Vice Ganda on joining forces with Kris Aquino and Ai-Ai delas Alas in Sisterakas: "Wow, sana kapag nagsanib ang puwersa namin, lalong kumabog!"

Sa unang pagkakataon ay magsasanib-puwersa ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda sa Box-Office Queens na sina Ai-Ai delas Alas at Kris Aquino: "Kung maganda o magba-box-office, parang ano, e… parang kampante na ako. Yung thought pa lang na Kris Aquino tapos Ai-Ai delas Alas ang kasama mo, nalalakihan na ako agad sa pelikula. Sabi nga ni Direk [Wenn Deramas], box-office na agad.”


“Sana magdilang-anghel ka!” ang nakangiting sabi ni Vice Ganda nang sabihan siyang mukhang ang Sisterakas ang posibleng mag-top sa box-office sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Ang Sisterakas ng Star Cinema at Viva Films daw ang kakabog sa Si Agimat, Si Enteng At Si Ako, na entry naman ng OctoArts Films, M-Zet Productions, Imus Production, APT Entertainment, at GMA Films.

Bukod kay Vice, bida rin sa Sisterakas sina Ai-Ai delas Alas at Kris Aquino.

Tampok naman sa Si Agimat, Si Enteng At Si Ako sina Senator Bong Revilla, Judy Ann Santos, at Vic Sotto.

Sabi pa ni Vice, “Sana nga talaga mag-number one. Lahat naman yun ang gusto. Lahat ng magpasok ng entry, wish na mag-number one.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Vice sa press launch ng 2012 MMFF sa Annabel’s restaurant noong Lunes, November 12.

Pero ano ang pakiramdam na ngayon pa lang ay hinuhulaan nang ang pelikula nila ang mangunguna sa takilya?

“E, kasi, may Kris Aquino, may Ai-Ai delas Alas.

“Tapos, si Ms. Ai-Ai, parang kakambal na ng birth certificate niya ang box-office record ng filmfest palagi.”

SANIB-PUWERSA. Dito sa Sisterakas ay nagsanib-puwersa ang tatlo sa pinakamalalaking puwersa sa takilya—bilang si Vice ang may hawak ng titulo bilang Phenomenal Box-Office Star, samantalang sina Ai-Ai at Kris ay itinanghal na rin noon bilang Box-Office Queens.

Kaya marami ang humuhula na siguradong kakabugin ng pelikula nila ang ibang mga kalahok na pelikula sa box-office.

Ano ang reaksiyon dito ni Vice?

Sagot niya, “Wow, sana kapag nagsanib ang puwersa namin, lalong kumabog!

“Posible naman talaga lalo na kung papanoorin ng mga tao, posible naman.

“I-claim na, palagi ko namang kini-claim, i-claim na number one.”

Wala na yung kaba sa kanila pagdating sa box-office?

“Ang kaba namin e yung makaabot kami sa deadline. Yun lang.

“Pero kung maganda o magba-box-office, parang ano, e… parang kampante na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung thought pa lang na Kris Aquino tapos Ai-Ai delas Alas ang kasama mo, nalalakihan na ako agad sa pelikula.

“Sabi nga ni Direk [Wenn Deramas], box-office na agad.”

WHAT’S NEW? Naka-ilang shooting days na sila sa Sisterakas?

“Nakaka-lima pa lang yata, pero kasi, magiging every day na ang shooting namin kaya mahahabol naman.”

Ano nga ba ang kuwento ng Sisterakas?

Sisterakas na siya ngayon. May s na ngayon dahil tatlo na kami.

“Magkapatid kami ni Ai-Ai at kalaban ko sa kumpanya si Kris.

“Kaming tatlo, bida-kontrabida. Kontrabida kami sa bawat isa.”

Anong bago ang ipapakita niya rito?

“Ano pa ba ang hindi ko nagagawa? E, lahat naman yata nagawa ko na.

“Pero siyempre, may mga bago naman kaming ihahain,” saad ni Vice.

Sa isang TV interview, nasabi ni Vice na may “Kris Aquino factor” kasi sa pelikula nila kaya kahit paano ay may relevance ang kuwento nito.

Nang matanong muli tungkol dito, natatawang sabi ni Vice: “Oo, e, kasi kung ako lang, e, di puro kabalbalan lang!

“E, dahil may Kris Aquino, may malaking eksena sa pamilya, yung ganun.

“Palaging may relevance nga, may magandang istorya, yung ganun.

“Tapos, isang malaking fashion show ang pelikulang ‘to.

“Tapos si Kris, nakakatuwa kasi in-allow na niya ang sarili niyang gumawa ng mga ganoong bagay na hindi mo mai-imagine na si Kris Aquino, ginagawa yun.

“Baklang-bakla si Kris dito—outfit, costume, pilik-mata, headdress, lahat!”

Sa ngayon, hindi pa raw alam ni Vice kung sino ang magiging leading men nila.

ISSUE WITH AI-AI. Hindi naman lingid sa karamihan na nagkaroon ng isyu sa pagitan nina Vice at Ai-Ai noon. At kailan lang sila nagkaayos.

So, kumusta sila ni Ai-Ai sa pagsasama nila sa isang pelikula ngayon?

Sagot ni Vice, “Sobra akong na-surprise at sobra akong masaya.

“Ganoon lang kabilis at kadali na na-break kaming dalawa ni Ms. Ai-Ai na parang ang saya namin agad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong una kasi, nahihiya ako, natatakot ako sa kanya kasi nagkaroon ng something in the past.

“Pero, parang walang nangyari. Okay kami bigla.

“So, masaya.”

May sitwasyon ba na naging dahilan para matibag agad ang wall o discomfort, kung meron man, sa pagitan pa nila ni Ai-Ai?

“Actually, ang masaya do’n, parang walang wall na brineyk.

“Nag-usap kami agad, harutan kami agad. ‘Bakla!’ ganun kami agad.

“Inakala ko lang na magkakaroon ng hiyaan, pero hindi naman pala. Ganoon kadaling nangyari yun.

“Ang generous din naman kasi ni Ms. Ai-Ai. Wala rin siyang binuild [built] na wall, wala rin siyang binurn [burn] na bridge.

“Bongga, ang saya namin!”

Malaking bagay rin daw na common friend nila ni Ai-Ai si Kris.

Sabi ni Vice, “Si Kris din naman kasi ang nag-convince kay Ai-Ai na sumama sa pelikula.

“Di ba, noong nagkaroon ng problema, nag-back out si Kris?”

Hindi kaya maging talbugan nilang tatlo ang lumabas sa pelikula?

“Well, dahil nga sa magkakaibigan kami, hindi na magiging isyu sa amin yun.

“Kasi, di ba, kung kaibigan mo, kung totoong kaibigan ang turing mo, dedma ka na kahit maungusan ka na?

"Kaibigan ko naman yun.

“Parang papayag ka naman na maungusan ng kaibigan kesa dun sa hindi natin kaibigan.”

FIRST TIME. Unang beses pa lang daw ni Vice na magkaroon ng filmfest entry kung kaya’t ito ang isa sa inaabangan niya ngayong Kapaskuhan.

“First, kaya excited nga ako. Pinilit ko talagang matuloy kasi, akala ko nga, hindi na matutuloy—kasi first ko talaga.”

First time din daw niyang sasakay sa float.

“Yes! Pero sabi nila, ‘Sige, tingnan ko lang kung mag-e-enjoy ka diyan. Ang init-init niyan, ang haba-haba.’

“Kasi, tinanong nila ako kung ano ang pinakagusto ko sa filmfest.

“Sabi ko, yung parada, yung sasakay sa float, kakaway-kaway.

“Tapos sabi nila, ‘Day, tingnan ko lang kung mag-e-enjoy ka riyan, ang haba, ang init.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DEADMA SA LOVELIFE. Kinumusta rin ng PEP kay Vice ang “bonggang” lovelife niya.

Pero mabilis itong sumagot ng: “Naku, dedma muna ako sa lovelife.

“Pero okay naman. Ayoko lang karerin.

“Kasi, busy, e. Sobrang busy.”

Kampante naman siya kahit sinasabi niyang dedma siya?

“Kampante ako sa lovelife!” natatawang sabi ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN