Regine Velasquez says Jaya’s absence in her concert guest list is not an issue; explains decision not to invite the media at Nate’s first birthday

Handang-handa na ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez sa kanyang silver anniversary concert na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa November 16.


Handang-handa na si Regine Velasquez para sa kanyang 25th anniversary concert, aptly titled Silver, na gaganapin sa November 16, Friday, sa SM Mall of Asia Arena.

Isa sa ginawang paghahanda ng Asia’s Songbird para rito ay ang pagpapapayat.

Isang taon pa lang kasi ang nakalilipas mula nang isilang niya ang anak nila ni Ogie Alcasid na si Nate.

Sa huling presscon ni Regine para sa Silver concert niya noong Sabado, November 10, sa Cravings restaurant, sa may Il Terrazo, Tomas Morato, nagulat ang press sa malaking ibinawas ng timbang ng singer-actress.

Aminado si Regine na minadali niya ang pagpapapayat dahil nga sa kanyang concert.

Saad niya, “Nakakatuwa naman na nakikita na yung [resulta]… kasi medyo pinaghirapan ko rin. Up to now, I’m on a diet.”

Ilang pounds pa ang target niyang mawala?

“Siguro mga another ten pounds… pero yung realistically, siguro mga another five.”

Umabot daw ng “almost 200 pounds” si Regine bago siya manganak, pero ngayon ay nasa 131 lbs na lang daw siya.

“Kasi nung nanganak ako, I lost twenty-five to thirty pounds right away.

“Kasi yung fluid, lahat ‘yon, nilalabas mo naman yun, e.

“So, for a while, I was 165.

“For six months, kasi I was breastfeeding, so hindi ako nag-diet. I just enjoyed being a mom and breastfeeding and eating…

“But after six months, I stopped breastfeeding… so yun, I started dieting.”

THE CONCERT. Apat na araw na lang at gaganapin na ang concert ni Regine, pero hindi raw siya nakakaramdam ng kaba o tensiyon.

“Surprisingly, I’m not very… parang ito lang yata yung concert na hindi ako masyadong…

“Actually, kahit yung February namin,” pagtukoy ni Regine sa Valentine concert nila ni Ogie na Mr. & Mrs. A sa Smart Araneta Coliseum.

Patuloy niya, “I think, ever since I became a mom, parang my concentration and focus and my priorities are more of for my son—parang ganun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, parang na-realize ko rin na kahit ano namang gawin ko, di ba, kung ano ang mangyari that day e di yun na ang mangyayari. Why stress out?”

Tatlo ang special guests ni Regine sa kanyang Silver concert—sina Ogie, Janno Gibbs, at Lani Misalucha.

Marami ang nagtataka kung bakit wala sa listahan ng guests ang matalik na kaibigan at co-host ni Regine sa Party Pilipinas na si Jaya.

Bagamat nagkasama rin noon sa SOP sina Regine at Lani, di hamak na mas matagal ang pinagsamahan ng Songbird at ni Jaya.

Paliwanag ni Regine, hindi siya ang nagdesisyon kung sino ang ige-guest sa kanyang concert.

Bagamat tinanong siya kung sino ang mga gusto niya, ibinigay raw niya ang desisyon sa kanyang producers.

Nag-suggest pa nga raw siya noong una na bukod kina Ogie at Janno ay kunin ding guests sina Martin Nievera at Gary Valenciano, para lalaki lahat ng mga makakasama niya.

Pero hindi pumuwede ang schedule nina Martin at Gary.

Nagkataon naman daw nasa Pilipinas si Lani kaya naisip ng mga producer na ito na lang ang kuning isa pang guest ni Regine.

Hindi raw alam ni Regine kung bakit hindi naisip ng producers na kunin si Jaya.

Pero iginiit ni Regine na hindi ito isyu sa pagitan nila ni Jaya.

Sa katunayan nga raw ay hindi nila ito napag-uusapan ng matalik na kaibigan.

BABY NATE’S BIRTHDAY. Noong November 8 ay nag-celebrate ng kanyang first birthday ang anak nina Regine at Ogie na si Nathaniel James o Baby Nate.

Ginanap ang birthday party ni Nate sa Ayala Hillside Subdivision Clubhouse sa Quezon City.

Ayon kay Regine, “blockbuster” ang party ng kanyang anak.

“Nung una, talagang medyo kinakabahan ako kasi akala ko magiging flop.

“E, kasi may pasok, Thursday, saka sobrang ang traffic, di ba? E, kasi magpa-Pasko na, ‘no?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Although alam ko namang maraming adults na pupunta, kasi yung asawa ko, madami namang kaibigan yun, e.

“Pero ang gusto ko kasing mag-attend, yung mga kids…

“Siyempre, it’s Nate’s birthday, so it’s a kiddie party and I’ve prepared a lot of gifts for the kids.

“Siyempre, gusto mo talagang marami [ang um-attend].

“Hindi ko in-expect na napakadaming bata! So, happy ako, marami talaga.”

Ipinaliwanag din ni Regine kung bakit nagdesisyon silang huwag magkaroon ng media coverage ang first birthday party ni Nate.

Aniya, “As much as I would like to invite everybody, hindi ko naman talaga makakaya bilang maliit lang naman yung lugar.

“Tapos dinecide [decided] na namin… actually tinanong ko naman yung asawa ko kung puwede wala munang media, kasi may mga bata.

“So siyempre, hindi naman lahat ng mga magulang, parang type nilang mapiktyuran yung mga anak nila.

“So, parang a little bit respect. Para din for everybody to enjoy.”

Dagdag pa ni Regine, kung gusto ng media outfits na makakuha ng pictures ay maaari naman daw mag-request sa kanila.

“Yun na lang ang solusyon para hindi na lang magulo,” sabi niya.


BOY PICK-UP THEME. Natuloy rin ang “Boy Pick-up” theme ng birthday party ni Nate.

Si Boy Pick-up ang karakter na pinasikat ni Ogie sa gag show ng GMA-7 na Bubble Gang.

At dahil siya si Boy Pick-up, si Ogie raw ang nagsilbing mascot sa party.

Maging si Baby Nate daw ay naka-Boy Pick-up costume din.

Siyempre pa, nagkaroon din daw ng pick-up-an ng mga bata sa party.

Kuwento ni Regine, “May pick-up-an, oo… towards the end. May mga bata, prepared talaga sila, a! Ang cute.

“Tapos, in-invite talaga namin si Sam [Pinto] para may taga-‘Bakit?’

“So, si Sam nandun din, tiga-Bakit?’ at nagbigay siya ng loot bag…pati si Boy Back-up [Eri Neeman] nandun.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil nasa Australia ang mga kapatid ni Nate kay Ogie na sina Leila at Sarah ay nag-text na lang daw ang dalawa.



THE CAR. Sa imbitasyon nina Regine at Ogie para sa birthday party ni Nate ay hiniling nila sa mga pupunta na sa halip na mga laruan o gamit ay cash na lang ang ibigay ng mga ito.

Ito ay para mai-donate nila ang perang malilikom sa mga charitable institutions na tinutulungan nila.

Sabi ni Regine, "Kasi yung bilin ko nga, huwag nang mag-gift ng toys. Kung puwede magdala na lang sila ng kahit five hundred, 1,500… kahit maliit lang."

Ayon kay Regine, nasa fifty thousand pesos din ang nalikom nilang pera noong birthday ni Nate.

Hindi pa raw nila napagdedesisyunan sa ngayon kung aling charitable institution ang pagkakalooban nila ng donasyon.

"Siguro we will able to donate this mga December na," sabi pa ng singer-actress.

Pero siyempre, maliban sa pera, ay may mga nagregalo pa rin daw ng mga laruan kay Nate.

Isa na rito ang remote-control car na bigay raw ng may-ari ng Pacific Blue Shades.

Pero mas excited pa raw ang asawa ni Regine na si Ogie sa natanggap na regalo ng anak.

Kuwento ni Regine, "We got it a day before Nate’s birthday.

"So, ang laki ng box, sabi niya [Ogie], ‘Hon, buksan na natin ‘to.’ Tapos excited siya.

"Tapos nung binuksan,’My God, it’s a car!’

"Tapos nakita niya yung remote... kasi mahilig yun sa remote control na car.

"Tapos sabi niya, ‘Honey, may remote!’ Sabi niya, ‘Ilagay mo diyan si Nate.’

"Ire-remote niya, siya yung magko-control, papaandarin niya. Tuwang-tuwa siya.

"E, natatakot si Nate, kasi biglang gumaganun [umaabante], e. So siyempre natatakot yung baby. So, ayaw sumakay ni Nate.

"Pero siya [Ogie], excited na excited siya.

"Hanggang sa following day, which is the birthday of Nate, nung gabi nagbukas ng mga ano [regalo], yun pa rin ang pinag-iinitan niya—yung car."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa sobrang katuwaan nga ni Regine kay Ogie ay kinunan niya ang asawa habang pilit na pinagkakasya ang sarili sa laruang sasakyan, at nilagay niya ito sa Instagram.

"Piniktyuran ko, ang cute, e!" natatawang sabi ni Regine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN