Aljur Abrenica drops his pants in Bench fashion show; willing to dress up as woman in a show

Kung si Kris Bernal ay nagpanggap na lalaki sa bagong primetime series na Coffee Prince, ang leading man naman niyang si Aljur Abrenica (in photo) ay papayag magpanggap na babae sa isang proyekto. Saad ni Aljur, “Tingin ko, kung magkakaroon ng ganung klase ng role o project para sa akin, tingin ko magiging challenge para sa akin yun. Kaya sige, okay lang, gagawin ko.”


Balik-tambalan sina Aljur Abrenica at Kris Bernal ang bagong primetime series ng GMA-7 na Coffee Prince.

Sa paglipas ng panahon, at ngayong magkasama sila ulit ni Kris sa isang proyekto, may nadiskubre pa ba si Aljur sa kapareha na hindi niya nadiskubre noon?

“Meron! Ang guwapo pala ni Kris, mas guwapo pa siya sa akin!” tumatawang sabi ni Aljur.

Sa Coffee Prince kasi ay isang babae na magpapanggap na lalaki ang role na ginagampanan ni Kris bilang si Andy.

Si Aljur naman ay isang coffee-shop owner, si Arthur, na magkakagusto sa karakter ni Kris.

Sa presscon ng Coffee Prince noong October 3, Wednesday, sa Studio 7 ng GMA TV Complex, naitanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portl) kay Aljur: Kung siya naman ang aalukin ng isang project na magbibihis-babae siya, papayag ba siya?

“Uhm… mukhang okay iyon, a! Challenging. Oo, sige, game, papayag ako,” nakangiting sagot ng Kapuso hunk.

Kahit na fully made-up siya, naka-wig, at naka-bihis babae ay papayag daw si Aljur.

“Tingin ko, kung magkakaroon ng ganung klase ng role o project para sa akin, tingin ko magiging challenge para sa akin yun. Kaya sige, okay lang, gagawin ko.”



DARING ALJUR. Sa nakaraang denim and underwear fashion show ng Bench, ang Bench Universe, rumampa si Aljura sa pangalawang gabi nang naka-jeans lamang at habang rumarampa ay ibinaba niya ang kanyang pantalon revealing his boxer briefs.

First time daw ginawa ni Aljur iyon at hindi raw iyon scripted o plinano.

“Hindi, biglaan yun, basta ko na lang naisipan.”

Bakit niya naisipan?

“Naisip ko lang, siguro para medyo maiba naman.

“At naisip ko, kung iyon ang makakapagpasaya sa ibang mga nanood, why not? So, ginawa ko.”

Kung higit pa raw doon, gaya ng butt exposure sa isang pelikula, hindi pa raw kayang gawin ni Aljur.

“Hanggang doon lang muna ako, dun sa ginawa ko sa Bench [show]!” ang natatawang sinabi ng hunky male star.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



BROTHER VIN. Napag-usapan naman ang tungkol sa nakababatang kapatid ni Aljur na si Vin Abrenica.

Kung si Aljur ay nagsimula sa artista search ng GMA-7 na StarStruck Batch 4, si Vin naman ay isa isa sa Top 6 ng isinasagawang Artista Academy ng TV5.

Anong advice ang ibinibigay ni Aljur sa kapatid?

“Basta sabi ko lang, galingan niya, na suportado ko siya. Alam naman niya yun.

“Actually, yung kapatid kong iyon, hindi na niya kailangan ang advice, alam naman na niya ang mga dapat at mga hindi niya dapat gawin,” may pagmamalaking sabi ni Aljur tungkol sa kapatid.

Ano naman ang payo niya sa iba pang mga showbiz hopefuls na sumasali sa mga artista search, gaya nga ng Artista Academy at ng Protégé ng GMA-7, bilang si Aljur ay produkto rin ng ganitong klaseng show?

“Ako, ang lagi kong sinasabi, kapag natatanong tungkol sa kung ano ang maipapayo ko sa mga baguhang artista, na walang imposible.

“Ako, noong nagsisimula pa lang ako, lagi kong inilalagay sa isip ko iyon—na walang imposible basta magsisipag ka lang, magsisikap ka na maabot yung mga gusto mong maabot, na ma-achieve yung mga gusto mong ma-achieve.

“Wala naman kasing imposible sa sinuman na gumagawa ng hakbang para marating ang gusto niyang marating.”

Si Aljur ang itinanghal na Ultimate Hunk ng StarStruck noong 2006.



SAD FOR KYLIE. Samantala, inamin ni Aljur na nalungkot siya sa pagkaka-shelve ng Haram, ang serye na pagsasamahan sana nina Kylie Padilla at Dingdong Dantes sa GMA-7.

Nali-link ngayon si Aljur kay Kylie.

Sabi ni Aljur, “Nalungkot ako, nalungkot ako, lalo na para kay Kylie.

“Kasi ang alam ko, maganda sana yung gagawin nilang project, maganda.

“Kaya lang, iyon nga, dahil sa mga hindi maiiwasang pangyayari, hindi natuloy.”

Pero alam naman daw ni Aljur na marami pang magagandang projects na darating kay Kylie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magkasama sina Aljur at Kylie sa pelikulang Kuratong Baleleng na ang producer ay si Robin Padilla.

Biniro namin si Aljur, kung may advice o “pananakot” ba si Robin sa kanya, lalo pa’t espesyal para kay Aljur ang anak na dalaga ni Robin na si Kylie.

“Wala naman, wala namang pananakot!” at tumawa si Aljur.

Sa nabanggit na pelikula, halos ang buong Padilla clan ang makakasama ni Aljur; tulad ng mga pinsan ni Kylie na sina Bela Padilla at Daniel Padilla.

Hindi ba siya nailang?

“Hindi naman, mababait silang lahat, kaya walang ilangan,” sagot ni Aljur.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN