Lara Quigaman and Marco Alcaraz welcome their first baby

Isinilang na ng beauty queen turned TV host at actress na si Precious Lara Quigaman ang unang baby nila ng mister niyang si Marco Alcaraz. Pinangalanan itong si Noah Lamar Alcaraz. Pagkatapos masilayan ang panganganak ng kanyang asawa ay mas tumaas daw ang respeto ni Marco sa mga nanay at sa mga babae.


Isa nang ganap na mga magulang sina Marco Alcaraz at Precious Lara Quigaman.

Nagsilang ang dating Miss International ng panganay nilang anak ni Marco kahapon, November 10, 12:52 ng madaling-araw, sa pamamagitan ng caesarean section.

Pinangalanan nila ang kanilang baby boy na Noah Lamar Alcaraz.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mag-asawang Marco at Lara sa telepono kaninang umaga, November 11.

Kasalukuyan pang naka-confine at nagpapalakas si Lara sa Asian Hospital.

Kuwento ni Marco, “Actually, CS [caesarean] si Lara, pero originally, normal sana yung planong delivery ng baby.

“Kaya lang, noong November 9, nagkaroon na siya ng ruptured bag, nauna nang nag-leak yung water niya.

“Two cm pa lang siya noong pumunta kami ng hospital, kaso na-stuck na sa 7 cm for three hours, hindi na siya tumaas pa. Hindi na umabot sa 10 cm.

“Yung doctor niya, nag-decide na i-CS na siya.”

Nagkataong nasa bahay lang daw sila noong November 9 nang maramdaman ni Lara na nagli-leak na ang water bag niya.

Sabi ni Marco, “Relaxed lang naman kami nang magpunta sa Asian.

“Hindi pa naman masyado yung contraction niya noon, marami pa lang fluid na lumalabas.

“Ten hours din siyang nag-labor bago siya na-CS.”

Nasa loob din ng delivery room si Marco kaya nasaksihan nito ang paglabas ng anak.

Si Marco rin ang nagsilbing photographer at nagdo-document ng bawat moment ng pagsilang ni Baby Noah.

NEW MOM. Pagkatapos nito ay ipinasa na ni Marco ang telepono kay Lara, na nasa tabi lang daw niya sa hospital.

Mababanaag sa tinig ni Lara ang kasiyahan habang kausap ng PEP, sa kabila ng kakaopera pa lang niya dahil sa panganganak.

Ayon kay Lara, nakakagalaw na siya dahil may pain reliever naman siyang iniinom.

Kumusta nga ba ang bagong mommy?

“Masaya!” sambit niya.

“Noong marinig ko pa lang, noong lumabas siya, narinig ko na siyang umiyak kahit hindi pa siya pinapalo. Naiyak ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gising kasi ako, ayoko talagang tulog ako. Kaya noong lumabas na siya, nakita ko at narinig.”

Napaluha rin daw si Marco sa kaligayahan nang masilayan na ang kanyang baby.

Kuwento ng aktor, “Napaiyak ako. Ang hirap i-explain ng pakiramdam. Sobrang saya na sobrang ibang-iba talaga ang feeling.

“Alam mo yung… iba talaga si Lord.

“Inisip ko nga, paano lumabas yung baby kay Lara. Ang galing lang. Ang galing ni Lord!

“Tapos doon mo rin nakita na talagang... ang hirap pala talaga ng pinagdadaanan ng mga nanay.”

Biro naman namin kay Marco, so ngayon, alam na niya?

Natatawang sabi naman niya, “Oo! Alam ko na kaya pala kapag nagiging pasaway ang mga anak, di ba... ang hirap palang maging nanay.

“Kaya mas tumaas ang respeto ko pa ngayon sa mga nanay, sa mga babae.”

HEALTHY BABY BOY. Masaya ring ibinalita ni Lara na “very healthy baby” si Noah na ang Apgar score ay 9 over 9; 52 cm ang haba nito; at 7.14 lbs naman ang timbang.

Nakikita na ba nila kung sino sa kanilang dalawa ang mas kahawig ni Baby Noah?

“Agawan ng kamukha, e!” natatawang sabi ni Lara.

“Sabi ng mga dumarating na bisita, so far, more on Quigaman side daw ang features niya.

“Pero yung red lips ni Marco, yun talaga, nakuha ni Noah.”

Nasubukan na rin daw ni Lara na i-breastfeed si Baby Noah. Yun nga lang, wala pa raw masyadong lumalabas na gatas mula sa kanya.

Kuwento ng beauty queen turned actress, “Tina-try ko na siya i-breastfeed. Pero wala pa halos milk.

“Pero sabi naman nila, may nakukuha na raw sa akin.

“Kasi, nag-iiba na rin yung poo [dumi] niya, then yung diaper niya, nababasa na rin.”

NEW DAD. Kinumusta rin namin kay Lara kung paano si Marco ngayong daddy na.

Kuwento niya, “E, sinabi kasi ng nurse… paano, umiyak lang si baby, kinakalong na agad ni Marco.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, sinabihan na huwag daw sanayin na kapag umiyak, karga agad.

“E, hindi siya makatiis. Konting iyak lang, kinakarga na.

“Kasi, nakakaawa raw!”

Mabuti at hindi takot si Marco na kumarga ng bagong silang na anak?

Sabi ng aktor, “Si Noah kasi, parang hindi na baby. Parang ang tigas na niya agad.”



BACK TO WORK. Noong hindi pa siya nanganganak, ang plano raw ni Lara ay isang buwan lang ang magiging pahinga niya at pagkatapos ay balik-trabaho na siya.

Pero sabi ni Lara ngayon, “Noong una yun, one month lang.

“Pero ngayong nandito na si baby, tingnan natin."

Si Marco naman ay tumayming daw na may oras siyang nailalaan ngayon sa kanyang mag-ina.

Kasama si Marco sa upcoming primetime series ng GMA-7 na Indio, pero hindi pa raw siya natatawagan para sa taping.

“Timing naman siya kasi hindi pa ako nagsisimula ng taping.

“Pero posibleng ngayong November, mag-start na rin ako.

“Pinapili rin kasi ako ni Direk kung ano raw ang gusto ko, yung first part na madaling mawala ang character, o sa medyo late ang pasok pero mas matagal na mawawala.

“So, yung medyo late pero matagal na ang pinili ko.”

Posibleng ngayong taon na ito idaos ang binyag ni Noah.

Ayon kay Marco, “If God-willing, baka this year, bago umalis ang mommy ni Lara.

“Kasi nakabakasyon lang din ngayon ang mommy niya. By December kasi, aalis na.

“So, tingnan natin. Wala pa actually na masyadong napag-uusapan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN