Vhong Navarro on non-showbiz girlfriend: “Malaya siyang nakakalabas, nakakalakad... hindi siya kinukunan ng mga litrato.”

Aminado si Vhong Navarro na mayroon siyang mga kapareha na tulad nina Anne Curtis at Angel Locsin sa dalawa niyang programa sa ABS-CBN na It’s Showtime at Toda Max. Sabi ni Vhong, “Siyempre, wala na akong hahanapin pa. Kumbaga, double A ‘yan sa battery—AA ‘yan. Sino ba naman ang ganitong hitsura, makakatagpo ka ng ‘Oh my goodness!’ sa mga dilag?"


Dalawang bagay ang ipinagpapasalamat ni Vhong Navarro mula nang mailunsad ang ABS-CBN sitcom na Toda Max noong isang taon.

Una, ang makatrabaho muli si Robin Padilla na isa sa itinuturing na idolo ni Vhong.

Pangalawa, ang maibalik sa ere ang mga sitcom.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press si Vhong sa press conference ng first anniversary ng Toda Max sa 9501 restaurant ng ABS-CBN noong Martes, November 6.

Ayon kay Vhong, “Napakabilis ng panahon, parang kailan lang… tapos ngayon, isang taon na.

“Nakakatuwa kasi hindi rin natin akalain na susuportahan ulit tayo ng mga televiewers ng sitcom.

“Kasi, alam naman natin na ‘eto lang ulit ang pagbabalik-sitcom ng ABS-CBN.

“Nakakatuwa lang at nakaka-proud na sinusuportahan tayo.”



A GAMBLE. Aminado si Vhong na nang simulan nila ni Robin ang Toda Max ay para itong isang sugal sa kanila.

Aniya, “Totoo yun, totoo yun.

“Katunayan, ang daming nangyari.

“Bukod sa napalaki natin siya, napatagal natin ng isang taon, nanalo pa kami sa CMMA [Catholic Mass Media Awards], na isang prestigious... mga pari [ang nag-award].

“At saka parang bihira yatang ma-nominate ang ABS dun, comedy, sa sitcom.”

Nasorpresa ba sila nang manalo ang Toda Max?

“Oo!” natatawang sabi ni Vhong.

“Natakot nga kami kasi nandoon kaming lahat—ako, si Angel Locsin, si Pokwang... apat kami. Tapos sila Direk [Malu Sevilla].

"Kasi, may mga iniimbitahan daw, pero hindi lahat nanalo.

“Parang, ’Nandoon ba kami para tagapalakpak kapag may ABS na nominated?’ Naglolokohan kami.

“Ang saya lang.”

Dugtong pa niya, “Tapos, alam naman natin ang nangyari kay Tito Dolphy, so kung ano lang ang nasimulan niya, gusto lang natin ituloy.

“At saka kami naman, gusto lang naming magpasaya ng manonood.”



NOTHING PERSONAL. Kung may kaibahan man daw ang Toda Max sa ibang comedy programs, ito yung hindi sila namemersonal sa pagbibitaw ng mga jokes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nauso kasi yun, e, yung lait-lait, mas personal.

“Nakakatawa yun, pero ito kasi, iniwas namin sa sitcom dati na more on personalan.

“Dito, yung character talaga namin ang panghahawakan namin, at the same time, may moral lesson.”



NON-SHOWBIZ. Sa usaping lovelife, hindi naman inililihim ni Vhong na apat na taon na siyang may karelasyon na non-showbiz.

Pagkumpirma niya, “Hindi, matagal din naman ako sa mga showbiz ano ko... ito lang talaga, hindi siya kilala ng mga tao.

“Malaya siyang nakakalabas, nakakalakad... hindi siya kinukunan ng mga litrato.”

Apat na taon na raw sila ng kanyang non-showbiz girlfriend.

Hindi selosa ang girlfriend niya?

“Hindi,” sagot niya.

“Sa Showtime na lang, grabe kami ni Anne [Curtis].

“Pero, ang suwerte ko sa non-showbiz girlfriend ko.

"Ang suwerte ko rin kay Erwan Heussaff," pagtukoy ng comedian-dancer sa boyfriend ni Anne.

“Ilang beses ko nang na-meet si Erwan, mabait na lalaki, mabait na boyfriend.

“Kumbaga, alam niya na ang ginagawa namin ni Anne, doon lang sa Showtime.”



SHOWBIZ LOVETEAM. Kahit naman sila ni Angel Locsin sa Toda Max, bilang sina Justin at Isabel, ay sweet-sweetan din.

“Oo! ‘My Loves’ na nga ang tawagan namin. Ang suwerte ko lang.

“Ang dami ngang nagsasabi sa akin na ang suwerte ko nga raw. May ka-loveteam akong Anne Curtis at may ka-loveteam akong Angel Locsin. Saan ka pa?!”

So, ano ang feeling?

“Well, masaya sila!” biro ni Vhong.

“Siyempre, wala na akong hahanapin pa.

"Kumbaga, double A ‘yan sa battery—AA ‘yan.

“Sino ba naman ang ganitong hitsura, makakatagpo ka ng ‘Oh my goodness!’ sa mga dilag?

“‘Yan ang inspirasyon pagdating sa trabaho.”



EX-WIFE. Naranasan nang magpakasal at ma-annul ni Vhong sa dating aktres na si Bianca Lapus.

Ngayon ba ay nagpaplano na sila ng kanyang non-showbiz girlfriend na magpakasal?

Sagot ni Vhong, “Inaano ko pa, kasi after ng annulment ko sa ex ko, ang tagal din ng inantay namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, heto pa lang ako, ngayon pa lang din magiging single.

“At saka, sabi sa akin ng lawyer ko, ‘O, baka pagkatapos nito, magpakasal ka agad?’

“Kumbaga, this time, gusto kong siguradong-sigurado na.”

Yung girlfriend niya, handa na bang magpakasal?

“E, ang mga babae naman siguro, naghihintay lang kung anuman ang desisyon.”

Hindi kaya ito mainip sa kanya?

“Huwag naman sana.”

REAL-LIFE STORIES. Naitanong din kay Vhong ang tungkol sa isang nangyari sa It’s Showtime.

Tila kasi naka-relate at naging emosyunal siya sa kuwento ng isang contestant na huminto sa pag-aaral dahil pinili ang pagsasayaw.

Aniya, “Kanina talaga, pinigil kong maiyak kasi parang ako yun."

Dating miyembro ng all-male dance group na Streetboys si Vhong.

Patuloy niya, “Noong time na naiyak ang nanay niya dahil nga pagdating sa pag-aaral...

“Ano ako noon, e, graduating na ng high school nang mag-start akong sumayaw sa TV.

“Pero, mahirap na ang schedule kasi natatapos ang schedule namin ng 2 a.m.

“Sa Quezon City pa ang rehearsal namin, e, nasa Pasay ako.

“Magko-commute ako pauwi tapos papasok ako ng 6 a.m., every day.

“Nakikita ng daddy ko na nagsisipag akong mag-aral, at the same time, yung pangarap ko na maging isang dancer, tinutupad ko pareho.

“Kaya lang, naaawa siya sa akin.

“Pagka-graduate ko ng high school, pinapipili na niya ako.

“Kaya laking respeto ko sa mga magulang ko, lalo na sa daddy ko, dahil nirespeto niya kung ano ang desisyon ko na magsayaw.

“At yun palang pagsasayaw na yun ang magtatawid sa amin sa kahirapan.

“Kaya kung nasaan ako ngayon, utang na loob ko pa rin sa mga magulang ko—lalo na sa daddy ko.

“Dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi ko rin mapupuntahan kung nasaan ako ngayon.”



TIMELY ADVICE. Sa mga gustong sundan ang yapak niya, ano ang puwede niyang maging mensahe sa mga ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Huwag kang titigil sa pangarap. Huwag kang magpapabaya.

“Siyempre, ang akin naman, sundin natin ang mga magulang natin dahil yun ang ambisyon nila, ang pangarap nila para sa atin.

“Pero, meron din tayong gusto na, sana, masundan din o sundin din natin.

“Parang ako, ang daddy ko, ang taas ng respeto sa akin dahil nabuhay ko sila dahil sa pangarap ko, ambisyon ko.

“Pero mataas ang respeto ko dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi ko rin makukuha yun.

“Kaya sana, huwag kayong hihinto sa pangarap dahil ang pangarap na ’yan ang mag-aahon sa atin sa kahirapan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN