Child star Ryzza Mae Dizon wants to buy house near Eat Bulaga! studio

Mag-iiba na ang Pasko ng child star na si Ryzza Mae Dizon ngayong taon dahil kahit paano ay may naiipon na siya mula sa kanyang pag-aartista. Pag-alala ng Eat Bulaga! mainstay noong nakaraang Pasko nila: “Wala po kaming handa. Nasa bahay lang po kami. Hindi po kami namamasko. Nasa bintana lang po kami. Kasi po kami, walang mga pagkaing pang-Pasko.”


Hindi na talaga mapigilan ang pagsikat ng batang artista na si Ryzza Mae Dizon matapos niyang manalo sa 2012 Little Miss Philippines ng Eat Bulaga!.

Naging mainstay siya ng naturang longest-running noontime show at dito ay pinasikat niya ang sariling bersiyon niya ng cha-cha dance.

Nakalabas na rin siya sa ibang TV shows ng GMA-7; gaya ng Party Pilipinas, StarTalk, H.O.T. TV, at ang defunct sitcom na Tweets For My Sweet.

Ngayon nga ay may pelikula na siya nagawa—ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako, na pinagbibidahan nina Senator Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos.

Ang naturang pelikula ang entry ng limang film companies—Imus Productions, OctoArts Films, M-Zet TV, APT Entertainment, at GMA Films—sa Metro Manila Film Festival 2012 sa Disyembre 25.

Aliw na aliw nga ang press people dahil bibong-bibo sa pagsagot ng mga tanong si Ryzza sa mini-presscon ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako noong Nobyembre 24 sa Annabel’s restaurant.

Kasama niya sa presscon ang ilan sa cast members ng pelikula na sina Judy Ann Santos, Yassi Pressman, at John “Sweet” Lapus.

“Ako po dito si Chichay. Ang powers ko po duwende po ako. Meron po kasi akong magic,” sabi ni Ryzza tungkol sa kanyang role sa pelikula.

Kabilang si Ryzza sa grupo ng mga diwata at lamanglupa na nangangalaga sa kalikasan, na tinatawag na Alagang Kalikasan Organization, kasama sina Judy Ann, Yassi, at Sweet.



GENEROUS CO-STARS. Pagkatapos ng presscon ay nakausap pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ryzza at sinabi nga niya na nag-enjoy siya sa paggawa ng pelikula.

“Masaya po kasi maganda yung movie.”

Mababait daw lahat ng mga kasama niya sa pelikula. Tulad na lang ng kanyang Ate Juday na binigyan siya ng sarili niyang upuan sa set.

“Nag-thank you po ako kasi binigyan niya ako ng upuan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang makausap nga ng PEP si Juday ay ipinaliwanag nito kung bakit niya binigyan ng upuan si Ryzza.

Saad ng aktres, “Kasi yung upuan namin doon, nasa balikat na niya.

“Hindi siya makahanap ng upuan na sasalampak na lang siya, na hindi siya kailangang buhatin.

“E, meron ako sa bahay na mga upuan na para sa mga pamangkin ko, e hindi naman nagagamit pa, kaya ibinigay ko na sa kanya yung isa.

“Kasi, mas magagamit nung bata, at least kung saan niya gustong magpahinga, puwede siyang magpahinga.

“Deserve naman niya at saka super naman akong na-happy kasi kita mo namang tuwang-tuwa siya doon sa upuan niya.”

Naaaliw raw kasi si Juday kay Ryzza.

“Natural kasi sa kanya yung pagiging komedyante.”

Ayon naman kay Ryzza, maging si Senator Bong ay binigyan siya ng iPad.

“Nag-thank you din po ako.”

Wala pa raw ibinibigay si Bossing Vic sa kanya. Pero hindi naman daw siya nag-e-expect dahil mabait naman daw ito sa kanya at saka binibigyan pa siya ng trabaho.



DREAMING FOR A HOUSE AND CAR. Dahil nga sa dami ng trabaho niya ngayon—bukod sa pagkakaroon ng regular TV show, ang Eat Bulaga!—biniro si Ryzza sa presscon na siguro ay marami na siyang pera ngayon.

Sagot naman ng seven-year-old child star, “Wala pa po. Nag-iipon pa po.”

Ano naman ang pinag-iipunan niya?

“Para po makabili kami ng bahay.”

Pangarap kasi niyang makabili ng bahay na malapit sa studio ng Eat Bulaga! sa Broadway, Quezon City.

Sa ngayon kasi ay sa Tondo, Manila pa sila umuuwi.

Gusto rin daw niyang makabili ng sarili niyang sasakyan para hindi na nila kailangan pang mag-commute.

Nang matanong nga kung ano ang sinasakyan niya papuntang Broadway, sagot niya, “LRT po.”

E, di marami ang nakakakita sa kanya?

“Uhmm… siksikan po. e.”

Kapag may nakakakilala naman daw sa kanya at nagpapa-picture ay pinauunlakan niya ang mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



A DIFFERENT CHRISTMAS. Samantala, makararanas naman ng kakaibang Pasko si Ryzza at ang kanyang pamilya ngayong taon kumpara sa kanyang mga nakaraang Pasko.

Inalala nga niya na noong isang taon wala raw silang handa para sa Pasko dahil hirap nga sila sa buhay.

Kuwento ng child star, “Wala po kaming handa. Nasa bahay lang po kami.

“Hindi po kami namamasko. Nasa bintana lang po kami. Kasi po kami, walang mga pagkaing pang-Pasko.”

Pero magbabago na raw ang lahat sa darating na Pasko.

Sabi ni Ryzza, ibibili niya raw ang kanyang mga magulang at mga kapatid ng mga bagong damit.

Maghahanda na rin daw sila sa Noche Buena na sabi niya ay, “Gulay po at saka adobo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN