Chef Boy Logro reveals what dishes he will serve for Manny Pacquiao and Marian Rivera

Nananatili raw nakatapak ang mga paa ni Chef Boy Logro sa lupa sa kabila ng kanyang tinatamasang tagumpay. Paliwanag niya, "Kung anuman ang dumating sa buhay mo, palaging ang paa mo nakasayad pa rin sa lupa. Kasi pag ang pinag-uusapan pera, wala iyan, e. Tanyag, guwapo, maganda, mayaman, milyonaryo, wala rin, e. Kasi babalik din tayo sa lupa."


Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pamosong celebrity chef na si Boy Logro last Wednesday, September 19, sa taping ng show niya na Kusina Master sa Studio 6 ng GMA TV Complex.

Una naming inusisa sa kanya kung gaano na siya katagal sa Kapuso network.

“Sa Idol Sa Kusina, one year na mahigit, one year and two or three months yata.

“And then, dito naman sa Kusina Master, almost eight months na,” sabi ni Chef Boy.

HANDLING FAME. Wala pa siyang two years sa showbiz pero sikat na sikat na siya. Sanay na ba siya sa popularidad niya?

“Ay, naninibago po!” bulalas niya.

“Hindi ko po akalain na maging ganun ang buhay kasi parang abnormal na pag pumupunta ako sa mall, e, talagang kinukuyog ako at nagpapa-picture kahit kumakain ako.

“Sabi ko, ‘Ano ba to?’ Pati wife ko… so hindi ko akalain na ganun kaya ganung ka-overwhelm at welcome yung mga tao.”

Hindi ba siya naiinis kapag dinudumog siya ng mga fans, na nawawalan na siya ng privacy?

“Hindi naman. Kinakailangan ay tanggapin mo na yun.

"Kumbaga sa ano... pinasok mo sa larangan ng showbiz, so maging prepared ka talaga.

“Kaya pinag-iisipan ko na yun pag pumupunta ako ng mall, hinahanda ko na yung sarili ko.

"Na dapat talaga ganun, hindi ka mainis, hindi ka mairita.

“Kasi pag inisnab mo sila, siyempre yung ating show, e, nagbe-base din doon sa mga viewers, so kahit na medyo nahirapan ka at naiirita ka, hindi mo dapat gawin yun.”

MOVIE STAR. Ang hilig niya ay pagluluto pero naging big celebrity siya.

“Iyon nga po, e. Hindi ko akalain na magiging celebrity, sabi nga nila.

“And then, maging actor na rin at the same time, kasi may pelikula kaming ginagawa, yung The Fighting Chefs, kay Ronnie Ricketts.”

Action-comedy ang first movie ni Chef Boy. At may ka-loveteam siya sa movie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Arci Muñoz po. Pero hindi naman siya talaga yung ka-partner ko, kay Ronnie Ricketts yun.

“Pero at the end, parang kami na yung magkakaibigan, parang ganun.”

Hindi kaya magselos ang misis ni Chef Boy kay Arci?

“A, hindi naman, hindi naman.”

Sa dating sitcom ng GMA-7 na Tweets For My Sweet ay nakasama naman ni Chef Boy sina Marian Rivera at Nova Villa, na paborito niya. Wala bang pinagseselosan si Misis?

“Hindi naman po, hindi naman po siya nagseselos kasi mabait naman po yung wife ko at saka lagi kong kasama kung saan man ako nagpupunta—kahit sa abroad kasama ko po siya."

Naging chef na siya ng mga sikat na mga tao sa kung saan-saang bansa. Kung sakaling isa sa mga ito ay alukin siya na mag-serbisyo muli para sa kanila, iiwan ba ni Chef Boy ang kanyang popularidad dito sa Pilipinas?

“Ay, sa ngayon po, hindi na siguro talaga,” sagot niya.

Kahit na alukin siya ng napakalaking halaga?

“Kahit na po. Kasi thrice na akong pinababalik kay King of Oman, His Majesty.

“Sabi ko, ‘I’m sorry, your Majesty, hindi na talaga ako makakabalik dahil po may school ako.’

“And then, katulad nito, may TV show na.

“At kung suweldo ang pag-uusapan, mas malaki ang kita natin dito kesa mag-abroad ako.

“Kasi wala kang source of income doon, e.

“E, dito sa Pilpinas, may school ako, may restawran ako, then sa TF [talent fee] ko dito sa GMA.

“And then nagtu-talk ako sa mga hotel and restawran o kaya yung mga eskuwelahan, may TF din.

“Then may commercial ka so napakaganda pong benepisyo ang nakukuha ko.”

Mayaman na ba si Chef Boy?

“Hindi naman po, hindi naman!” sabay tawa niya.

MARIAN RIVERA. Sa Cavite naninirahan ngayon si Chef Boy. Taga-Cavite rin ang co-star niya noon sa Tweets For My Sweet na si Marian. Ao ang pinaka-nagustuhan niyang ugali ni Marian?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Marian, pag nakilala mo ng una, parang siyempre, Marian ’yan, aloof ka, parang iniisip mo, ilag ka.

“Pero pag naging kaibigan mo na, hindi po, e. Napakabait po ni Marian kalog na kalog, parang tatay niya talaga ako.”

Kapag nakakarinig siya ng mga intriga na kesyo suplada si Marian at masama ang ugali, hindi siya naniniwala.

“Ay, hindi! Siya kasi pag hindi kilala, hindi kaagad-agad na ganun, siyempre kasi babae siya.

“Tapos pag naging kakilala ka at mabait ka at kaibigan, naku, down to earth si Marian. Kaya mali yung sasabihin na suplada.

“Artista ka siyempre, kumbaga, meron kang handlers. Pag sinabi, ‘Halika na, halika na,’ susunod ka.

“Hindi puwede yung nagbababad ka, nakikipag-usap ka nang matagal kasi may time limit, may time frame kang hinahabol.

“Kaya akala tuloy suplada siya. Ganun din ang ibang artista, di ba?

“Hinahabol mo yung set mo, may pupuntahan ka, so hindi puwede na makipag-mingling ka, makipag-usap ka nang matagal.

“Kaya akala ganun ang nangyayari, pero hindi po, napakabait po niya.”

Nalungkot daw si Chef Boy nang nawala ang Tweets for My Sweet.

“Oo naman, siyempre naman! Para na kaming pamilya talaga, e.

“Kung bagamat three months din, maikli, dapat habaan pa, nakakatuwa iyon.”



LOYAL KAPUSO. Limang taon ang kontrata ni Chef Boy sa GMA-7.

Dati raw ay may offer sa kanya from a different TV network pero hindi niya tinanggap.

“Hindi po. Kumbaga, nakilala ako sa GMA, dito na talaga.

“Hindi naman a matter of money lang naman ’yang pag-uusapan, na tataasan. E, dito ako nakilala so dito na ako.

“Malaking karangalan na nakilala ako sa GMA.”

Tinanong ng PEP si Chef Boy kung gusto ba niya ulit magkaroon ng sitcom, o drama series naman ang gusto niyang gawin sa GMA-7.

“Naku, kasi pag drama, parang hindi yata bagay sa akin!” ang natatawang sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Maaaring comedian siguro, maaaring parang Dolphy-style, yung parang John En Marsha, yung mga ganun.

“Yung normal, natural ang dating mo. Kesa yung pipilitin mong mag-drama na hindi naman yun talaga ang papel ko.

“Baka mamaya hindi ako naluha, hindi ako nakaiyak, nakakatawa naman. Ang lalabas, comedy pa rin.”

DREAM GUEST. Sino pa ang celebrity na gusto niyang i-guest sa Kusina Master?

“Halos lahat yata ng gustung-gusto kong guest, nandidito na. Pero si Manny Pacquiao, hindi pa," sagot niya.

Bakit gusto niyang maging guest si Manny?

“Kasi pareho kaming Bisaya, e.

"Kumbaga sa ano, sumikat siya sa boksing...

"Of course, mayaman na mayaman na si Manny dahil alam mo naman kung magkano ang kinikita.

“Ako naman, dahan-dahan. Kumbaga, sa ano, sumikat naman ako, sabi nila, sa pagluluto.

“So parang maganda na pagsamahin, parang boksing at saka kusinero.

“Parang baligtarin namin, siya ang magluluto, ako naman yung magbo-boksing! Maganda po iyon.”

Ayon pa kay Chef Boy, “Magandang pelikula iyon kung tutuusin kasi parang true-to-life story.

“Nagsimula kami sa wala hanggang naging ganito na ang buhay namin, parang ganun.

“Yung kusinero at boksingero, magandang pelikula iyon.

“Parang true-to-life story, talagang gagawin na totoong-totoong buhay, na hindi rin naman ako nakapag-aral, si Manny hindi rin naman.

“Naging congressaman siya, nag-aral din.”

At pareho na silang mayaman ngayon.

“Sabi nila!” tawa ni Chef Boy.

“Kasi artista ka na raw so may pera ka na. Pero dapat, ganun pa rin.

"Kung anuman ang dumating sa buhay mo, palaging ang paa mo nakasayad pa rin sa lupa.

“Kasi pag ang pinag-uusapan pera, wala iyan, e.

“Tanyag, guwapo, maganda, mayaman, milyonaryo, wala rin, e. Kasi babalik din tayo sa lupa.

“Tenants lang tayo sa lupang ito. Pag gagamitin mo ang impluwensiya sa pera, magiging walang saysay ang buhay mo.

“Pero pag tutulong ka at maganda dahil tenants lang tayo, hindi naman tayo uugat sa lupang ito, mawawala din tayo,” seryosong pahayag ni Chef Boy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SIMPLE DISHES. Kapag nag-guest daw ang Pambansang Kamao sa Kusina Master, ang iluluto ni Chef Boy para dito ay: “Siguro tinola na gustung-gusto niya, na native na manok.

“Kasi kaming mga Bisaya, sabaw lang, ulam na, e. Kahit na ano, kahit na isang kalderong kanin, sabaw lang, okay na, e.

“Ganun lang ang mga Bisaya, e, wala kaming… hindi kami mapaghanap ng dessert, hindi kami mapaghanap ng kung anu-ano.

“Kung ano ang ulam, isang ulam lang, okay na.”

Kung si Marian Rivera naman ang ipagluluto niya?

“Si Marian, nagluto ako ng isang pagkain lang—Spanish food, paella.

“Kasi gustung-gusto niyang pumunta sa restawran ko, e. E, bising-busy lang siya, hindi siya makapunta.

“Pati nanay niya at ang kanyang lola na-meet ko na rin po kasi. Kaya inaantay ko siya na pumunta sa restawran ko.

“Sabi ko nga, may lengua estofada doon, paella, at may Spanish food ako doon, so iyon ang ise-serve ko sa kanya.”

May lahing Espanyola si Marian kaya iyon daw ang ipapakain ni Chef Boy sa aktres.

“Oo, ganun po siya, kumbaga, nature nila ‘yan, e.

“Ang lahi nila Spanish so dapat bigyan mo na alam mo na ganun ang dugo mo, ganun din ang kakainin mo.

“Although simple lang siyang kumain, kahit ano, kinakain niya.”

Si Chef Boy, anong pagkain ang paborito niya?

“Ako, naku, napakasimple! Kumbaga, may paksiw kang isda, doon lang ako.

“Simple lang po ako, hindi ko iniisip na anuman yung narating ko na ganun na. Hindi po.

“Kung ano yung nasimulan ko hanggang ngayon, iyan pa rin ang ulam namin.

“Tsaka yung may malunggay at nilagang isda, yung dalawang ’yan, okay na.”

Kahit na pagkasasarap at pagkamamahal ng mga niluluto niya, masaya na raw siya sa paksiw na isda.

“Ay, opo! Hindi mo dapat kalimutan kasi hindi ako magiging ganap na ganito kung kakalimutan ko yung nakaraan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na dahil may pera ka, mag-steak ka na, mag-caviar ka na, mag-foie gras ka na, mag-duck ka na, hindi. Mamamatay ka roon.

“Ang simpleng pagkain sa probinsiya, tingnan mo ang matatanda nung araw, paksiw lang ang pagkain, mahahaba ang buhay, walang cholesterol, e.

“Pero kung may pera ka, tapos nagkasakit ka, ganun din, useless din, e.

“Kasi pag nagkasakit ka na, pagbababawalan din lahat ’yan so babalik ka ulit doon.

“Hindi mo na makakain yun kaya mas maganda kung nagsimula ka doon i-continue mo.

“Kaya nga naging 57 years old ako dahil doon.”

Mahilig din daw si Chef Boy sa pritong galunggong.

“Minsan pag sariwa, diretso mo na, may malunggay at sabaw na, ganun kasimple.

“O paksiw na tamban o tulingan. Masarap iyon kasi po habang tumatagal may tira, puwede pa bukas lalong sasarap!

“Ganun lang kasimpleng buhay, masaya na po ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN