Enchong Dee on becoming more than a friend to Maja Salvador: "Gusto kong pangalagaan yung pagkakaibigan hanggang sa tumanda kami."

Ito ang sagot ni Enchong Dee nang tanungin kung sa palagay niya ay magkakabalikan ang leading lady at kaibigan niyang si Maja Salvador at ang ex-boyfriend nitong si Matteo Guidicelli: “Ay, hindi pa siguro. Sa nakikita ko, nag-e-enjoy si Maja sa buhay niya ngayon.”


Unang pagtatambal ng magkaibigang Maja Salvador at Enchong Dee ang upcoming teleserye ng ABS-CBN na Ina Kapatid Anak.

Makakasama nila sa seryeng ito ang tambalan nina Kim Chiu at Xian Lim.

Sabay na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sina Maja at Enchong kahapon, September 24, sa presscon ng Ina Kapatid Anak sa White House, sa South Triangle, Quezon City.

Kapwa excited ang dalawa sa bagong project nila sa Kapamilya network.

Sabi ni Enchong, “Parang gusto ko nang malaman yung airing date namin. Gusto ko nang mag-promo, gano’n.”



COMPARISONS. Matalik na magkaibigan sina Kim at Maja, pero sa pagsasama nila sa isang teleserye ay malamang na ikumpara sila sa isa’t isa

Sagot ni Maja dito, “Hindi naman po maiiwasan ‘yan, lalo na nasa industriya tayong ito.

“Okay lang kung mai-compare kami sa isa’t isa. Pero ang importante sa amin, alam namin kung nasaan yung friendship namin.

"At alam naming kung ano ang trabaho at hindi.”

Handa ba si Enchong sakaling pagkumparahin din sila ni Xian?

“Oo naman," sagot ng young actor.

"Tsaka kasi masyadong maliit yung dahilan na dahil lang sa teleserye, o dahil lang sa trabaho, masisira yung pagkakaibigan.

“Sa tingin ko, mas importante kung anuman yung maiipon naming apat dito compared sa ’mas umangat si Ganito, nasasapawan si Ganyan.’ Hindi naman."’

Dugtong naman ni Maja, “Parang mas maganda kung nagtutulunagan kaming apat.

"Kasi, yun nga, tulad ng sabi namin, isa siyang malaking project ng ABS-CBN na ipinagkatiwala sa amin.”



WORKING WITH FRIENDS. Paano naging advantage sa kanila ang pagiging magkaibigan sa kanilang trabaho?

Maja: “Hindi lang kami ni Kim, kaming apat. Masaya na katrabaho mo yung mga kaibigan mo kasi mas excited kang… yung hindi ka maiilang tanungin kung, ‘O, ganito yung gagawin ko sa eksena. Okay lang ba?’ Yung gano’n."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Enchong: “Parang it’s my first time to do a soap or a project na hindi ako nagsimula with a bonding workshop. Nagsimula kami na, ‘Okay na, take na.’"

Magkaibigan sila, pero paano yung mga eksenang kiligan?

Maja: “Ako, pag kaeksena ko si Enchong, hindi ko iniisip kung pa’no pakiligin yung... ang importaante sa akin, yung basta wala kaming ilangan ni Enchong.”

Enchong: “Minsan nasa perception ng tao na, ‘May chemistry. Ay, wala silang chemistry.’ Basta sa aming dalawa, ‘eto na kami. Ibinibigay na namin kung ano yung naipon namin sa pagkakaibigan namin.”

Maja: “Ako, on- and off-cam, alam ko may chemistry kami ni Enchong.”

Enchong: “Kahit bagong gising, may chemistry!”

Maja: “Hindi dahil may something kami kundi dahil siguro iba yung chemistry na ibinibigay ng matinding friendship.”



MORE THAN FRIENDSHIP? Yung friendship ba nila ay puwedeng ma-develop into something else?

Sagot ni Enchong, “Hindi, nasabi ko na sa kanya, yun, e. Gusto kong pangalagaan yung pagkakaibigan hanggang sa tumanda kami.

“Na ayaw kong haluan ng kung ano. Puwedeng masira yun, e.

"Hindi ibig sabihin hindi attracted.”

Bakit, attracted ba sila sa isa’t isa?

Pilyang sagot ni Maja, “Ako, attracted ako kay Enchong.

"Sobrang excited ako sa kanya nung last event niya. Kahit nasa Nice, France ako, tutok na tutok ako sa kanya.

“Talagang after, naghanap ako ng Internet kasi…”

Ang tinutukoy ng dalaga ay ang pagrampa ni Enchong sa Bench Universe denim and underwear fashion show.

Natatawang sabi naman ni Enchong, “Kasi ang lakas maka-stalker! Kasi kahit na sa Nice, alam niya kung ano yung isinuot ko.

"Alam niya kung saan ako nanggaling. Ayos, a!”

Dagdag naman ni Maja,“Kasi wala nang ginawa si Enchong kundi kumain.

“So, noong kailangan niyang mag-prepare do’n sa show na yun, talagang sinasabi ko sa kanya na, ‘Enchong…’

"Pag lunch kasi, kain nang kain, pinipigilan ko siya. ‘Enchong, I don’t want a chubby loveteam.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Enchong, attracted ba kay Maja?

Sagot ng young actor, “Oo naman. Oo naman.

"Ano naman yun, e… kumbaga yung attraction, natural sa tao yun, e.

“Kunyari, minsan nga dumadaan lang, e. Dumadaan lang na tao, attracted ka kaagad. Hindi mo maiwasan lumingon.

“E, lalo pa kami na magkaibigan. Nagsasama kami minsan magdamagan sa taping. Hindi mo maiwasan yun.”

Sa palagay ba ni Enchong ay puwedeng mapunta sa love ang kanilang friendship?

Umiiling na sagot ng binata, “Parang hindi ko naman yata yun masagot nang ganun kaagad-agad? Hindi naman.”

Salo ni Maja kay Enchong, “Lahat naman bigla-biglaan ’yan, e—attraction. Kung bigla kang… kung maramdaman mo, in love ka kay Enchong, di ba?”

Sagot ulit ni Enchong, “Basta sa ngayon, kung anuman yung ginagawa namin ngayon, nandun lang kami sa stage na magkaibigan kami.”



JULIA & MATTEO. Hindi ba malaya ang puso ni Enchong para magmahal ng iba?

Sagot ng binata, “Hindi naman. Ayoko lang maging kumplikado yung buhay ko.

"Kasi siyempre gumagawa kami ng teleserye tapos biglang… I mean kukumplikaduhin mo, e.”

Ang balitang nililigawan ni Enchong ay ang Walang Hanggan lead actress na si Julia Montes.

Sa parte ni Maja, sa tingin ba niya ay nakatulong sa pag-arte niya ang breakup nila ni Matteo Guidicelli?

Mabilis na sagot ng young actress, “Wala namang kinalaman yung breakup ko sa… dito sa Ina Kapatid Anak.

“Mas do’n pa nga ako sa ano, e, minsang naibigay sa aking award.

"Mas ginagamit kong motivation para mas mapaghandaan ’to at maibigay pa lalo yung best ko,” nakangiting saad ng Urian 2012 best-actress winner for Thelma.

Friends na ba ulit sina Maja at Matteo?

“Enchong?” sambit ni Maja, na parang nagpapatulong sumagot sa kaparehang aktor.

Banat naman ni Enchong, “Hindi, like for example nung The Healing na screening nina Kim, nagpunta si Mat.

"Nagko-congratulate naman si Maj [palayaw ni Maja], like nung manalo siya [Matteo] sa triathlon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi porke’t nagkahiwalay…”

Magkakabalikan ba sina Maja at Matteo?

Sabi ni Enchong, “Ay, hindi pa siguro. Sa nakikita ko, nag-e-enjoy si Maja sa buhay niya ngayon.”

Napansin ng media na parang si Enchong ang sumasagot para kay Maja.

"Spokesperson!" natatawang description ni Enchong sa sarili.

Sabi naman ni Maja, “Gaya ng sabi ni Enchong, ine-enjoy ko yung anuman na mero’n ako ngayon. Yung pagiging single ko.”

So malabo ang balikan?

Sagot ni Enchong, “Sa ngayon siguro, hindi. Hindi muna.

"Direct to the point, sa ngayon, hindi pa talaga muna. Nag-e-enjoy pa talaga siya.”

Tumingin si Maja sa kapareha sabay sabing, “Thank you, Enchong.”

Boto ba naman si Maja kay Julia para kay Enchong?

Pagbulontaryo ni Enchong, “Sasagutin ko rin. Hindi... nandun pa rin tayo sa mag-antay tayo. Antay tayo.

“Kaya siguro dadaan pa itong teleserye na ‘to. Dadaan pa yung presscon ng pelikula namin at dadaan pa isang presscon ng pelikula na isasagot ko pa rin sa inyo na, ‘Waiting pa rin.’

"Hangga’t hindi nag-e-eighteen [si Julia], di ba? Standby do’n sa…”

So, boto ba si Maja kay Julia?

Sagot ni Maja, “Basta gusto ko yung babae mahal si Enchong. Boto ‘ko, basta alagaan niya siya.”

Hindi kaya magselos si Julia sa kanila?

Sabi ni Enchong, “Hindi. Alam niya. Alam niya kung ano yung trabaho namin. E, I’m sure siya rin, di ba?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN