Frencheska Farr on making it to final round of Miss Saigon auditions: “Kahit hindi ako mag-land as Kim or Gigi, kahit na… basta makapasok ako doon."

Matagumpay na naipasa ni Frencheska Farr (main photo) ang auditions para sa revival ng Miss Saigon noong nakaraang linggo. Nakasama ni Frencheska hanggang final round ang mga kasamahan niya sa Party Pilipinas na sina Rachelle Ann Go at Aicelle Santos (insets).


Matagumpay na naipasa ng Party Pilipinas mainstays na sina Frencheska Farr, Aicelle Santos, at Rachelle Ann Go ang katatapos lang na auditions para sa revival ng award-winning musical na Miss Saigon sa West End sa London.

Ang nasabing West End at Broadway hit ang nagbukas ng pintuan kay Lea Salonga para magkaroon ng international career sa theater, film, and television.

Dahil din sa Miss Saigon kaya si Lea ang naging kauna-unahan at nag-iisang Pinay na nagwagi ng prestihiyosong Lawrence Olivier at Tony awards bilang Best Actress noong 1990.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Frencheska matapos ang Miss Saigon‑inspired production number nila sa Party Pilipinas kahapon, November 25.

Sinabi ng young singer-actress na natapos na ang final audition nila nina Rachelle at Aicelle noong Huwebes, November 22.

Ayon sa Emir star, “Okey naman, wala pang resulta.

“Pero umabot kami sa final callback—kami nina Aicelle Santos at Rachelle Ann Go.

“So, ngayon, hinihintay na lang namin yung final casting,”



TRES MARIAS. May ngiti sa mukha ni Frencheska habang inaalala ang naging karanasan niya sa pag-o-audition para sa Miss Saigon.

“Alam mo, masaya siya.

“Sa totoo lang, na-enjoy ko yung experience, kasi siguro dahil kasama ko all throughout si Aicelle at si Rachelle Ann.

“So, nakakabawas ng kaba kahit paano, kasi may kakilala kayo doon at sama-sama kayo.

“Saka masaya, kasi kapag natatawag yung pangalan namin… every time na tatawagin kami, magkakasama kaming tatlo. Nakakatuwa talaga!

“Parang hindi ka malulungkot na walang nali-left behind.

“Saka, okey din yung experience dahil ang dami ring magagaling.

“At doon makikita mo na hindi sila kilala sa TV, pero talagang sobrang talented na mga tao.”

Wala ba talagang kumpetisyon sa kanilang tatlo nina Rachelle at Aicelle sa audition, lalo na’t lahat sila ay nangangarap gampanan ang lead character na Kim?

Sagot ni Frencheska, “Wala. Pinagpi-pray nga namin na makapasok kaming tatlo, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana hindi lang isa sa amin, sana tatlo kami.”



AUDITION FEVER. Hanggang ngayon ay may audition fever pa si Frencheska. Detalyado niyang ikinuwento ang kanyang mga pinagdaanan sa pag-o-audition para sa Miss Saigon.

“Nung first day ng audition... Wednesday [November 21] na kasi ako naka-schedule dahil… registration muna, e, nung Sunday and Saturday.

“So, sobrang dami ng nag-register. Ako, yung number ko, Wednesday na.

“So, Wednesday ako nagpunta doon, 10 a.m. yung schedule ko.

“Pagpasok ko doon, one song lang. Pili ka ng song na gusto mo from Miss Saigon.

“Ang kinakanta ko, yung ‘Movie In My Mind.’ Kinanta ko yung part ni Kim, yung kay Lea.

“After kong kantahin yun, kantahin ko naman daw yung part ni Gigi.

“So, yun ang unang part. So, kinanta ko.

“After nun, sinabi sa akin na… hindi ko na maalala yung exact words, pero sabi sa akin na parang mag-focus daw ako on Gigi.”

Ang role na Gigi ay isa sa bar girls sa Miss Saigon na ginampanan noon ni Isay Alvarez. At ito lang ang merong duet song with Kim.

Pagpapatuloy ni Frencheska, “Tapos pinabalik na ako for dance kinabukasan [November 22].

“So, yun na. Sa dance callback, tatlo kami [her, Rachelle, and Aicelle].

“Tapos, tuluy-tuloy na yun sa gabi.

“Then, shred na lang nang shred down to lower numbers na.

“So, pinalad naman kami at nag-stay kami hanggang dulo.

"Almost half day rin yung dance. Tapos pinakanta uli sa akin yung ‘Movie In My Mind.’ Pagkatapos na yun ng lahat ng dance.

“Ang dami-dami kasing dance, pag-aaralan n’yo yung routines, tapos sasayaw kayo.

“Tapos pababalikin uli kayo, palalabasin kayo uli. Then, may papasuking iba.”

Ano naman ang pinakanta kay Rachelle Ann?

“Kay Rachelle, iba ang sa kanya, e. I think for Kim yung sa kanya.

“Ang pinakanta sa kanya, ‘I Give My Life For You’—which is yun ang main song ni Kim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kami ni Aicelle, for Gigi, yun nga yung ‘Movie In My Mind.’”

Sa dami ng mga nag-audition, wala pa raw sa kinse silang natira sa final round.

“Tatlo kaming tiga-TV and puro GMA. Wala nang iba pang tiga-ibang network na nakasama sa last callback. Puro tiga-teatro na lahat,” banggit pa ni Frencheska.



PRAYING FOR THIS. Kung saka-sakali ba ay handa na si Frencheska sa papasukin niyang bagong mundo at pakikipagsapalaran sa theater—sa London pa?

Napangiti muna si Frencheska at saka sinabing, “Ipinagdadasal ko talaga siya.

“Kasi sobrang gusto kong makapasok sa Miss Saigon, hindi lang dahil gusto kong wala lang—dahil gusto ko talaga.

“Talagang pinagpi-pray ko na makapasok ako, kahit anong role doon.

“Napaka-prestigious na production nun.

“Kahit hindi ako mag-land as Kim or Gigi, kahit na… basta makapasok ako doon.

“Malaking-malaking karangalan sa akin yun.”

Ayon kay Monique Wilson, na understudy ni Lea noon bilang Kim, hindi madali ang mapabilang sa isang malaking production gaya ng Miss Saigon. Kailangan daw talaga rito ang “dedication, stamina, at lakas ng loob.”

Kung ang buhay-showbiz ni Frencheska dito sa Pilipinas ay hindi ganung ka-stressful at routinary, siguradong mababaligtad ito kapag nakuha siya sa Miss Saigon.

Sa loob kasi ng ilang taon ay ang umarte sa entablado ang halos araw-araw nilang gagawin.

Handa na ba siya rito?

Sabi ng Kapuso talent, “Kung makukuha ako, if ever, mai-embrace ko na siguro yun. Kasi, sa sobrang gusto ko talagang makapasok.

“Parang lahat ng yun, part na yun, kung nakakapagod man yung show, minsan eight times a week sila nagsu-show…

“Part na yun, given na mapapagod ka—may dancing, may singing, live pa kailangan at kundisyon pa palagi yung boses mo.

“So, kumbaga, nung malaman kong may audition ng Miss Saigon, bago pa ako nag-audition, naisip ko na rin yun na nakakapagod ito, ha!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero go pa rin.

“Kasi as an artist, achievement yun kung magagawa mo yung ganung trabaho.

“Kung matatapos mo yung play na yun sa isang araw, na nakakapagod na sayawan at kantahan, achievement na yun.

“At kung nagagawa naman ng mga original cast? Why not sa amin, di ba?”



KAPUSO CONTRACT. Paano ang kontrata niya sa GMA-7 kung sakaling makasama siya sa final casting?

“Hindi ko pa alam!” tumitili niyang reaksiyon.

Napag-usapan na ba nila ng GMA Artist Center ang pagsali at posibleng pagkuha sa kanya sa Miss Saigon? Ano ang gagawin niya kung hindi siya payagan?

“Tungkol doon sa contract, wala namang na-discuss.

“Pero bago yung audition, very supportive ang GMA Artist.

“Actually, tinulungan nila akong kumuha ng headshots ko. Kumuha ng registration form. Tinulungan talaga kami.

“So, I think, if ever man makuha kami, siguro ang GMA, sobrang magiging masaya para sa amin.

“Kumbaga, hindi naman nila kami papipiliin between Miss Saigon or GMA?

“I think, maggi-give way sila, if ever. Kasi mahal naman nila kami.

“Kung anuman yung opportunity na maibibigay sa amin, papayagan naman nila kami.”

Matagal-tagal na rin sa GMA-7 si Frencheska matapos siyang manalo sa singing-talent search na Are You The Next Big Star? noong 2009. Pero hindi nangyari ang inaasahang pagsikat ni Frencheska at ang pagkakaroon niya ng isang matagumpay na singing career.

Bagamat hindi naman siya nabakante nang matagal sa mga teleserye sa Kapuso network, supporting roles lang ang naibibigay sa kanya. Ang pinakahuli nga ay ang One True Love.

Ang tanong tuloy namin kay Frencheska: Disappointed ba siya sa kanyang career kaya gusto niyang mapabilang sa Miss Saigon?

Saad niya, “Hindi naman dahil na-disappoint ako sa career ko dito kaya gusto ko mag-Miss Saigon.

“Actually, nae-enjoy ko rin naman yung mga ginagawa ko dito.

“Pero iba yung teatro sa TV. And I think, mas mahahasa yung talent… or yung sinasabi ngang espada na meron ako kapag natuloy ako sa Miss Saigon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, di pagbalik dito, mas okey na ako.”

Ilang taon daw ba ang kontrata ng mga mapapasama sa Miss Saigon?

“Wala akong details na alam. Hindi rin nila sinabi kung kailan ang exact date na ipalalabas yung Miss Saigon.

“Pero sinabi nila na hindi raw ito for 2013 playdate. Mukhang 2014 pa.”

Kailan sila makakatanggap ng e-mail mula sa production para kumpirmahin ang pagsama nila sa casting?

“Yun ang hindi pa nila sinasabi. Ang sinabi lang nila sa amin after naming kumanta nung last round, ‘Thank you, we’ll just e-mail you.’ Yun lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN