Eugene Domingo on upcoming show with Jose Manalo and Wally Bayola: "Pag pinagsama-sama mo kami, parang binuhay n’yo si Pugo, si Togo, at saka si Patsy."

Tuwang-tuwa si Eugene Domino dahil balik-telebisyon itong muli. Halos isang taon matapos ng Comedy Bar, may bagong show ulit ito sa GMA-7, ang Celebrity Bluff.


Excited na naman si Eugene Domingo sa pagbabalik-telebisyon niya sa pamamagitan ng bagong game show ng GMA-7, ang Celebrity Bluff.


Ang game show ay mapapanood na sa Nobyembre 17, pagkatapos ng 24 Oras Weekend.

Makakasama rito ni Eugene ang comic tandem nina Jose Manalo at Wally Bayola bilang "GangNam."

Ang bungad ni Uge—palayaw ni Eugene—kagabi, November 9, sa press conference ng bago niyang show: "Thank you sa trabaho, thank you sa biyaya, thank you sa opportunity na makapagpaligaya na naman ng mga televiewers."

Na-miss daw niya ang telebisyon matapos ang sunud-sunod na proyektong ginawa niya sa pelikula at teatro.

“Na-miss, na-miss... lalo na yung mga katrabaho ko dito sa GMA, na-miss ko. At very special ito because ang kasama ko, yung dalawa talaga sa pinakamainit na komedyante, na sikat na sikat na sikat, si Jose at saka si Wally.”



JOSE & WALLY. Ano naman ang masasabi niya sa rapport nila sa show?

“Sa palagay ko, kahit hindi pa kami magsalita, makita lang kaming tatlo na magkakatabi, parang nakakita na sila ng mga puppet na gumagalaw, yung ganun.”

"Bluffer" raw ang trabaho ng mga kasama sa show.

Celebrity Bluff, ibig sabihin, meron tayong players na tatanungin ko ng mga questions, na ikalilito nila ang sagot dahil tutulungan sila o lilituhin sila ni Jose at saka ni Wally at saka ng aming guest every Saturday.

"So, yun ang gagawin nina Jose at Wally. It’s either maniwala ka sa sinasabi nila o ma-bluff ka.”

Bukod sa pagiging komedyante, paano pa niya ilalarawan sina Jose at Wally?

“Si Jose at saka si Wally ano… they represent every Pinoy, e, na nakikita mo sa kapitbahay niyo, nakikita mo sa pamilya mo.

"At home na at home ka sa kanila. Pag kasama mo sila, parang kasama mo ang tito mo, kuya mo, pinsan mo, kapatid mo.

"Alam mo yung, ‘Katulad ko si Jose, katulad ko si Wally, katulad ko si Uge,’ lahat kayo makaka-relate sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano naman siya napapatawa ng dalawa?

“Kasi nagtatalino-talinuhan sila. At saka nako-connect nila yung mga sinasabi nila.

"Kung minsan gusto ko na ngang, ‘Hmm, totoo ba yung mga sinasabi n’yo? Nag-iimbento na kayo!’

"Pero pinipigilan ko ang sarili ko [na matawa] kasi baka mahuli ng player, e, na alam kong bina-bluff lang sila.”

Bukod sa pagsasama nila sa show, gusto rin daw makatrabaho ni Uge sina Jose at Wally sa pelikula.

“Matagal na, two years ago pa, hinihintay kong makasama sina Jose at Wally sa pelikula. Kasi parang pag pinagsama-sama mo kami, parang binuhay n’yo si Pugo, si Togo, at saka si Patsy.”

Sina Pugo at Togo ang sikat na Pinoy comedy tandem noong dekada ’50, habang si Patsy naman ang sikat na komedyana noon.



DREAM CELEBRITY GUEST. Usually, sa first few weeks ng isang game show ay celebrities ang mga naglalaro.

Kung mabibigyan siya ng pagkakataong mamili ng celebrity guest, sino ang pangarap niyang pasalihin sa Celebrity Bluff, na sa tingin niya ay mahihirapan silang i-bluff?

“Siguro si Ms. Mel Tiangco. Sige nga, i-try n’yo ngang i-bluff,” natatawang sagot ni Uge.

“At saka siguro si Ms. Jessica Soho. Sige nga, i-bluff n’yo nga.”

Bakit ang dalawang GMA news personalities ang napili niya?

“E, maloloko mo pa ba naman sina Jessica Soho at si Mel Tiangco? Pambihira naman.

"Pero hindi lang celebrities ang maglalaro rito, lahat puwedeng maglaro, lahat pwedeng sumali.

"Yung mga taga-call center, mga teacher, nurses, ganyan, lahat kayo puwedeng sumali dito sa Celebrity Bluff. Kailangan n’yo lang mag-audition.”


GREATEST BLUFF OF HER LIFE. Kaugnay sa title, sa totoong buhay ba ay nagkaroon na siya ng karanasang ma-bluff?

“Sa email. Meron akong gustong upahan na apartment sa bakasyon ko kasi ayokong mag-hotel, gusto kong magtipid.

"Naku, diyusko, na-bluff ako! Nagsulat, nag-email, lahat. Naipadala ko na yung downpayment. Hindi ko alam kung anong lahi napadalhan ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magkano naman ang perang naipadala niya?

“Parang lumalabas na forty thousand pesos.”

Paano niya nalaman na na-bluff siya?

“Aba, sumulat ulit na kailangan pa [magpadala ulit ng pera]. Yung anak naman niya. Sabi ko, ‘Ay, hindi na totoo ito. Hindi na.’ Yun, na-bluff ako.”

Kailan naman nangyari ito?

“I think 2009.”

May kinalaman din, sa tingin niya, ang pagiging maawain niya kaya nagawa siyang i-bluff o lokohin.

“Yung masyadong maawain, sa palagay ko ganun... Maawain ako. Trusting ako. Hindi ako masyadong judgmental ba na, ‘Naku, sinungaling.’”

Bukod dito nakaranas na ba siya ng mga taong bina-bluff lang ang pakikipagkaibigan sa kanya? Iyong ginagamit lang pala siya?

“Medyo, oo. Tapos nai-stop ko kaagad kahit nagalit siya sa akin. Napipigilan ko naman.”

Ano ang ginagawa niya para matigil ito?

“Dini-delete ko sa cellphone ko at hindi na ako nagpaparamdam. Pero hindi ko sisiraan. Sa sarili ko lang.”

Paano ba siya magalit?

“Kung mahal kita, tatawagan kita. Pag hindi kita mahal, dedma.”

Ayaw na ayaw daw niya yung mga sinungaling.

“Ayoko talaga ng hindi tumutupad sa usapan e. Ayoko ng walang word of honor.

"Di ba klaro naman? Okay lang sa akin na kulitin mo ako. Pero kung ano yung napag-usapan natin, yun ang napag-usapan natin.

"Basta meron kang palabra de honor, yun ang pinakaimportante sa akin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN