Marian Rivera on talk that Angel Locsin will reprise Darna role: “Okay lang... ganun lang ang buhay, paulit-ulit.”

Kung mayroon man daw role na gustong gampanan muli si Marian Rivera, ito ay walang iba kundi ang Dyesebel. Paliwanag ng aktres, “Hindi, kasi sa Dyesebel, doon ko na-realize sa sarili ko na ang galing ko palang mag-dive at mag-swimming. At bakit, panoorin mo ang Dyesebel, nag-i-smile ako, nagto-talk ako dun, walang bubbles!”


Tila mas gumaganda ang katawan ngayon ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Mas lalo itong naging kapansin-pansin sa kanyang suot na body-hugging Francis Libiran gown, sa grand launch ng bagong primetime series niyang Temptation of Wife, noong October 22.

Paano niya nagagawang hindi tumaba—pagod ba o diet o exercise?

Sagot ni Marian, “Siguro, halu-halo. Pero kumakain ako sa set, ha! Malakas akong kumain sa set.

“Ikaw ba naman, araw-araw kang magtrabaho tapos ang tulog mo dalawang oras, hindi ka pumayat? Ewan ko na lang!”

Bukod sa Temptation of Wife ay abala rin si Marian sa bagong reality show niyang Extra Challenge.


NETWORK BUYOUT. Natapos na at hindi natuloy ang negosasyon sa pagitan ng GMA-7 at TV5. Bilang Primetime Queen ng Kapuso network, ano ang masasabi ni Marian tungkol dito?

“Minsan kasi ano… siguro may dahilan, may mga bagay kasi na…

“E, siyempre mahirap ding magsabi na maganda, mahirap ding magsabi na hindi.

“Pero, siyempre, mahirap pagsamahin ang dalawang networks sa iisang network lang, ang gulu-gulo naman nun.

“Pero, siyempre, sayang lang kasi sana mabigyan ako ng oportunidad na makasama si Sharon Cuneta, Nora Aunor… O, di ba? Sayang lang.”

Ang Megastar na si Sharon at Superstar na is Nora ay parehong naka-kontrata sa TV5 Kapatid network, habang si Marian ay ekslusibo naman sa GMA-7 Kapuso network.



TEMPTATION OF WIFE. Pinanood ni Marian ang original Korean version ng Temptation of Wife pero hindi raw niya ginaya ang unang gumanap ng role bilang Angeline.

“Para lang may idea ako.”

Ano ang atake na iniba niya, na iniwasan niyang gayahin?

“Hindi naman sa hindi gagayahin, kasi may version ako ng pag-iyak ko.

“Siguro ako na ang bahalang mag-buildup kung paano magiging Angeline at magiging Chantal, alam mo yung ganun?

Gaano siya ka-daring sa Temptation Of Wife?

“Hindi naman daring, kasi si Glaiza [de Castro] ang more on daring, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“More on sophisticated lang ako,” sabi ni Marian.


CHERIE GIL. Sa Temptation Of Wife, first time na nakatrabaho ni Marian ang premier kontrabida ng Pilipinas na si Cherie Gil.

Natakot o na-intimidate ba siya kay Cherie?

“Hindi, hindi,” mabilis na sagot ni Marian.

“Sabi ko nga ano, mahirap talagang mag-judge sa mga taong hindi mo pa talaga nakakatrabaho, na naririnig mo lang sa mga sabi-sabi.

“Kasi sweet siyang tao, ha. Mukha lang, ‘Yeah, yeah!’ English tapos malakas ang boses.

“Pero hindi talaga, sobrang sweet niya.

“Alam mo minsan, kakatok pa siya sa standby area, ‘Hi Yan!’ Ganun siya, tapos aayusan ka pa niya.

“Kaya sabi ko nga, ‘Ay, ang sweet nito!’

“Pag nagkikita kami, lagi kaming ‘Hi!”

Kaya hindi raw nahirapan si Marian na iarte na inaapi-api siya ni Cherie sa kanilang teleserye. Minsan pa nga raw ay totoong sampal at sabunot ang natatanggap niya mula sa batikang aktres.

“Hindi naman... ang trabaho ay trabaho naman. Kaya naman yung paghiwalayin.”



MOVIE PRODUCING. Samantala, masaya si Marian na kumita ang Tiktik: The Aswang Chronicles, na pinagbidahan at co-produced ng kasintahang si Dingdong Dantes.

Ang ilan pang prodyuser ng pelikula ay ang grupo ni Dondon Monteverde at ang GMA Films nina Atty. Annette Gozon-Abrogar.

Si Marian ba ay may balak na ring mag-produce ng pelikula?

“Baka, oo.”

Pero dati ay ayaw niya.

“Oo nga, e, naimpluwensiyahan ako.”

Meron na nga raw siyang naiisip na project, pero ayaw muna niyang i-reveal.

“Huwag muna, baka ma-preempt.”

Bakit nagbago ang isip niya?

“Ano lang, nakita ko kasi kay Dong [palayaw ni Dingdong] kung gaano kaganda at kasarap yung feeling kapag yung iprinodyus mo ay kumita at minahal ng tao.

“Although hindi yung kita, yung na-appreciate ng mga tao na ang ganda ng pelikula.

“Parang ang sarap pala nun.

“Kasi siya [Dingdong] pa lang, tinitingnan ko, ‘Tingnan mo, Baby, o, grabe, ang daming nanood!’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ganito-ganyan... yung ang saya-saya niya!

“Ako nga, hindi ako ang producer, tuwang-tuwang ako, e. Ano pa kaya siya na nag-produce ng pelikula?”


HALLOWEEN. Ano naman ang plano ni Marian sa All Saint’s Day?

“Alam mo, hindi ko alam. Alam mo, hanggang [October] 31 ang taping namin. Tapos, a-dos, may taping na kami ng Temptation Of Wife, nakakaloka!

November 1 lang ang bakanteng araw ni Marian.

“Ayaw pa nga nilang ibigay kundi pa kami umiyak na mga artista, e. Kasi nga naghahabol nga kami.”



ANGEL AS DARNA. Naitanong din kay Marian ang reaksiyon niya tungkol sa balitang gagampanang muli ni Angel Locsin ang papel ng Pinay superhero na Darna.

Matatandaang noong nasa GMA-7 pa si Angel ay gumanap siya bilang Darna sa 2005 version nito.

Noong 2009 naman ay napunta kay Marian ang papel bilang Darna.

Ngayong nasa ABS-CBN na ang rights para sa pagsasa-telebisyon muli ng Darna ay malakas ang usap-usapan na si Angel ang muling gaganap dito.

“A, talaga?” sambit ni Marian nang tanungin tungkol dito.

“Okay lang, ganun naman talaga, e.

“E, nakailang ulit na rin ang Darna, ang Dyesebel, ang Captain Barbell… so ganun talaga ang routine.

“Ito ngang Temptation of Wife, Koreanovela, nakatatlong palabas na, uulitin na naman, e.

“So ganun lang ang buhay, paulit-ulit.”

Kung may uulitin siyang karakter, ano mas gusto niya: Darna o Dyesebel?

“Dyesebel!” sagot ni Marian.

Bakit? Dahil doon nagsimula ang pag-iibigan nila ni Dingdong?

“Eeeeeeeeeee, ano ba!” tumitili at tawa nang tawang reaksiyon ni Marian.

“Hindi, kasi sa Dyesebel, doon ko na-realize sa sarili ko na ang galing ko palang mag-dive at mag-swimming.

“At bakit, panoorin mo ang Dyesebel, nag-i-smile ako, nagto-talk ako dun, walang bubbles!”

Magaling din siyang sumisid doon.

“Naman!” sakay ng aktres.

Kaya biniro ng press si Marian na ang headline ng mga write-ups sa kanya ay “Marian, magaling sumisid!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May interview kasing lumabas tungkol sa kanya sa Extra Challenge na ang titulo naman ay “Marian, lahat kinakain!”

“Ayan na naman kayo, ang isusulat ninyo, ‘Marian, magaling sumisid!’” natatawang sabi ng Kapuso actress, na sa ngayon ay sanay na sa mga paandar ng press.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN