Ate Gay follows Regine Velasquez and Jennifer Lopez in staging major concert at Arena: "Biruin mo, Regine, tapos JLo, ako naman, di ba?"

“Itong concert ko, pinagsamang Regine at JLo! Actually, yung Regine at JLo, wala namang comedy, e. So, may Regine na, may JLo pa, may comedy pa, may Ate Gay pa, parang ganun," pag-anunsiyo ni Ate Gay sa kanyang concert sa Mall of Asia Arena, na gaganapin ilang araw matapos ng concerts nina Regine Velasquez at Jennifer Lopez.


Handang-handa na ang komedyante at impersonator na si Ate Gay sa kanyang major concert—ang Ako Naman… Ate Gay Sa Arena—na magaganap sa Biyernes, Nobyembre 30, sa Mall of Asia Arena.

Pero sa kabila nito, nakararamdam pa rin daw ng kaba si Ate Gay dahil, bago nga naman ang concert niya, nauna nang pumatok ang mga concert sa parehong venue ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez noong Nobyembre 16, at ng international singer na si Jennifer Lopez kagabi, Nobyembre 26.

“Kaba at excitement ang nararamdaman ko.

“Kanina ngang madaling-araw, matutulog ako ng two o’clock, nagulat na lang ako, hindi pa pala ako tulog—six o’clock na ako nakatulog!

“Biruin mo, from two o’clock nakahiga ka hanggang six o’clock sa kakaisip ng… Yung ini-imagine ko yung mga tao, yung gagawin.

“Tapos iniisip ko yung kay Regine, tapos yung kay JLo, di ba?

“Nakakakaba,” pag-amin ni Ate Gay—na si Gil Morales sa tunay na buhay.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ate Gay sa presscon para sa kanyang concert kaninang tanghali, Nobyembre 27, sa Sir Boy’s Food Republique sa Panay Avenue, Quezon City.

Natutuwa daw siya sa tuwing binibiro siyang ka-level na siya nina Regine at JLo.

“Oo nga, e, levelling na nga, sabi nila. Biruin mo, Regine, tapos JLo, ako naman, di ba?” natatawang sabi niya.

Ano ang gagawin niya para matalbugan sina Regine at JLo?

“Itong concert ko, pinagsamang Regine at JLo!” sabay tawa niya nang malakas.

“Actually, yung Regine at JLo, wala namang comedy, e.

“So, may Regine na, may JLo pa, may comedy pa, may Ate Gay pa, parang ganun.”

Hindi rin daw magiging problema kung sakaling mawalan siya ng boses sa mismong araw ng concert niya tulad ng nangyari kay Regine.

“Hindi magiging problema nga kahit mawalan ako ng boses, kasi ang pinunta ng tao roon ay para mag-enjoy, matawa, at manood ng napakagandang show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala naman silang pakialam sa boses ko, e,” sabi niya.

Ano naman ang gagawin ng mga tao sa tiket kung sakaling mawalan siya ng boses? Magkakaroon rin ba siya ng free repeat concert?

“Sa tiket, halimbawang pumiyok ako, hawakan n’yo lang po ang tiket. Yun po ang himala,” biro niya.

Gusto rin daw talbugan ni Ate Gay ang mga damit ni JLo.

“Kung nakita n’yo po yung damit ni JLo… basta maganda.

“Nung nakita ko yung damit niya, bakit parang mas bongga yung sa akin? Parang mas makinang, parang ganun.

“Walong palit ako ng damit dito by Bing Cristobal.”

Sulit na sulit daw sa mga manonood ang concert niya dahil sa dami ng kanyang guests na pinangungunahan ng kanyang special guest na si Superstar Nora Aunor.

Kasama rin sina Aiza Seguerra, The Company, John Lapus, Aegis, Anton Diva, Allan K, Talentadings, Kevin Balot, Michelle O’Bombshell, SexBomb, Bailes de Luces, at X Factor Philippines Top 3 na sina KZ Tandingan, Gabriel Maturan, at Daddy’s Home.

Ang concert ay mula sa direksiyon nina Andrew de Real at Philip Lazaro.



TRIBUTE TO ATE GUY. Isa sa magiging highlights ng concert ni Ate Gay ay ang pagsasama nila ng idol niya at ini-impersonate na si Nora Aunor.

Magiging tribute raw niya ito sa Superstar dahil kung hindi dahil dito ay hindi siya nakilala sa industriya at wala siyang trabaho ngayon.

“Abangan po ninyo ang gagawin namin ni Ate Guy kasi isang sorpresa po ito para sa mga Noranians. Magsasama kami sa entablado.

“Isa sa mga gagawin ko yung kakantahan ko siya. Isang touching moment yun.

“Isang nakakakilabot na parte yung pagsasama namin ni Nora Aunor sa entablado.

“Kasi alam n’yo naman si Nora Aunor, e, sabi ng mga hindi pa nakakakita sa kanya, hindi raw siya kakila-kilabot.

"Naku, nung nakita nga siya ng isang fan noong nag-taping kami, ‘Totoo nga, ‘no, para siyang santo.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Talagang kikilabutan ka, yung mga karamdaman mo, gagaling,” may halong biro na sabi ni Ate Gay.

Ang tinutukoy ni Ate Gay na taping ay ang pagsasama nila ni Nora sa show ni Sharon Cuneta sa TV5, ang Sharon: Kasama Mo, Kapatid, na mapapanood daw sa Nobyembre 29 at 30.

Ayon pa kay Ate Gay, dream come true para sa kanya na makasama sa concert ang Superstar.

“Opo, isa sa pinangarap ko iyan dahil iniidolo iyan ng lahat, pati ng nanay ko nga, di ba?

“Diyan iyan nagsimula, hanggang sa maging kaboses ko nga at na-discover ako.

“Ngayon, makakasama ko na siya.”



MASH-UP QUEEN. Si Ate Gay ngayon ang tinatawag na “Mash-up Queen” dahil sa mga patok niyang paghahalu-halo at pag-ugnay-ugnay ng mga kanta.

Kaya asahan daw ng mga tao ang mas pinabonggang mash-up songs niya sa concert.

“Yung mga mash-up na inaabangan sa akin ng mga tao, may mga bago. Siyempre yung mga luma, hindi mawawala.

“Para mas lalong maging maganda iyan, sasamahan ako diyan ni Anton Diva at ng Talentadings.”

Siyempre, nandiyan din ang pinasikat niyang declamation piece na “The Door.”

Sabi ni Ate Gay, “Pag nasa labas nga ako, ang tawag na sa akin ngayon, The Door, e.

“Kakaiba po ang gagawin namin sa ‘The Door’ dahil ginawa na namin siyang kanta ngayon.

“At for the first time, nagkaroon ako ng music video dahil sa ‘The Door.’”

Kaabang-abang din daw ang opening number niya. Kung yung ibang concert performer daw ay lumalabas sa taas, sa baba, o sa gilid ng stage, kakaiba raw ang magiging paglabas niya sa opening.

“Abangan n’yo ang opening number ko. Buwis-buhay talaga siya.

“Hindi n’yo pa nakikita kahit saan. Kaya huwag kayong male-late sa concert.

“Abangan din po n’yo ang Darna dance ko with the SexBomb dancers. Pati yung number ko kasama ang Brazilian boys,” pagmamalaki niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



GRATEFUL AND HUMBLED. Masaya namang ibinalita ni Joed Serrano ng That’s Ntertainment Productions, ang producer ng Ako Naman… Ate Gay Sa Arena, na marami na raw ang nakabili ng tickets.

“Ang nakakagulat pa, mas nauna pang nabebenta yung mga VIP tickets. So, nakakatuwa lang na marami ang gustong mapanood si Ate Gay,” sabi ni Joed.

Ang pinakamahal na ticket sa VIP ay nagkakahalaga ng P2,120, habang ang pinakamura naman ay P270 sa General Admission.

Balak nga rin daw dalhin ni Joed ang concert ni Ate Gay sa mga probinsiya gayundin sa abroad.

Kaya naman si Ate Gay ay puno ng pasasalamat sa kanyang producers, lalo na kay Joed.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng bumubuo at namamahala ng show na ito, lalo na kay Joed, at sa lahat ng mga nagmamahal sa akin... Siyempre, pati sa manager ko, si Freddie Bautista.

“Sana marami talaga ang manood ng concert na ito dahil ibinuhos ko na lahat ng powers ko dito.

“Ang gusto ko lang naman ay magpasaya ng mga tao.”

Binalikan pa niya ang araw na inalok sa kanya ni Joed ang major concert na ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala.

“Una, sabi ko, ayoko. Sabi ko, maliit lang muna, mga Music Museum.

“Yun lang kasi, hindi pa ako nakakapag-Music Museum, e, pa-guest-guest lang ako doon, e.

“Sabi niya, ‘Hindi, Araneta tayo.’ Una, Araneta ito, e, tapos naging MOA. Hindi muna ako um-oo.

“Tapos napag-isipan ko yung sinabi niya sa akin, ‘Kung hindi ngayon, kailan pa?’

“Tama naman siya. Sabi ko, go na, kasi hindi naman ako ang producer… Siya mismo, e.

“Nakakatuwa lang at nakaka-humble na may katulad niya na nagtiwala sa akin para i-produce ako ng malaking concert sa malaking venue, di ba?

“Parang hindi pa rin ako makapaniwala, pero araw-araw na ako nagre-rehearse dahil sa November 30 na nga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana maraming manood at sumaya sa gabing iyon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN