng Superstar sa big bosses ng ABS-CBN na kanyang nakatampuhan noon.

Paano ba siya nakipagbati sa kanyang mga nakasamaan ng loob na mga Kapamilya bosses na sina Ms. Charo Santos-Concio, ABS-CBN president; Ms. Cory Vidanes, ABS-CBN channel head; at Ms. Malou Santos, Star Cinema managing director?

Kuwento ni Nora, “Pinuntahan ko talaga si Ms. Malou.

“’Tapos ano, hindi ako kinabahan, ako kasi buo ang loob ko na gusto kong humingi ng tawad… Cory... kung anuman ang ginawa ko sa kanya, sa kanila ni Ma’am Charo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At no’ng makita naman niya [Malou] ako, kaagad-agad siyang tumayo at nakangiti at niyakap naman ako nang napakahigpit. Kaya masaya ako.

“Masarap ang pakiramdam na wala ka nang kasamaan ng loob. Masarap ang pakiramdam. Iba.”



THROAT OPERATION? Sunod na kinumusta ay ang balitang pagpapaopera ng Superstar sa kanyang lalamunan para maibalik ang dating binansagan niyang “golden voice.”

“Hindi pa rin naoperahan dahil nag-iipon pa. May kamahalan ng konti,” nangiting sabi ni Nora.

“Pero nagwo-work naman ako na ngayong year or early next year po baka sakaling maoperahan.

“Kasi nami-miss ko na yung pagkanta talaga, e.

"Kadalasan nga pagka nakakapanood ako ng mga kumakanta, naaalala ko yung ako.

"At hinahanap ko na talaga yung pag-awit dahil diyan ako nag-umpisa, e.

“Diyan ko binuhay ang pamilya ko, at bago ako napunta sa pagiging artista. Kaya hindi puwedeng mawala sa ‘kin."

Hindi kaya mas delikado kapag sumailalim pa siya sa operasyon?

“Hindi naman po. Ang sabi ng doktor nung magpa-check-up ako sa Boston—kasi nakapagpa-check-up na ’ko sa Boston no’n, e—yung vocal chord, hindi naman tinamaan.

"Kaya lang, mas malalim yung tinamaan, kaya yun ang nagku-cause na hindi ako makakanta.

“Malalim daw pero hindi vocal chord, kaya maaayos talaga. Maibabalik do’n sa dati kong boses."

Anu-ano ang mga ipinagbabawal sa kanya ng doktor? Paninigarilyo?

“Malaki na yung pagbabago,” maagap niyang sagot.

“Dahil kung nakakadalawang pakete ako sa isang araw, ngayon mga isa na lang!” tawa niya.



NORA, VILMA, AND COCO? Nababalitang balak gumawa ni Direk Brillante Mendoza ng pelikulang pagsasamahan nina Nora, Batangas Governor Vilma Santos-Recto, at Coco Martin. (CLICK HERE to read related story.)

Sabi pa nga raw ng direktor, "dream commercial film" niya ang balak na Nora-Vilma-Coco movie.

Ano ang masasabi ni Nora dito?

“Ay, hindi ko po alam kay Direktor Brillante…

“Kasi ang sa akin naman, kung yun ang magiging… mapapaligaya natin ang mga tao at magiging alive uli yung industriya, bakit ho hindi?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya sa ’kin, okay lang po yun.

“Ang balak kasi niya, si Coco, ako at si Kumare [Vilma]. Yun po ang balak niya.

"Nakausap na niya yata si Kumare, pero hindi ko alam kung ano ang sagot."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN