Artista Academy finalist Akihiro Blanco considers his uncle James Blanco as inspiration

Akihiro Blanco on his Uncle James: “Talagang tumatawag sa akin si Tito James at binibigyan niya ako ng mga payo. Yung mga advice niya sa akin na galingan ko raw. At saka kung nandun na raw ako doon sa stage, yung energy daw lagi. Ibigay ko na raw lahat ng makakaya ko, ilabas ko na raw lahat, talagang itodo ko po. At saka tinuruan niya po ako na huwag pong susuko sa lahat ng challenges. Lahat po ng challenges, activities kailangan ko raw gawin ang best ko.”


Gustong patunayan ng aspiring actor na si Akihiro Blanco na kaya niyang makapasok sa showbiz at maging artista sa sarili niyang sikap.

Kaya naman sa kabila ng koneksyon niya sa showbiz—sa pamamagitan ng kanyang tiyuhin at Kapamilya actor na si James Blanco—ay mas pinili niyang sumali sa Artista Academy, ang reality artista search ng TV5.

Unti-unti na ngang nakakamit ni Akihiro ang kanyang layunin, lalo na ngayong napabilang siya sa Final 6 ng Artista Academy; kasama sina Vin Abrenica, Mark Neumann, Chanel Morales, Sophie Albert, at Shaira Mae.

Sa kanilang anim manggagaling ang mananalong Best Actor at Best Actress na magkakamit ng pinagsamang P20 milyong halaga ng papremyo.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Akihiro pagkatapos makumpleto ang Final 6 noong Setyembre 29, Biyernes, sa TV5 Broadway Studio sa Quezon City.

Kaagad naming tinanong ang 17-year-old Pasigueño kung ano ang feeling na nakasama siya sa Final 6?

Sabi ni Akihiro, “Sobrang saya ko po na kasama ako sa Final 6.

“Noong una po, hindi ko ine-expect na kasama ako sa Final 6 kasi po sobrang dami po namin, sixteen po kami.

“So, ayun po, nagulat po ako nung tinawag po ako.

“Pero natuwa naman po ako kasi po talaga namang ginawa ko ang best ko para makapasok sa Final 6.”

Bakit siya ang dapat manalong Best Actor?

“Kasi po, gagawin ko po ang lahat para matupad ko lang ang pangarap ko.

“At saka gagalingan ko yung acting ko, pagsayaw ko, pagkanta ko para lang maipakita sa mga tao na deserving po akong manalo.”

Ano ang balak niyang gawin sa mapapanalunan niyang P10 milyon kung sakaling siya ang maging Best Actor?

“Bibili po ako ng pagkain,” sagot ni Akihiro.

“Siyempre tutulungan ko po yung sa lugar namin, sa Pasig po, lalo na yung mga nasalanta nung nakaraang habagat po. Yun po ang una kong gagawin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka bibigyan ko po si Mama kasi siyempre po tinulungan po niya ako simula pagkabata na pag-aralin po.

“Ngayon naman, ako naman ang tutulong sa kanya po. Ako naman po ang magtatrabaho.”

Fourteen years old daw siya nang mamatay ang kanyang daddy kaya ang mommy na lang daw niya ang nagtataguyod sa kanila ngayon.



UNCLE JAMES. Sunod namang inusisa ng PEP ang relasyon niya sa kanyang tiyuhing artista na si James Blanco.

Magpinsan daw kasi ang kanyang mommy at si James kaya niya naging kamag-anak ang aktor.

Bata pa lang daw siya ay idolo na niya ang kanyang Tito James at hanggang ngayon ay ito ang nagbibigay ng inspirasyon sa kanya.

Sabi ni Akihiro, “Si Tito James po… kaya po siguro ako nakapasok dito sa Final 6 dahil talagang siya po yung inspirasyon ko.

“Talagang tumatawag sa akin si Tito James at binibigyan niya ako ng mga payo.

“Yung mga advice niya sa akin na galingan ko raw. At saka kung nandun na raw ako doon sa stage, yung energy daw lagi.

“Ibigay ko na raw lahat ng makakaya ko, ilabas ko na raw lahat, talagang itodo ko po.

“At saka tinuruan niya po ako na huwag pong susuko sa lahat ng challenges.

“Lahat po ng challenges, activities kailangan ko raw gawin ang best ko.”

Bukod sa mga payo, todo raw ang suportang ibinibigay sa kanya ng aktor.

“Nakausap ko po siya at talagang handa raw siyang sumuporta araw-araw para po sa akin.

“Siyempre masarap din po sa puso na tinutulungan niya ako.

“Lagi akong nakikinig sa mga advice niya kasi para rin po sa akin yun, e, kailangan ko rin po yun.”



SUPPORT FROM PASIG. Kadalasan, pinakamaraming supporters na pumupunta sa Artista Academy studio ang kampo ni Akihiro at karamihan sa mga ito ay taga-Pasig City.

Ano ang pakiramdam na ngayon pa lang ay marami na ang sumusuporta sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Talagang sobrang sarap po sa feeling na mahal ka ng mga tao, lalo na po yung mga kakabayan ko,” sagot niya.

Kahit nga raw ang alkalde ng Pasig na si Mayor Bobby Eusebio ay malaki ang suporta sa kanya.

“Opo nga, e, buong Pasig po.

“Talagang masarap po sa puso na yung lugar na pinanggalingan mo ay talagang sinusuportahan ka, hindi ka pinababayaan.

“Lalo na yung nanay ko, siya ang gumagawa ng paraan.

“Yung buong pamilya ko, mga kamag-anak ko, mga kaibigan, lahat ng mga fans ko, nandiyan po sila para sa akin.

“Nag-aayos pa lang po ako sa dressing room, naririnig ko na po yung sigawan nila para sa akin, ‘Aki! Aki!’ ganun po.

“Ang sarap talagang pakinggan pag maraming sumisigaw para sa iyo.”



LESSONS FROM ARTISTA ACADEMY. Marami na raw natutunan si Akihiro sa Artista Academy at nadadagdagan pa ito.

Una na nga riyan ang pagtaas ng kanyang kumpiyansa sa sarili.

Saad niya, “Yung confidence ko po sa sarili ko, sobrang umangat po.

“Talagang marami akong natutunan sa AA [Artista Academy] pagdating sa pagsayaw, sa pagkanta, sa pag-arte.

“Talagang pagdating sa stage, nagkakaroon na ako ng confidence.

“Kinakabahan pa rin po ako, pero nasa puso ko na po na kahit anong mangyari, gagawin ko ang best ko, talagang ibibigay ko na.

“Gusto ko mag-enjoy yung mga tao, at the same time nag-e-enjoy din ako.

“At saka talagang mahal ko po yung ginagawa ko dito sa AA.”

Ano ang masasabi niya na siya raw yung “most improved” contestant?

“Masaya po, sobra. Lalo na po sa acting, yun po talaga ang nag-angat sa akin.

“Mahal na mahal ko na po talaga yung acting.”



COMPETITOR. Sino ang nakikita niyang pinakamahigpit niyang kalaban para sa Best Actor sa pagitan nina Vin at Mark?

“Si Vin Abrenica po,” sagot ni Akihiro.

“Pero magkaibigan po kami ni Vin. Pag nasa school na po kami at sa Live Exam, talagang sineseryoso po namin ang trabaho namin, kasi po alam naman po namin na kumpetisyon pa rin po ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi nga po ng critics, ng judges, sina Ma’am Wilma [Galvante] at Direk Mac [Alejandre] na kumpetisyon ito.

“Oo, magkakaibigan po kami, pero pagdating po doon sa show at saka pagdating sa trabaho, magkakalaban po kami.”

Ano naman ang reaksiyon niya na sinasabing diumano’y paborito raw ng critics at judges si Vin? Hindi ba siya apektado sa isyung ito?

“Para po sa akin, okay lang po yun kasi nirerespeto ko po yung judges.

“Kasi po, sa tingin ko, nakabase rin po sa grades talaga. May times na mababa ka, may times na mataas ka.

“Pag mababa po ako, ginagawa ko po ang lahat para umangat ako.”



SHOWBIZ IDOL & CRUSH. Bukod sa kanyang Tito James, sino pa ang idolo niyang artista?

“Idol ko po talaga si Robin Padilla. Kasi po parang naaangasan po ako sa kanya, I mean ang lakas ng dating niya sa TV—in a good way naman po.

“Talagang pag napapanood mo siya sa TV o sa movies, talagang lahat ng tao mabibilib.”

Kung may iniidolo siyang artista, may crush din daw siyang aktres.

“Si Anne Curtis po.

“Kasi po maganda siya, talagang yung hitsura niya kakaiba at saka sexy po.

“Talagang pag sinabi mong Anne Curtis, pangalan pa lang, magagandahan ka na.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN