Rachelle Ann Go on why she chooses to be single for now: “Ayoko kasi ng may nagte-text. Parang nanggugulo, e.”

Ayon kay Rachelle Ann Go, sariling desisyon niya na hindi muna pumasok sa isang relasyon o kahit na mag-entertain din ng manliligaw. Aniya, “Siguro hindi pa tamang panahon. Choice ko na rin po siguro.”


Para i-celebrate ang kanyang ika-walong taon sa showbiz, magkakaroon ng anniversary concert si Rachelle Ann Go sa Music Museum sa October 26.

Pinamagatang R.A.G. Rise Against Gravity, sasamahan si Rachelle sa pagdiriwang na ito ng mga malalapit niyang kaibigan sa industriya; katulad nina Regine Velasquez, Sarah Geronimo, at Christian Bautista.

PAST BOYFRIENDS. Sa pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang mga miyembro ng media kay Rachelle Ann kahapon, Oktubre 10, hindi naiwasang intrigahin ang 26-year-old na singer, host, at actress dahil special guest nga niya ang dating kasintahan na si Christian Bautista.

“Si Christian, okay naman. Nagkakausap kami. So, okay na yun,” sabi ni Rachelle Ann sa mga kaharap na umiinterbyu sa kanya sa 6th floor office ng Viva sa Tektite Building, Pasig City.

Wala na rin daw puwedeng asahan na balikan sa dalawa, dahil bukod sa may kasintahan na si Christian, iba na raw talaga ang turingan nila sa isa’t isa.

“Sobrang kumportable kami ngayon. Barkada lang talaga,” saad pa ni Rachelle.

Sa kanyang mga naging boyfriends, si Christian lang daw talaga ang nanatiling kaibigan niya pagkatapos ng kanilang relasyon.

“Si Christian kasi, siya yung nagdala sa akin kay God. So, may malaking nagawa rin siya sa buhay ko,” aniya pa.

Nang tanungin naman tungkol sa kanyang iba pang mga naging boyfriends, natawa na lang si Rachelle Ann habang nakikiusap.

“Huwag na po natin silang pag-usapan. Past na po iyon, e!” natatawa niyang pakiusap.

Ang mga naging boyfriend niya pagkatapos ni Christian ay sina Gab Valenciano at John Prats.

Habang nanatiling kaibigan niya ang unang showbiz boyfriend na si Christian, hindi naman niya masabi na ganun din ang turing niya kina Gab at John.

“Hindi naman po. Wala naman po kasing… huwag na lang po natin pag-usapan,” pakiusap muli ni Rachelle.

Pero paano kung sa mismong concert ay dumating sila para manood?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Di masaya… mas masaya. Pandagdag sa bumili ng ticket…

“Pero siyempre, okay na yun, e. Tapos na lahat. Happy na lahat… So, yun…” napakibit-balikat pang sabi ng Party Pilipinas regular host and performer.

DOESN’T LIKE TEXTING BACK. Sa ngayon ay wala munang lovelife si Rachelle Ann.

Sariling choice niya naman daw yun.

“Ayoko ng may nagte-text!” katuwiran niya.

“Parang nanggugulo, e!” natawa pagkatapos ang dalaga.

“Ayoko ng may sinasagot ako. Siguro sa dami lang din ng iniisip ko ngayon.”

Maski raw manliligaw o kahit na yung mga nagpaparamdam, hindi niya rin daw pinapansin.

“Siguro hindi pa tamang panahon.

“Choice ko na rin po siguro.”

May nagte-text nga raw pero hindi niya sinasagot.

“Hindi muna. Hayaan na natin,” sabi pa niya.

ALJUR AND BENJAMIN. Pero kahit na walang lovelife, may mga nali-link sa kanya.

Katulad na lang ng Kapuso hunks na sina Aljur Abrenica at Benjamin Alves.

Kay Aljur, aminado si Rachelle Ann na nagkakailangan sila.

Kamakailan kasi’y sinabi ni Aljur na gusto pa niyang makilala nang husto si Rachelle Ann. Kaya nagte-text na sila’t magkaibigan na raw sila. (CLICK HERE to read related story.)

Pinasinungalingan naman ito ni Rachelle Ann at sinabing wala naman daw ganun sa pagitan nila ni Aljur. (CLICK HERE to read related story.)

Ganun pa rin ang sagot ni Rachelle Ann tungkol sa issue sa kanila ni Aljur.

“To be honest po, ano… after po siguro nung issue, medyo parang, ang weird naman nito.

“Nagkakabatian naman po kami, ‘Hi,’ ‘Hello,’ sa Party Pilipinas.

“Ngayon, parang ang weird lang, parang… hindi naman iwasan, siguro, parang… maghe-hello pa rin, pero ang weird.

“Kasi yung mga tao, parang… ‘Ano ba? Baka may ibig sabihin ‘yan.’ Pero, yun lang, may konting ilang lang.”

Ibig sabihin ba nito’y hindi na siya kumportableng kaharap si Aljur?

“Sakto lang… hindi ko naman siya masyadong kinakausap. Ganun lang… hi, hello lang.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala rin naman daw siyang nararamdaman kung nagpaparamdam man si Benjamin.

“Ngayon po, hindi ko naman siya nararamdaman, e. Siguro busy lang sa trabaho niya.”

Dati rin daw silang magkasama ni Benjamin sa Viva. Nagkakasalubong sila sa opisina ng movie and talent company, bago lumipat si Benjamin sa model and talent management team na Mercator. Kaya magkakilala raw sila.

Kung loobin daw ng Panginoon na may dumating at ma-in love siya, sana raw ay hindi taga-showbiz at isang “man of God” ang susunod na makakarelasyon niya.

Sabi ni Rachelle, "Yun talaga ang number one sa aking list. Hindi maliligaw ang relasyon nun, kapag ganun na."

HEARTACHES’ EFFECT ON HER. Tanong ng PEP sa kanya, sa tingin niya ba’y nakatulong ang mga sakit na pinagdaanan niya para mas humusay pa siya sa pagkanta?

“Opo. Kasi po ang pagkanta, nailalabas po natin ang emotions natin diyan, e,” aniya.

Binanggit tuloy ng GMA showbiz reporter na si Gorgy Rula kung gaano kaganda ang pagkakaawit noon ni Rachelle Ann ng Rita Coolidge hit song na “I’d Rather Leave While I’m In Love” bilang sagot sa mga humihingi ng kanyang reaksyon sa breakup nila ni John Prats.

“Tandang-tanda n’yo pa… parang ako, kinalimutan ko na nga!” natawa pagkatapos si Rachelle Ann.

Nakakatulong din daw ang heartache sa bagong hilig niya—ang pagsusulat ng kanta.

“’Yang mga istorya tungkol sa heartache, gusto ng mga Pinoy ‘yan, e,” sabi pa niya.

At hindi lang sa sarili niyang heartaches humuhugot ng inspirasyon si Rachelle. Nakakakuha rin siya ng inspirasyon mula sa mga istorya ng mga taong nasa paligid niya.

“Hindi lang sa mga pinagdaanan ko nakakagawa ako ng kanta, kundi pati sa mga taong nakapaligid sa akin, yung mga kaibigan ko. ‘Pag nagkukuwento sa ‘kin, isinusulat ko sila.

“Yung heartaches kasi maganda talagang pagkuhanan ng inspirasyon. Tingnan mo si Adele, di ba?” banggit pa ni Rachelle Ann sa British pop singer na nagkaroon ng hit songs tungkol sa mga pinagdaanang sama ng loob mula sa nasirang relasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


CONCERT GUESTS’ IMPACT ON HER LIFE. Tungkol naman sa kanyang concert na dapat sana’y nung September 19 naganap, sinabi ni Rachelle Ann na nagahol daw kasi sila sa oras kaya’t kinailangan nilang i-postpone ito noon.

Pero ngayon, handa na ang lahat at tuloy na sila sa October 26.

Excited na nga raw siyang maka-duet ang kanyang guests sa concert na sina Regine, Sarah, at Christian.

Pawang malalaki raw ang nagawa ng mga ito sa kanyang buhay at career.

“Sila po yung mga taong malaki ang nagawang impact sa buhay ko.

“Si Sarah, simula nang magsimula ako, kilala na niya ‘ko. Contestant pa lang ako, nakakasama na niya na ‘ko. Alam niya lahat ng istorya ng buhay ko.”

Si Christian naman, bukod sa naging kasintahan ay naglapit nga sa kanya lalo sa Panginoon.

Pero si Regine, matindi raw talaga ang naging impact sa kanya.

“Idolo ko. Sa kanya ako nanggaling.” Si Regine kasi ang host ng Search For A Star kung saan siya nagsimula.

“Si Ms. Regine Velasquez po. Siya po yung ano, e… Lahat ng mga sinalihan kong competition, yung mga kinakanta ko, mga kanta niya.

“‘Tsaka hanggang ngayon, sa kanya po ako nai-starstruck. Sa Party Pilipinas parang hindi ko po siya makausap. Nahihiya pa rin ako.”

POST-CONCERT WORKS. Pagkatapos ng kanyang concert, gusto sana raw ni Rachelle Ann na magsimula ng bagong album na puro original compositions niya.

Sisimulan din daw niya na mag-taping para sa GMA-7 epicserye na Indio kunsaan gagampanan niya ang role ng isang diwata.

“Dapat ano ko do’n, isang sirena na kumakanta. Yun ang power ko do’n.

“Kaso yung problema, medyo babad po lagi sa tubig. So, ang concern po ng management, ng Viva, baka yung mapaos.

“So, nakiusap po kami na magpalit kami ni Sam Pinto ng role.”

Pumayag naman daw si Sam at si Rachelle na nga ang diwata ng buwan. Si Sam na ang diwata ng tubig o sirena.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nga lang daw sigurado si Rachelle kung ganun pa rin ang power ng naipalit na character kay Sam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN