Kristoffer Martin’s grandma passes away as he receives FAMAS award

“Kasi nandoon ang lola ko na medyo maselan na yung lagay at sinabihan na kami na mag-ready na kami sa kung anong puwedeng mangyari. Kaya naman nagpaalam ako sa lola ko at sinabi ko sa kanya na tatanggap lang ako ng award at babalik din kami kaagad,” kuwento ni Kristoffer Martin bago niya nabalitaang yumao na ang kanyang lola.


Isa ang Kapuso tween star na si Kristoffer Martin sa ginawaran ng German Moreno Youth Achievement Award sa FAMAS Awards ngayong taon.

Ginanap ang awarding ceremonies kagabi, September 25, sa grand ballroom ng Manila Hotel.

Kasama ni Kristoffer na pinarangalan sina Derrick Monasterio, Julie Anne San Jose, Jessy Mendiola, Enrique Gil, Edgar Allan Guzman, at Daniel Padilla.

Pero magkahalong saya at lungkot ang naging pagtanggap ni Kristoffer sa award na ito dahil kagabi rin ay pumanaw ang kanyang lola na si Cecilia Shirley Dangculos.

Nalaman ng young actor ang tungkol sa pagpanaw ng kanyang lola pagkatapos niyang matanggap ang kanyang award.

FIRST AWARD. Bago umakyat ng entablado at bago malaman ang pagkamatay ng kanyang lola ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kristoffer sa mesa kasama ang iba pang paparangalan.

Masaya pa noon ang young actor dahil ito raw ang una niyang award na matatanggap bilang isang artista.

Sabi niya, “Masaya na medyo kabado po ako, kasi ito bale ang kauna-unahang award na natanggap ko simula nang nagsimula ako sa showbiz.

“Kaya naman very memorable ito at hindi ko talaga makakalimutan.

“Very thankful ako sa FAMAS at kay Kuya Germs dahil sa parangal na ibinigay nila sa amin.

“Ito bale ang magiging inspirasyon ko para mas pagbutihan ko pa ang aking trabaho."

Kuwento pa niya, “Kamuntik-muntikan na nga akong hindi makapunta sa awards night kasi nasa hospital kami sa Olongapo.

“Kasi nandoon ang lola ko na medyo maselan na yung lagay at sinabihan na kami na mag-ready na kami sa kung anong puwedeng mangyari.

“Pero medyo matagal na rin kaming nasabihan sa award na tatanggapin ko.

“Kaya naman nagpaalam ako sa lola ko at sinabi ko sa kanya na tatanggap lang ako ng award at babalik din kami kaagad,” saad ni Kristoffer."



HAPPY AND SAD NEWS. Naputol ang aming pag-uusap dahil sila na ang susunod na bibigyan ng parangal. Nagpaalam sandali si Kristoffer at nangakong babalikan kami pagkatapos niyang tumanggap ng award.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero pagkatapos tanggapin ang kanyang tropeyo, malungkot na nagpaalam si Kristoffer dahil nakarating sa kanya ang balitang patay na raw ang kanyang lola.

Sabi niya, “Sobrang lungkot ng pakiramdam, kasi mahal na mahal ko yung lola ko.

“Hindi man lamang niya ako nahintay para ipakita ko sa kanya yung trophy na natanggap ko mula sa FAMAS."

At pagkatapos nito ay nagpaalam na nga ang binata dahil didiretso na siya ng Olongapo para makita sa huling sandali ang kanyang lola.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN