Charee Pineda to run for city councilor in Valenzuela City next year; denies city Mayor Sherwin Gatchalian was her boyfriend

Hangad daw talaga ni Charee Pineda na makatulong sa mga kabataan ng Valenzuela City, kaya niya gustong tumakbong city councilor sa darating na eleksyon sa 2013.


Kinumpirma ng Kapamilya young actress na si Charee Pineda na tatakbo siya sa pagka-konsehal sa Valenzuela City sa 2013.

Nabanggit ito ni Charee sa pag-launch sa kanya bilang bagong celebrity endorser ng BNY Jeans kahapon, Sabado, September 22 sa Cerchio Grill sa Scout Limbaga Street in Quezon City.

Kasalukuyang naninilbihan bilang SK (Sangguniang Kabataan) chairperson si Charee sa Valenzuela City.

“Matagal na rin po akong SK chairman sa amin sa Barangay Parada. Kahit papa’no ay marami na akong alam at natutunan sa naging trabaho kong iyon.

“Matagal na rin akong inalok na tumakbo as city councilor. Pero bata pa kasi ako noon. Wala pa ako sa tamang edad at kulang pa ako sa experience.

“Gusto ko, kapag nagdesisyon ako na pasukin ang ibang posisyon sa gobyerno, handa ako at alam ko na ang lahat sa papasukin ko,” pahayag pa ni Charee.

Kasabay ng launch ni Charee bilang bagong model-endorser ng nabanggit na clothing brand ay ang celebration ng kanyang 22nd birthday.

“Ngayon nga at 22 years old na ako, handa na po ako.

“Matagal ko ring pinagdesisyunan ang lahat bago ako um-oo sa pagtakbo bilang city councilor.

“Marami akong hiningan ng payo. Bukod sa pamilya at mga kaibigan ko, kasama sa pagbuo ko ng desisyon ay ang mga kasamahan ko sa SK, lalo na ang mga tumayong mentors ko.

“Kailangan ko kasi ng buong suporta sa pagpasok ko sa bagong challenge na ito sa buhay ko,” nakangiting sabi pa ni Charee.

Sa susunod na buwan, Oktubre, ang filing ng candidacy para sa 2013 election.

Hinahanda na nga ni Charee ang kanyang sarili para sa araw na iyon.

“Wala na ngang urungan ito, e,” nakatawang saad niya.

“Masaya ako, kasi ang buong members ng SK sa amin ay nakasuporta sa akin at sasamahan nila ako sa pag-file ko ng candidacy sa October.

“Dasal ko na simula na ito ng mga magagandang pagbabago sa buhay ko, dahil hangad ko talaga ang makatulong sa maraming tao, lalo na sa mga kabataan ng Valenzuela City.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Alam din ni Charee na kapag nagsimula na ang campaign period next year ay titigil muna siya sa kanyang showbiz commitments.

“Kaya nga po, ngayon pa lang ay trabaho lang tayo nang trabaho.

“Meron pa naman akong Angelito: Ang Bagong Yugto sa ABS-CBN 2 at may mga gagawin akong mga movies.

“Pagdating kasi ng campaign period, bawal nang lumabas sa mga TV shows ang mga artistang tatakbo.

“Kaya habang merong mga dumarating na mga trabaho, tanggap lang po nang tanggap.”


HELP FROM MAYOR SHERWIN. Na-link noon si Charee kay Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian. Pero nag-deny naman siyang nagkaroon sila ng relasyon.

Susuportahan ba siya ni Mayor Gatchalian sa kanyang pagtakbo bilang councilor?

“Alam naman ni Mayor Sherwin ang plano kong tumakbo as city councilor.

“Dahil sa magkaibigan naman kami, natural lang na nandoon din ang suporta niya sa akin.

“Kahit naman naintriga kaming dalawa ni Mayor, nanatili pa rin ang pagkakaibigan namin.

“Nasabi ko naman noon na never kaming nagkaroon ng relasyon.

“Natsismis lang naman kami dahil siya ang sumuporta sa akin noong tumakbo ako bilang SK chairman.

“Kaya sa pagtakbo ko as city councilor, alam kong nandiyan pa rin ang suporta niya sa akin,” saad pa ni Charee.


KEEPING WHOLESOME. Bilang bagong celebrity endorser ng BNY, kahilera na si Charee sa mga dating naging endorser ng naturang clothing brand, tulad nina Barbie Forteza, Joshua Dionisio, Jake Vargas, Coleen Garcia, at Neil Coleta.

Si Martin del Rosario ang kasabay ni Charee bilang new endorser din ng clothing brand.

Two years ang pinirmahang kontrata ni Charee sa clothing brand kaya kailangan daw na ma-maintain niya ang wholesome image niya, dahil ang target market nila ay teenagers.

“Matitigil na siguro ang mga nangungulit sa akin na magpa-sexy na ako.

“Marami kasi ang nagsasabi sa akin na kailangan ko na ng bagong image. Nasa tamang edad naman na raw ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bakit hindi ko raw subukan ang maging cover girl ng men’s magazine tulad daw ng FHM.

“Feeling ko naman po ay hindi pa ako puwede sa ganyan.

“Unang-una, hindi ako confident pa sa katawan ko. I don’t feel na deserving ako na magpakita ng katawan ko dahil hindi naman ako sexy.”

Laking pasalamat daw niya sa clothing brand na kumuha sa kanyang maging endorser ngayon dahil nakalagay sa kontrata na pinirmahan niya rito na kailangang laging wholesome ang image niya.

Teenagers daw kasi ang target market nila.

“Kaya for the next two years, hindi pa nila ako makikita na maging cover ng anumang men’s magazine,” sabi pa ni Charee.

Tanggap naman daw ng kumpanyang kumuha sa kanya na daring ang role niya bilang Rosalie sa Angelito.

“Mas nauna ko naman kasing nagawa ang role ko sa Angelito,” aniya.

“Tsaka ang role ko naman ay isang teenage mom kaya may mga eksena kami ni JM de Guzman na medyo daring nang konti. Mga lovescenes na safe naman para sa TV.

“In fact, dahil nga sa series na Angelito kaya ako kinuha ng BNY. Kaya tanggap nila at naiintindihan nila role ko.

“Tsaka hanggang sa TV lang naman iyon.

“Sa totoong buhay naman ay ibang-iba ako sa role ko as Rosalie.

“Ako si Charee na simple lang at gustong makatulong sa maraming kabataan ngayon,” pagtatapos na ni Charee.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN