Ervic Vijandre on his showbiz career: “Parang gusto kong maging Zanjoe Marudo ng GMA.”

Inamin ni Ervic Vijandre na hindi siya naghahanap ng karelasyon pagkatapos ng breakup nila ni Rich Asuncion. Ang dahilan: “Kasi dati, masyado akong naghahanap... ganun. So, parang ang pangit lang... nakakapagod.”


Nakausap ng PEP.ph Philippine Entertainment Portal) si Ervic Vijandre sa opisina ng Mercator Artist & Management sa Makati City noong Biyernes, October 12.

May bagong talents ang Mercator, tulad nina Benjamin Alves at Brent Javier, hindi ba nai-insecure o nagseselos si Ervic sa kanila?

Ang Mercator ay pinamamahalaan ni Jonas Gaffud.

Sabi ni Ervic, “Hindi! Tiwala naman ako sa manager ko, na kahit papaano hindi naman niya ako kakalimutan.

“So ako, naghihintay lang ako kung ano ang ibigay niya.

“Thankful na ako na kahit papano kung anuman yung meron ako, sobra-sobra na yun para sa akin.

“Feeling ko kasi, may sari-sarili kaming suwerte at sari-sarili kaming ano talaga, e.

“So kung iyon ang destinasyon niya, di ba?

"Ako, okay na naman ako kung ano man na meron ako—happy ako.

“May kanya-kanya naman kaming suwerte. Siguro, hindi ako para mainggit sa kanila.

“Pero siyempre, hindi naman porke sinabi kong kuntento na ako sa meron ako, e, hindi na ako mag-e-aim na mag-improve yung status ko.

“Siyempre nandoon yung dream ko, nangangarap din ako na sana maging ganoon din ako.”

Tuwing nadadagdagan ang talents ng Mercator, hindi ba siya nate-threaten?

“Hindi naman. Masaya nga kapag ganun, e... dumadami ang mga kaibigan.”

Walang insecurities?

“Wala, wala. Okay lang yun, hindi naman sila threat o ano.

“The more na dumadami kami, happy ako kasi Mercator sila... kasi family kami.”



DREAM ROLE. Ano ba ang pinapangarap niya?

“Mabigyan lang ako ng isang role na kung saan tatatak ako sa mga tao.”

Tulad ng?

“Siyempre bida or isang lead na kontrabida. Basta maging lead lang ako—lead na bida or lead na kontrabida.”

Alin ang mas gusto niya?

“Siguro sa ngayon, yung kontrabida, since iyon ang madalas ibigay sa akin ng GMA.

“Gusto ko munang ma-master ang isang bagay.”

Gusto rin daw ni Ervic na maging leading man balang-araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ALA-ZANJOE MARUDO. Sino naman ang peg ni Ervic bilang leading man?

Tugon niya, “Parang gusto kong maging Zanjoe Marudo ng GMA.

“Kasi parang parehas kami ng pinanggagalingan...

“Dati siyang basketball player na naging ramp model, tapos sumali sa reality show, tapos naging artista.

“Sa career, kung gusto ko nang maging lead actor, parang Zanjoe.

“Kasi aminado naman ako na parang hindi naman ako parang Richard Gutierrez or Dingdong Dantes...

“Hindi naman ako ganoong type ng artista, e.”

Nagkasama na sila ni Zanjo sa Shake Rattle & Roll 13 sa episode na “Tamawo.”

Lahad ni Ervic, “Naging pinsan niya ako doon.

“Pero dati ko pa siyang kilala kasi iyon yung dati nagmo-model pa lang ako, nasa reality show siya.

“Tapos nag-artista kaya, sabi ko, gusto kong maging kagaya niya.

“Siya yung leading man na puwedeng mag-comedy kaya gusto ko maging katulad niya.”

Nakasama si Zanjoe sa unang season ng reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother Celebrity Edition.



SEXY ROLES? Kung super-sexy na role sa isang indie film, papayag ba siya at hanggang saan ang kaya niyang pagpapa-sexy?

Sagot ni Ervic, “Actually depende sa manager ko, alam niya kung ano ang makakabuti sa akin.

“Ako kasi, ano siyempre, di ba, pinasok ko na ito? So siyempre, kung sasabihin na award-winning, mga ganyan, okay ako kahit ano.

“Basta depende sa manager ko, kasi hindi naman ako makakarating dito kung hindi dahil sa kanya.”



COSMETIC SURGERY? May mga nakapansin na tila nag-iba ang hitsura ni Ervic at mas lalong gumuwapo. May ipinaayos ba siya?

“Wala! Wala. May nabago ba?

“Takot ako sa surgery, e. At saka, e, di sana pinatangos ko na nang todo!” sabay tawa ni Ervic.

Patuloy niya, “Wala, happy na ako kung anong meron ako.

“Gusto ko kasi kapag nagkaanak ako, kamukha ko, e.

“Pag nagpaayos ako, e, di hindi ko na kamukha ang magiging anak ko!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung sakali, okay ba sa kanya na magpaayos, at aaminin ba niya ito?

“Oo, wala namang masama dun. Kumbaga, kung meron, aaminin ko.”

Totoo bang gusto na niyang magkaroon ng anak?

“Oo, may times na gusto ko na.

"Naiinggit ako sa mga kaibigan ko kasi halos lahat sila... yung mga kaibigan ko from high school, halos lahat sila may anak na—halos lahat ng ka-batch ko.”

Twenty-six years old pa lang si Ervic ngayon, bakit siya naiinggit sa mga kaibigan niya na may anak na?

“Hindi, kasi lahat ng ka-batch ko, halos may pamilya na sila ganyan,” paliwanag niya.

“Tapos ako parang, sabi nila, ‘E, kasi ikaw may career ka, e. Kami simple lang.’

“Tapos sabi ko, niloko ko, ‘Kahit ako, baby lang, kahit walang asawa.’"



NO LOVELIFE. Totoo rin bang walang siyang girlfriend ngayon?

“Wala nga. Wala talaga.”

May nililigawan ba siya?

“Wala din. Kasi ang dami kong ginagawa sa buhay, e.

“Ang dami kong ginagawa, masyado akong busy for love!” sabay tawa ni Ervic.

Kumusta naman sila ni Rich Asuncion na dati niyang girlfriend?

“We’re good friends," sagot ni Ervic.

"Kasi iyon nga, kagaya ng sinabi ko before na, siguro mas okay kami as friends na lang.

“Hindi kami magkagalit, magkasama kami sa show, sa Aso Ni San Roque.

“At lagi pa rin kaming tinutukso sa show.”

Hindi ba sila lumalabas na silang dalawa lang?

“Hindi, e. Pero may time na lumabas kami kasi birthday nung kaibigan namin... grupo kami.

“Nagkita kami doon, tapos kumain kami—grupo.”

Pagkatapos ni Rich, wala pa ba siyang nagiging girlfriend?

“Wala, wala.”

Bakit?

“Hindi ko alam, e. Wala, e. Wala talaga, e.”

Hindi siya naghahanap?

“Iyon nga, e. Kasi dati, masyado akong naghahanap.

“Ganun, so parang ang pangit lang... nakakapagod.”



NO CONTRACT. Si Daniel Matsunaga na talent din ng Mercator ay nasa TV5 na. Si Ervic, ano naman ang plano?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre kung ako yung tatanungin, gusto ko talagang mag-stay sa GMA.

“Utang ko sa kanila lahat kung bakit ako kahit papapano nakilala.

“So kung hindi man ako mabigyan ng trabaho, siguro I’ll stay pa rin.

“Actually, wala akong contract sa GMA... per show lang.”

Pero inaayos na raw ang kanyang network contract sa GMA kaya malabong lumipat siya.

Patotoo ng former Survivor Philippines castaway, “Inaayos na yung kontrata.

“Pero parang pag tinanong ako kung may magandang offer sa kabila, I’ll stay pa rin with GMA.

“Kasi nga, utang na loob.”

What if may ibang station na mag-offer ng network contract?

“Kung ako ang tatanungin, gusto kong mag-stay sa GMA.

“Pero siyempre, kung iba ang diskarte ng manager ko, wala akong magagawa.

“Kasi lahat ng kung anong meron ako, siya yung dahilan kung bakit nagkaroon ako ng career."

Pero dagdag ni Ervic, “Happy ako sa GMA, happy ako.

“Kahit papaano, hindi naman nila ako pinababayaan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN