Eugene Domingo wants to do a comedy film with Nora Aunor: "Akala n’yo lang dramatic actress ’yan. E, mas kuwela pa ’yan kesa sa akin!"

Nang tanungin kung anong klaseng pelikula ang gusto niyang gawin kasama ang Superstar na si Nora Aunor (left), ito ang nagbibirong sabi ni Eugene Domingo (right): "A, kahit saktan niya ako sa pelikula, okay lang. Kahit banlian niya ako ng kumukulong mantika, okay lang. Kahit muriatic acid, okay lang!"


Matapos ang halos tatlong linggo, nagkita uli sa PETA Theater, sa New Manila, Quezon City, ang dalawang aktres na gumanap bilang Bona: sina Nora Aunor at Eugene Domingo.

Si Nora ng orihinal na nagbida sa pelikula ng National Artist Lino Brocka, samantalang si Eugene naman ang kasalukuyang gumaganap na bida sa isinadulang obra ng Philippine Educational Theater Association (PETA).

Mahalaga ang okasyon noong Linggo ng gabi, September 23. Isa itong special performance night at awarding ceremonies para kina Uge (palayaw ni Eugene) at Ate Guy (Nora’s monicker).

Kabilang sila sa apat pang pinarangalan ng PETA, tulad nina Phillip Salvador; Edgar Allan Guzman; ang mismong PETA as represented by actor-director Soxy Topacio na nagdirek ng dulang Bona; at Cecilia CB Garrucho, isa sa mga founding officers ng PETA.

Sina Phillip at Edgar Allan ang respective "leading men" nina Nora at Eugene.

Sila ang "object of obssessive affection" bilang Gardo Villa at Gino Sanchez, respectively, ng dakilang fan/alalay (Bona) na naghiganti sa kanyang inidolong bit player/reality search finalist.

Matapos ang mahaba at masayang awarding ceremonies, muling nagpaunlak ng interview sina Nora at Eugene, kasama sina Edgar Allan at Direk Soxy, sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media.

Maikli lang ang naging pananalita ni Ate Guy tungkol sa kanyang damdamin hinggil sa karangalang ipinagkaloob bilang orihinal na Bona.

"Isang karangalan po, lalo na’t yung idol ko ang gumanap sa papel na Bona," malugod na bungad ni Ate Guy.

"Baligtad yata!" pagsalungat naman ni Uge.

Na tinutulan agad ni Ate Guy habang natatawa. "Ooops, tama na..." pagpigil niya sa komedyante.

Sa isang hiwalay na panayam, nasambit din ni Ate Guy, "Mahirap ipaliwanag ang kasiyahang nararamdaman ko sa totoo lang.

"Hindi ko akalain na yung mga pelikulang ginagawa ko, [mabibigyan ng ganitong importansiya]... talagang maganda naman kasi, kapupulutan ng aral."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HAPPY FOR ATE GUY. On Eugene’s part, ngayon lang niya nasabi sa media ang naging saloobin matapos silang magkita rin ni Nora sa masayang okasyon nang sorpresahin siya ng Superstar sa panonood ng dula nila noong September 1.

After a week, nasa Venice, Italy na si Nora at matagumpay na nakilahok sa 69th Venice International Filmfest ang pelikula niyang idinirek ni Brillante Mendoza, ang Thy Womb. Nanalo siya ng independent Italian critics’ award—ang Bisato d’Oro Premio Della Critica Independente.

Sabi ni Eugene, "Hindi naman talaga ako nagkamali ng hinangaan.

"Talagang ipinagdasal ko yung pinakabago niyang achievement bago pa siya umalis [papuntang] Venice.

"Bago siya umalis, nanood pa siya ng Bona dito. Siyempre, ligayang-ligaya kami.

"So, isinama ko sa dasal ko na pagpunta nila ng Venice, manalo sila.

"Tuwang-tuwa ako, nanalo! She made it again!

"You know, kapag ang isang artista, mahusay na mahusay, kahit na magpahinga siya nang matagal, basta ’yan umariba, lagot kayong lahat!

"Di ba?" sabi pa ni Uge habang nakatingin kay Ate Guy.

Patuloy ng komedyana, "Si Ate Guy, hindi lang ’yan dito sa atin kundi world-class! At ’yan ang dapat na iniidolo!"

WELL-RECEIVED. On its fourth weekend run ay walang dudang naging matagumpay ang dulang Bona kaya nadesisyunan ng PETA na magkaroon ng extended run ang palabas.

Limang shows pa ng Bona ang mapapanood, sa mga petsang September 28 (8 p.m.), September 29 (3 p.m. at 8 p.m.), at September 30 (3 p.m. at 8 p.m.).

"Salamat! Extended pala! Sige pa... sige pa!" bulalas ni Uge, habang katabi ang direktor na si Soxy Topacio.

"Kasi nagre-request nga ang Superstar na ma-extend pa, e. Gustung-gusto talaga niya."

As the interview was ongoing, tumayo muna sa gilid si Ate Guy para ma-focus ang interview kina Uge at Direk Soxy.

Pero nagsalita rin si Nora sa puntong ito nang sabihing may extended run nga ang play.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ng Superstar, "Magpu-produce ako ng isang gabi. Walang biro. Ako ang magpu-produce para sa fans!"

Sa sinabi ni Nora ay labis ang pasasalamat ni Uge.

Aniya, "Salamat! Yun naman ang gusto ko, na ma-entertain naman si Ate Guy because she has been entertaining us for how may decades already.

"Now is our chance to entertain her, for a change! And she’s entertained, so thank you!"

Masaya rin daw ang aktres-komedyana sa tagumpay ng nilayon nila ng kanilang direktor at iba pang sangkot sa dula.

"A, kami ni Direk Soxy, ni president CB, ang objective talaga namin sa project na ito... sana ma-encourage namin talaga ang mga tao na pumasok sa theater.

"And we are very thankful that we have succeeded.

"Thank you very much for joining us, for experiencing Bona in the theater!" masayang saad ni Uge.

WANTS TO DO MOVIE WITH NORA AUNOR. Nagpatawa si Eugene nang tanungin kung anong pelikula ang gustong gawin kasama si Ate Guy.

"A, kahit saktan niya ako sa pelikula, okay lang. Kahit banlian niya ako ng kumukulong mantika, okay lang. Kahit muriatic acid, okay lang!" sabi niya.

Unang nagkasama sina Eugene at Nora sa TV5 mini-seryeng Sa Ngalan Ng Ina, na isinahimpapawid noong September 3 hanggang November 5, 2011.

Ang yumaong si Mario O’Hara, katuwang si Jon Red, ang nagdirek ng mini-serye.

Seriously, sabi rin ni Eugene, "Kahit anong project... pero sana comedy.

"Kasi hindi ninyo alam, kuwelang-kuwela si Ate Guy!

"Akala n’yo lang dramatic actress ’yan. E, mas kuwela pa ’yan kesa sa akin! Bigyan n’yo lang ng pagkakataon.

"Maraming-marami akong paborito kay Ate Guy. Kahit Superstar, paborito ko!

"Kahit ano. In fact, I’m very excited about this... bagong labas na kopya ng Himala na ilu-launch very soon.

"So, lahat ’yon aabangan natin because isa ang Himala sa mga pelikulang nakilala sa buong mundo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SUPPORT PINOY ARTISTS. Naging okasyon din ang espesyal na pagtatanghal ng Bona noong September 23 para ipasulong ang advocacy hinggil sa kaukulang suporta sa mga Filipino artists.

Nagpamahagi ang PETA ng "Support Filipino Artists" t-shirts, na ang isa’y isinuot agad ni Ate Guy. Ibinigay sa kanya ni Eugene ang t-shirt sa backstage bago magsimula ang dula.

Si Ate Guy bale ang nangunang "taga-endorso" ng naturang mensahe sa natatanging gabing iyon ng Bona.

Wika ni Nora, "Dapat may suporta lahat, hindi lang ang pelikula kundi itong mga ganitong stage play.

"Dapat suportahan ng gobyerno, para mas lalong mapaganda at mabigyan ng kahusayan ang mga nagsisiganap."

Pagsang-ayon naman ni Eugene, "Support Pinoy artists. ’Yan naman ang gusto nating ibahaging mensahe sa lahat.

"Oo naman, maganda naman lahat ng klase ng palabas na pinapanood natin. Pero sana, huwag nating kalilimutan ang sariling atin.

"May sarili tayong teatro, may sarili tayong pelikula at telebisyon, at magagaling ang mga talentong Pilipino."

IN AGREEMENT. Sa pahayag ni Uge ay sumasang-ayon sina Direk Soxy at Edgar Allan Guzman.

"Ay, oo, matagal ko nang ipinaglalaban ’yan," ani Direk Soxy.

"Kulang... kailangan talaga ng support, lalo na sa teatro.

"Ang feeling namin, bihira pong magpunta dito dahil walang pera, kaya puntahan niyo po kami.

"Kailangan namin ang tulong ninyo!"

Sumali na rin sa usapan si Edgar Allan matapos ang hiwalay na interview sa ibang taga-media.

Aniya, "Tama naman ’yon. Kasama ako dun ni Ate Uge.

"Kumbaga, suportahan din natin yung mga artista sa theater. Kailangan din nila siyempre na mapansin sila.

"Kailangan din nila ng suporta. Let us support Pinoy artists!"

Nagpahabol pa ng mensahe si Uge.

"Of course, of course! Sa atin ’to, e!

"Hindi naman lingid sa lahat na ang mga talentong Pilipino ay talagang kinikilala ngayon sa buong mundo.

"So, habang nandito, tayo na ang mauna!" pahayag ni Eugene.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN