MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares announces R-16 as additional movie classification; leaves her post to run for senator

Tatakbo bilang senador si MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares. Matagal daw niya itong pinag-isipan. Sabi niya: “Siyempre, hindi naging madali yun. Pero isa na rin kasi sa intensiyon ko, mapagpatuloy kahit papaano yung alaala ng dad [Fernando Poe Jr.] ko bago siya namayapa.”


Isang bagong film classification ang idinagdag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa mga pelikulang ating mapapanood—ang R-16.

Ang R-16 ay para sa mga pelikulang maaaring panoorin ng mga manonood na nasa 16 na taong gulang, pataas.

Para rin ito sa mga pelikulang hindi pa raw kaya ng pang-unawa ng mga kabataan na nasa 15 taong gulang, pababa.

Dinetalye ng MTRCB ang R-16 film classification sa presscon na ginanap noong nakaraang Miyerkules, October 3 sa MTRCB office sa Timog, Quezon City.

Agad ipinaliwanag ni Chairperson Grace Poe-Llamanzares kung bakit sila nagdesisyong idagdag ang R-16 sa mga MTRCB film classification ratings.

“Kasi nga masyadong malawak ang pagitan ng 13-year-old and 18-year-old.

“Para naman yung mga ibang mga pelikula na hindi naman ganun ka-mature ay puwedeng mapanood pa rin ng mga mas bata na audience.

CONSULTATION PROCESS. Ayon sa MTRCB chairperson, may mga mahahalagang tao siya na kinausap at sinangguni muna bago nila nabuo sa MTRCB ang desisyon na idagdag ang R-16 ratings.

Kuwento niya, “Nagpulong kami kasama sina Dr. Honey Carandang, a psychologist, [Direktor] Brillante Mendoza, [Direktor] Joel Llamangan.

“Kinunsulta namin kung sa tingin ba nila ay makakabuti ba ito sa mga bata sa industriya at sila ay sumuporta.”

Tulad ng Strong Parental Guidance o SPG sa telebisyon, mapapanood na ang bagong infomercial na ito ng MTRCB bago mapanood ang isang pelikula.

Natutuwa si Llamanzares dahil suportado sila ng theater owners, katulad din suportang nakuha nila mula sa mga TV station nang isulong ng MTRCB ang SPG TV ratings.

“Lumabas yung advisory kanina. Ngayon for every movie na ipapalabas, mayroon nang warning tulad sa TV, pero mauuna pa rin ang mga digital.

“Sa film, mahal daw ‘yan, wala pa tayong budget pero gagawin nila, eventually.

“They welcome it dahil kasi para sa kanila, may mga matured na palabas na pang-R-18 na parang mas limitado ang audience, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nag-iingat lang tayo kaya ginawa nating R-18, pero ngayon, marami nang mga actions na medyo violent na pag 16-years-old, puwede nang mapanood.”


EXAMPLE. Binigay na halimbawa ni Ms. Grace ang pelikulang Black Swan na isa sa nakatanggap ng mga negative feedback mula sa mga ina ng kabataan na nakapanood nito.

“Yung paborito kong example, Black Swan, kasi magandang pelikula, malalim ang konsepto, pero R-13 ang ginawa namin.

“Yung ibang mga nanay, akala nila porke’t Natalie Portman, ’tapos ballet, akala nila, iyon na yun.

“Pero pag pinanood mo pala, may lesbianism, may patayan.

“Puwede iyon pang-16 years old, kasi more or less, third year or fourth year [high school] na ang anak mo. Puwede mo nang ipapanood sa kanila yun.”


RUNNING FOR SENATOR. Nag-file naman ng kanyang Certificate of Candidacy o COC si Ms. Grace para tumakbo sa pagka-senador ilang araw na ang nakakaraan.

Inamin nito na mahirap ang ginawa niyang desisyon, pero layunin niyang ipagpatuloy ang kagustuhan ng namayapang ama, na maglingkod sa bayan.

Tumakbo sa pagka-presidente ng Pilipinas ang kanyang ama na si Fernando Poe Jr. noong 2004. Tinalo ito sa eleksyon ng nanunungkulan pa noon na si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

“Siyempre, di naging madali yun," ani Ms. Grace tungkol sa kanyang desisyon na tumakbo sa pagka-senador ng bayan.

"Pero isa na rin kasi sa intensiyon ko, mapagpatuloy kahit papaano yung alaala ng dad ko bago siya namayapa.

“Tinangka niyang manilbihan sa gobyerno sa maikling paraan.

“Nabigyan ako ng pagkakataon dito sa MTRCB, nakita naman natin na pag nandito ka, marami kang magagawa.

“Pangalawa, yung kumpiyansa na rin natin sa liderato sa ating pangulo.”

Dahil sa pagsali ni Ms. Grace sa senatorial race sa susunod na taon, kinailangan niyang lisanin muna ang posisyon bilang MTRCB chairperson.

Sa kanyang pamamaalam, ang movie director na si Emmanuel Borlaza muna ang tatayong officer-in-charge o OIC ng MTRCB, hangga’t hindi pa raw naa-appoint ang talagang kapalit niya bilang chairperson.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag niya, “Hinihintay pa natin yung appointment ng Malacañang kung sino yun. Hindi pa natin alam.

“Sa ngayon mayroon tayong officer-in-charge, yung ating vice-chairman, si Direktor [Emmanuel] Maning Borlaza na napakaraming pelikulang nagawa gaya ng Bituing Walang Ningning at kung anu-ano pa.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN