Newlyweds Carmina Villarroel and Zoren Legaspi relate how and why their flash-mob wedding worked

Ito ang kung paano itinago ni Zoren Legaspi ang mga detalye sa secret proposal at wedding kay Carmina Villarroel: “Dahil ang grupo ng Pinoy Big Brother ang gumawa nito, kaya makikita ninyo yung mga hidden camera, hindi talaga obvious. Tapos kinakabahan lahat dahil habang mine-makeup-an siya, may mic siya kaagad. At mero’n siyang lapel. Kinakabahan kami baka kung anong tsismis ang pag-usapan nila do’n."


Lumulutang pa rin daw si Carmina Villarroel sa kasiyahan matapos siyang sorpresahin ni Zoren Legaspi, ang kanyang live-in partner for 12 years at ama ng kanyang dalawang anak, ng isang flash-mob proposal at wedding five days ago.

(CLICK HERE to read related story.)

Ilang beses na nga raw napanood ni Carmina ang video ng kanilang civil wedding na ginanap noong November 15 sa Fernbrook Gardens, Portofino, sa New Alabang, Muntinlupa, pero naluluha pa rin daw ang TV host-actress sa saya.

“Overwhelmed pa ako,” pahayag ni Carmina sa media kaninang tanghali, November 20, sa Patio Carlito restaurant sa Quezon City.

Nagpatawag ng press conference ang mag-asawa para ipaliwanag, lalo na ni Zoren, na kinailangan niyang isikreto ang surprise wedding plan kay Carmina kaya naging limitado ang mga naimbitahang bisita sa kasal.

Pahayag ni Carmina, “Parang napapanood lang natin sa pelikula, di ba? Nababasa lang natin sa mga… sa mga, huwag naman komiks!" natawa niyang dugtong patungkol sa nangyaring sorpresang kasalan nila.

“Oo naman. Pang-fairy tale. So, thank you, Tatay. Thank you, thank you talaga,” pasalamat niya kay Zoren, gamit ang kanyang term of endearment sa asawa.

Dagdag pa ni Carmina, “I love you from the bottom of my heart.”



HOW ZOREN KEPT IT A SECRET. May mga gusto ring ipaliwanag si Zoren para sa ilang hindi naniniwalang walang kaalam-alam si Carmina sa mga nangyari.

“Imposible raw na di ma-surprise si Carmina kasi yung wedding gown, ba’t daw nag-fit sa kanya?” umpisa ng actor-director.

“Well, mero’n kaming designer na talagang…" pang-una niya, na ang tinutukoy ay ang pamosong designer na si Paul Cabral.

"Mero’n kaming gown na pinattern [patterned] doon na nag-fit na sa kanya yun," pagpapatuloy ni Zoren.

“May base [lining] kasi ‘yan, hindi naman kaagad naging wedding gown siya.”

Ang tinutukoy ni Zoren ay ang lining ng wedding gown na siyang unang sinusukat sa bride bago ito buuin at tapusin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag ni Carmina, “Kung mapapanood ninyo, parang di naman ako nabibigla.

"Bakit maraming camera? May generator, bakit naka-set-up...

"Okay yung kung saan naka-set-up, kung saan naganap yung parang vow, nakatakip kasi yun ng curtain, e.

“So, ang sabi talaga sa akin, mero’n kaming shooting ng commercial ng Selecta. Pinakitaan ako ng story board na kunya-kunyarian lang pala.

“Yung storyboard kasi, kailangang mag-attend ng isang formal gathering, so I had to wear a gown. Sila naka-suit.

"So, ako naman, ‘A, okay.’

“So, okay lang ako nang okay, hanggang sa…

"May measurement na kasi ako kay Paul Cabral, so natahi na yung lining [ng gown].

“Nung natahi na yung lining, hindi ko pa alam kung ano yung kabuuan niya.

"Kaya nung pumunta ako sa venue, bandang 2:30 p.m... So nung bumaba ako, ang dami nang mga cameras.

"Ang sabi sa kin ni Tita SK [Shirley Kuan] and Tita Dolor [Guevarra], may behind the scenes [shoot] ng ABS-CBN.

"Kasi parang nag-merge ang Selecta at ang ABS-CBN—and etchos lang pala!” natatawa niyang pahayag.

Patuloy ni Carmina, “Kaya malaking part din talaga ang Selecta dito kasi nung sinabi nina Zoren at Tita SK sa aming ninong… Si ninong John Concepcion, they said yes right away."

Si John Concepcion ang managing director and chief executive officer ng Unilever RFM Ice Cream Inc., ang nagmamay-ari ng Selecta.

Kuwento pa ni Carmina, "Kumbaga, naging part na sila ng plan. Naging kakuntsaba na nga nila."

“So, pagdating namin sa venue, ang daming camera, ang sabi, ‘Pang-behind-the-scenes lang pala.’ Behind-the-scenes ng commercial.

“So yung mga… parang nagtatanong, ’Bakit ang daming camera? Bakit ganito?’ It’s just normal.

"At dito naman na ’ko lumaki [sa showbiz] kaya hindi na ako nagtaka.”



HOW ZOREN DID IT. Paano binuo ni Zoren ang kanyang secret plan sa asawa?

Ani Zoren, “Nag-rehearse kami do’n. Sinara ko talaga yung Fernbrook Gardens for three days.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi nga ng Fernbrook, parang first time in their history na isarado yung place ng tatlong araw.

“Kasi kailangan naming magkaroon ng technical rehearsal do’n.

"At saka yung kambal, kailangan kong ma-rehearse yung mga sayaw nila at paano ima-mount yung hidden camera.

“Dahil ang grupo ng Pinoy Big Brother ang gumawa nito, kaya makikita ninyo yung mga hidden camera, hindi talaga obvious.

“Tapos kinakabahan lahat dahil habang mine-makeup-an siya [Carmina], may mic siya kaagad.

“At mero’n siyang lapel. Kinakabahan kami baka kung anong tsismis ang pag-usapan nila do’n!

“Dahil habang mine-makeup-an siya doon, doon sa reception area na naka-hold lahat ng visitors, naririnig siya.

"At napapanood kung ano’ng nangyayari sa baba.”

Dagdag-kuwento naman ni Carmina, “Tapos do’n sa kung saan ako nagme-make-up… di ba, mine-makeup-an ako ni Robbie [Piñera] at may salamin? Camera pala yun.

“So kung gumanun-gano’n ako at nagmuta ako at kung nagtanggal-tanggal ako ng tinga, e, kitang-kita nilang lahat!

"Mero’n palang mga gano’n. My gosh!

“Hindi ko alam na may hidden camera, e.

"Like Zoren said, pinapanood na ako ng mga tao do’n, ng mga bisita ko.

"Mixed emotions sila—tumatawa, umiiyak, gano’n.”



THE MARRIAGE LICENSE? Sa mga nagtataka naman kung paano napirmahan ni Carmina ang marriage license, na kailangan i-secure para mapayagang ikasal...

Ayon kay Zoren, "Yun ang inayos namin earlier...

"Alam mo naman si ano [Carmina], papirma-pirma lang ’yan. ’For BIR purposes,’ sabi ko."

Sabat naman ni Carmina, "Alam ko namang marriage license yung pinipirmahan ko.

"Ang sabi nila, sabi ng sister-in-law ko, asawa ni Kuya Brando [Legaspi], ’Para sa tax ’yan. Para sa BIR. Kasi pag joint together kayo, mas mababa.’

"Di ba, kulang na lang kasi pag nagtatrabaho kami, para sa BIR?

"So, ako naman, ’Ha, bababa ba kapag as one? Ay, pipirmahan ko na siyaaa!’" pabakla niyang saad na natatawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahabol pa ng bagong Mrs. Legaspi, "Sa ngalan ng tax, di ba? Kasi parang nagtatrabaho tayong lahat para sa tax."

Patikim pa lang ang ipinakita ng mag-asawa sa media.

Ang kabuuan ng coverage ng kanilang kasal ay mapapanood ngayong Sabado, November 24, pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya, sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN