Rachelle Ann Go excited about Miss Saigon auditions: “Try lang. Oo, tingnan natin.”

Kung bakit sa tingin ni Rachelle Ann Go ay hindi natuloy ang nabalitang pag-uugnay sa kanila ni Aljur Abrenica: “Feeling ko, hindi kasi hindi rin naman nagsimula. So, hindi ko masasabing naudlot iyon. A, hindi siguro rin tamang panahon."


Masaya si Rachelle Ann Go sa pagdiriwang ng kanyang 8th anniversary sa showbiz.

Kaugnay nito ay nagkaroon siya ng concert last October 23 sa Music Museum—ang RAG (Rise Against Gravity).

Si Rachelle Ann ang producer ng nasabing concert. Ito ang first time niyang sinubukang mag-produce.

“Medyo mahirap,” sabi niya nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa backstage ng Party Pilipinas last Sunday, October 28.

“Pero masaya naman. Enjoy. Marami akong natutunan.

“And siyempre, hindi ko rin naman iyon magagawa nang wala yung mga kaibigan ko na tumutulong sa akin.

“Yung mga friends ko nga, puro for the love of!” sabay tawa ni Rachelle Ann, na ang ibig niyang sabihin ay halos hindi naningil ng bayad ang mga kaibigan.

“Pati yung mga naging guests ko, sobrang thankful ako dahil napapayag ko sila na maging part ng gabing ‘yon.”



SARAH, CHRISTIAN, AND REGINE. Ang special guests na tinutukoy ni Rachelle sa kanyang concert ay sina Regine Velasquez, Sarah Geronimo, at ang ex-boyfriend niyang si Christian Bautista.

Saad niya, “Silang tatlong guests ko, sila yung mga taong naging part talaga ng buhay ko during my eight years of journey as an artist.

“At saka si Ms. Regine, siyempre siya yung nag-host nung singing competition na sinalihan ko before—yung Search For A Star.

“And no’ng bata pa talaga ako, sumasali ako sa mga singing contests kasi siya [Regine] ang idol ko. Siya yung dahilan.

"Yung mga kanta niya, iyon yung mga ipinanlalaban ko before sa mga amateur singing contests.”



CONCERT PRODUCER, ALL THE WAY? Tuluy-tuloy na ba ang pagiging concert producer niya?

“Bakit hindi?” nakangiting sagot kaagad ng Kapuso singer.

“Ang sarap, e. Ang sarap dahil nagagawa ko yung gusto ko—yung gusto kong music, yung production... lahat.

“So, iba rin yung feeling na ikaw yung nagli-lead... oo.

“Ano nga ito, e… kumbaga, isang malaking experiment para sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto ko rin siyempre na mag-grow as an artist. Hindi lang yung pagkanta, di ba?

"Gusto kong maraming matutunan, siyempre.”



MISS SAIGON AUDITION? Magbubukas na naman ang audition para sa pagbabalik ng musical na Miss Saigon na nagsara noong 2006.

Ang Filipino international singer na si Lea Salonga ang unang gumanap sa lead role na Kim sa original West End at Broadway productions nito.

Isa si Rachelle sa mga gustong magbakasakali na gampanan ang dating role ni Lea na nagpanalo sa kanya ng Laurence Olivier at Tony Awards.

Sabi ng singer, “Sobrang ano nga po, when I heard about it, parang na-excite ako.

"Kasi napanood ko ‘yon, once. Sabi ko,‘Gusto ko rin niyan. Gusto kong ma-feel.’

“Iyon nga, nag-Little Mermaid nga ako, e. Iyon nga yung una.

“And hopefully makapag… ewan ko. Tingnan natin. Pag-isipan ko.

“Pero siyempre, malaking bagay din ‘yon. Oo.

“Try lang. Oo, tingnan natin.”



ALJUR ABRENICA? Kumusta naman ang status ng kanyang lovelife sa ngayon?

“Waley!” natawang sagot ni Rachelle.

“Dyusko! Parang, saan ko pa po ipupuwesto ‘yan sa buhay ko ngayon?

“Parang hindi ko po siya maiisip, e, dahil ang dami ko pong inaasikaso ngayon.

“Career muna. Huwag muna ang lovelife.

"Ang sakit sa ulo!"

Kabilang sa mga naugnay kay Rachelle noon ay sina Christian Bautista, John Prats, at Gab Valenciano.

Pinakahuling na-link sa kanya ay si Aljur Abrenica, pero parang naudlot yung napabalitang pagkakamabutihan na nila.

“Udlot ba ang tawag do’n?” sabay ngiting tanong ni Rachelle.

“Feeling ko, hindi kasi hindi rin naman nagsimula. So, hindi ko masasabing naudlot iyon.

“A, hindi siguro rin tamang panahon. Oo, wala sa tamang panahon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN