Nora Aunor bonds with Sharon Cuneta, Maricel Soriano, Gary Valenciano, and other colleagues at Dolphy tribute special

Bagamat naging emosyunal ang Superstar na si Nora Aunor habang nagbibigay-pugay sa Comedy King na si Dolphy, napuno naman ang kasiyahan sa backstage nang makita niyang muli ang ilang kasamahan niya sa industriya tulad nina Sharon Cuneta, Maricel Soriano, at Gary Valenciano.


Naging emosyunal ang Superstar na si Nora Aunor nang magbigay siya ng mensahe sa Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Comedy kagabi, September 19, sa MOA Arena, Pasay City.

Hindi man nakakanta si Nora dahil hindi pa natuloy ang sana’y throat operation at therapy niya sa U.S., nagpaunlak siyang maging bahagi ng tribute special.

Kaya nag-prepare ang production team, headed by director Al Quinn, ng bilang na aakma sa kasalukuyang kalagayan ng Superstar.

Si Bibeth Orteza ang overall scriptwriter ng palabas. May outline siya ng magiging part ni Nora bilang isa sa mga finale number.

Kaugnay ito ng pagpapalabas ng video ng yumaong si Mang Dolphy sa saliw ng awiting "Handog," na isa rin sa mga awiting na-identify kay Nora.

Tinugtog ng live orchestra sa venue ang "Handog" na ang ilang linya ay binigkas onstage ni Ate Guy: "Tatanda at lilipas din ako... ngunit mayro’ng awiting iiwanan sa inyong alaala..."

Sinundan ito ng mensahe ni Ate Guy, na ang bahagi nito ay ang sumusunod:

"Dolphy, hindi ka lang mahusay sa pagkanta, hindi ka lang mahusay sa pagsayaw at pagpapatawa... inaliw mo rin kami dahil sa pagkukuwento mo ng istorya ng iyong buhay, mula nang ipanganak ka sa Tondo, hanggang sa lisanin mo na kami...

"Maraming salamat. Mananatili ka sa aming alaala..."

Nangilid ang luha sa mga mata ni Nora sa simula pa lang ng kanyang mensahe.

Bago magtapos ang pahayag sa kanyang pag-alala ng pinagsamahan nila ni Dolphy bilang mag-kumpare, sabi ni Nora, "Kumpare ko po si Dolphy dahil inaanak niya si Ian... hindi ko po malilimutan ang kabaitan ni Kumpare."

Si Ian de Leon ang nag-iisang biological son ni Nora sa dating asawa na si Christopher de Leon.

Hindi na napigil ni Ate Guy ang sarili at naiyak na siya kaya kailangan na niyang lisanin ang stage.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Backstage, matapos ang kanyang bilang, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang taga-media si Nora.

Muli, nagpasalamat siya bilang bahagi ng musical tribute sa Comedy King.

"Hindi ko nga lang nasabi kanina... gusto kong malaman ng mga tao na napakaraming taong natulungan ni Pareng Dolphy.

"Isa po ako sa mga taong iyon na natulungan niya.

“Noong araw na talagang kailangang-kailangan ko ng tulong, isang tawag ko lang, may sagot agad.

"Kaya hindi ko puwedeng makalimutan si Pareng Dolphy... at saka inaanak niya si Ian, kaya kumpare ko po siya."



REUNION WITH OLD FRIENDS. Kung naging emotional si Ate Guy sa aktuwal na show, o sa naging bahagi niya sa musical tribute, ilang oras bago siya tawagin sa kanyang bilang ay nasa isang bahagi siya ng MOA Arena, malapit sa OB Van, para pag-aralan ang kanyang natatanging spiel.

Kabilang ang PEP sa nakasaksi sa masayang kaganapan nang personal na batiin si Ate Guy ng ilan sa naging malalapit niyang colleagues sa industriya; tulad nina Lorna Tolentino, Gary Valenciano, Martin Nievera, Maricel Soriano, at Sharon Cuneta.

Bumati rin kay Nora sina Paolo Bediones, Keempee de Leon, ang magkapatid na Alex at Toni Gonzaga, ang Speed Dancers, child actor Bugoy Drilon, at Billy Crawford.

Nagpakuha sila ng picture with Ate Guy tulad din ng isang tagahanga.

Tuwang-tuwa naman si Nora sa pansumandaling bonding o huddle na iyon, tulad ng kay Gary V. na tinatawag niyang "my idol!" Nag-usap sila ni Gary at agad nilang naisip na gumawa ng show na pagsasamahan kapag naayos na raw ang boses ni Nora.



NORA AND SHARON. With Sharon, naging masaya rin ang pag-uusap.

Minsan pa, ipinadama ni Sharon ang pagiging isa rin niyang "Noranian at heart" at pagtanaw ng utang na loob with such words as: "Ate Guy... ang isa sa huling nagbigay ng importance sa show namin, nung mag-guest siya..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

The Megastar was referring to her defunct musical-variety show on ABS-CBN, The Sharon Cuneta Show, na nag-guest si Ate Guy in late ’90s.

And of Nora’s recent Venice International Filmfest triumph para sa pinagbidahang indie film ni Brillante Mendoza, ang Sinapupunan (Thy Womb), Sharon was equally happy for her.

"Congratulations, Ate Guy!" pagbati niya.

"Sana ikaw din ang best actress ng jury..." wika ng Megastar, referring to Nora’s award from the Italian independent critics’ group, the Bisato d’Oro Premio Della Critica Indipendente best actress plum.

"Di bale, marami ka na namang award," masayang pahabol pa ni Sharon bago siya magpaalam.



NORA AND MARICEL. Touching din ang nasaksihang eksena ng iilang tao backstage—ang pagtatagpo nina Nora at Maricel Soriano, who sought Ate Guy after her musical number.

Tulad nina Nora at Sharon, mahigpit ding nagyakap sina Ate Guy at Marya na matagal nang hindi nagkikita.

Sabi ni Ate Guy tungkol kay Maricel, "Sabi niya, "Ngayon ko lang na-realize yung sinabi mo sa akin noon.’

"Kasi nung pinapangaralan ko lagi ‘yan [Marya], naaalala daw niya yung sinabi ko sa kanya. Tama daw pala."

Nagpalitan din ng mga numero sina Nora at Maricel para magkatawagan o magkumustahan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN