Comelec: Aga Muhlach’s registration case is with the courts

Kaugnay ng kasong diskwalipikasyon na isinampa laban sa kanyang asawa na si Aga Muhlach (in photo) ay naglabas ng kanyang saloobin si Charlene Gonzalez-Muhlach. Sabi ngTV host-actress, “Alam mo, even before Aga thought about doing this, marami talagang nagsasabi na parang magulo, madumi ang politics—at hindi po talaga ako naniniwala doon. But actually going through something like this, totoo pala, ’no? Masakit talaga.”


Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na sa korte nakasalalay ang registration case na isinampa laban sa aktor na Aga Muhlach, na pumipigil sa pagtakbo nito para sa pagka-congressman sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur.

Ito ang ipinahayag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes kahapon, Nobyembre 7, sa panayam ng GMA News.

Aniya, hindi Comelec ang dapat magdesisyon sa kaso ni Aga.

“Wala kaming pakialam kay Aga.

"Ang issue kay Aga is whether he can be a registered voter…

"Comelec has nothing to do with whether you are a registered voter or not."

Dagdag pa ni Brillantes, “The right to vote is judicial kaya sa municipal court siya.”

Matatandaang natanggal sa pagka-botante sa Camarines Sur si Aga at ang kanyang asawang si Charlene Gonzalez-Muhlach.

Ito ay matapos magdesisyon ang Municipal Circuit Trial Court ng San Jose sa nasabing probinsiya, noong October 25, na hindi napatunayan ng mag-asawa na may residency sila sa lugar na iyon.

Ayon sa korte ay hindi residente ng Camarines Sur si Aga anim na buwan bago siya nagparehistro noong March 19, 2012.

Kailangang botante ang isang kandidato sa lugar na kanyang tatakbuhan, kaya naman na-disqualify din si Aga sa kanyang kandidatura.

Kung sakaling natuloy ang kandidatura ni Aga ay makakalaban nito si Wimpy Fuentebella, anak ng kasalukuyang congressman na si Rep. Arnulfo “Noli” Fuentebella.

Kilalang malakas sa pulitika ang mga Fuentebella sa Camarines Sur.



IN AGA’S DEFENSE. Nauna nang ipinahayag ng abugado ni Aga, si Atty. Romy Macalintal, na may bahay ang aktor sa Camarines Sur.

Pabalik-balik din daw ang aktor dito bilang pruweba ng kanyang residency.

Samantala, naging emosyunal naman si Charlene sa pagdedepensa sa asawa noong Linggo, Nobyembre 4, sa ABS-CBN showbiz talk show na The Buzz, kung saan isa siya sa mga host.

“Harassment” daw ang nangyayaring diskwalipikasyon sa kanilang mag-asawa bilang botante sa Camarines Sur.

“From the time na nag-register kami as voters, they’ve tried to take us out of the voting list from the very beginning.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Para sa amin po, karapatan naman namin, ng bawat Pilipino is your right to vote.

"That is one of your most precious rights that every Filipino deserves,” pahayag ni Charlene.

Pagpapatuloy ng dating beauty queen, tila naniniwala na siyang marumi ang pulitika.

“Alam mo, even before Aga thought about doing this, marami talagang nagsasabi na parang magulo, madumi ang politics—at hindi po talaga ako naniniwala doon.

"But actually going through something like this, totoo pala, ’no? Masakit talaga.”

Gayunpaman, naniniwala si Charlene na matutuloy pa rin ang kandidatura ng asawa.

“Naniniwala rin kami ni Aga sa judicial system that we have in our country and I know that the truth will set us free.

"In the end, the most important thing is that... alam n’yo po, sorry ha, pero you can never put a good man down who has good intentions and really a good heart.”



AGA’S NEXT MOVE. Sa ngayon ay may plano ang kampo ni Aga na magsampa ng apela sa Regional Trial Court ng San Jose, Camarines Sur para ibasura ang kanyang pagkaka-disqualify.

Ngunit ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ang dapat gawin ng aktor ay ang pagpa-file ng petition for inclusion sa municipal court.

Saad ni Jimenez sa GMA News, “He should file a petition for inclusion. That’s important kasi they have to determine kung dapat ba siyang andun. Magkakaroon siya ng opportunity to present evidence on why he should be included.”

Kung hindi ito magtatagumpay ay hindi na makakatakbo si Aga.



CITIZENSHIP ISSUE. Bukod sa residency ay may kumukuwestiyon din sa pagka-Filipino ni Aga.

Isang private citizen na nagngangalang Gil Pacamara ang nag-akusa kay Aga na isa raw siyang Spanish citizen.

Comelec naman ang hahawak sa kasong ito.

Sa isang panayam ng InterAksyon kay Aga noong October 29, ipinahayag nito na isa siyang Filipino dahil ang kanyang ama na si Cheng Muhlach ay galing mismo sa Camarines Sur.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Taga-doon ako at kung may tutulungan ako, dun sa pinanggalingan ng tatay ko," sabi niya.

Pahayag naman ni Atty. Macalintal, “I’m very confident because he is a natural born Filipino citizen whose parents are both Filipino. He has not acquired any foreign citizenship nor did he renounce his Filipino citizenship.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN