Superstar Nora Aunor imparts words of wisdom to finalists of Artista Academy

Pinaunlakan ng Superstar na si Nora Aunor ang TV5 News team na magbigay ng kaunting payo sa tatlong finalists ng Artista Academy na sina Vin Abrenica, Sophia Albert, at Chanel Morales. Bahagi ng pahayag ng aktres sa tatlo ay ito: "Kung ano yung pagkakakilala sa inyo ngayon, dapat ganun pa rin kayo kahit na sumikat kayo."


Nahilingan ang Superstar na si Nora Aunor na magbigay ng kaunting payo sa mga nangungunang finalists ng ginaganap na artista search ng TV5, ang Artista Academy.

Kabilang sa Top 4 ng Artista Academy sina Vin Abrenica, Sophia Albert, Akihiro Blanco, at Chanel Morales.

Noong Linggo ng gabi, September 23, nakausap ni Nora ang tatlo sa mga finalists na sina Vin, Sophia, at Chanel; si Akihiro lang ang hindi nakasama.

Naganap ang pagkikita nila matapos ang matagumpay na performance at awarding ceremonies ng dulang Bona sa PETA Theater, Quezon City.

Nanood din ng pagtatanghal ang tatlong kabataan bilang suporta sa Kapatid young actor na si Edgar Allan Guzman, na gumanap na Gino Sanchez at "anak-anakan" din ni Ate Guy.

Si Nora naman, bilang ang orihinal na gumanap na Bona sa pelikula ng National Artist na si Lino Brocka, ay naroon upang tanggapin ang kanyang Gawad Natatanging Pagkilala mula sa pamunuan ng PETA (Philippine Educational Theater Association).

Incidentally, isang aspiring reality-artista search contestant ang papel na ginagampanan ni Edgar sa Bona, na pinagbibidahan ng comedienne na si Eugene Domingo.

Sa kahilingan ng TV5 News team, pinaunlakan ni Ate Guy ang paanyaya at kinausap ang mga natitirang contestants ng Artista Academy.

Tungkol sa ilang basics ng pag-arte, tulad ng pag-i-internalize at pakikipag-interact sa eksena sa pamamagitan ng tamang pagde-deliver ng linya at pagko-communicate ng tamang emosyon, ang ipinabatid ni Ate Guy.

Eager listeners naman sina Chanel, Sophie, at Vin.

Sabi ng Superstar sa kanila: "Dapat naiintindihan mo yung ginagawa mo at naiintindihan mo yung sinasabi mo.

"Automatic yun, e. Lalabas at lalabas sa reaction ng mukha ng artista.

"At yun, sa akin [ang mahalaga]... yun lang kasi ang ginagawa ko.

"Hindi ako masyadong... binabasa ko yung script, minsanan lang.

"Tapos, mauulit yun pagdating sa set. At saka ko na lang pag-aaralan uli."

Payo pa ni Ate Guy, mahalaga rin ang pagsasaulo at pagsasapuso ng gawain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pinakaimportante sa lahat yun. Kasi, may mga artista na matapos lang yung eksena, hindi inilalagay sa ulo yung ganon.

"Pero kung ilalagay mo sa puso mo, kusang lalabas."

Pinayuhan din ni Nora ang tatlo sa mga nangunguna ngayon sa Artista Academy na huwag magbabago ng ugali.

"Kung ano yung pagkakakilala sa inyo ngayon, dapat ganun pa rin kayo kahit na sumikat kayo.

"Hahangaan kayo ng napakaraming fans.

"Dapat, yung ugali ang hindi dapat na mabago, kasi yun ang pinakaimportante sa fans.

"Yun ang pinakaimportante sa tao—yung marunong kang makisama sa kapwa. At lahat-lahat na."

Natuwa at lubos na nagpasalamat sa Superstar ang tatlong kabataang nangangarap maging artista.

Isa si Nora sa magiging hurado sa grand finals ng Artista Academy, ayon sa TV5 unit head na si Jo-Ann Cabalda Banaga.



BACK TO TAWI-TAWI. Kaugnay naman ng pelikula ni Nora na Thy Womb, nabanggit ng aktres na plano niyang bumalik sa isla ng Tawi-Tawi, sa mga bayan ng Sitangkai at Bongao, kung saan kinunan ang kabuuan ng pelikulang idinirek ni Brillante Mendoza.

Matapos ang shoot ng pelikula noong Mayo, nabuo na sa isipan Nora ang balak na magbalik para magbigay-tulong sa mga kapus-palad na residente doon.

Sa panayam din ng PEP at iba pang taga-media noong Linggo ng gabi, sabi ni Ate Guy:

"Nakapangako ako sa kanila na babalik at babalik ako dahil gusto ko, kahit yung maliit na pamamaraan ng pagtulong sa kanila, baka puwede kong magawa pagbalik ko.

"Unang-una, wala silang health center.

"Pag may nagkakasakit o may manganganak, nagbabangka pa sila para makapunta sa bayan."

Nais ni Ate Guy na makapag-donate daw siya ng kakailanganin para sa pagpapatayo ng kahit maliit na health center sa mga nasabing bayan ng Tawi-Tawi.

"Yung center na may mga gamot na kakailanganin, yun ang pangarap ko na magkaroon sila. Lalung-lalo na para sa mga nakatira sa gitna ng dagat," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Thy Womb ay ginagampanan ni Ate Guy ang papel ng isang komadronang Badjau, si Shaleha, na asawa ng karakter na ginampanan ni Bembol Roco (Bangas-An).

Ayon kay Ate Guy, totoong "childbirth scene" ang mapapanood sa pelikula.

"Ako po talaga ang gumawa nun, nagpaanak talaga ako.

"Nakakanerbiyos nga dahil, siyempre, hindi mo alam ang gagawin mo, baka mabalian ng buto yung bata o kung anong mangyari sa bata.

"Nerbiyos na nerbiyos ako dun!" bulalas niya.

Hindi raw inisip ni Direk Brillante na "dayain" ang eksena ng pagpapaanak.

"Hindi po puwede yun. Hindi puwede dahil napaka-importante ng eksenang ’yon," katuwiran din ni Nora.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN