Wally Bayola says he will never do a project without Jose Manalo: “Kasi gusto ng tao na kaming dalawa, e.”

Hindi raw tatanggap ng kahit anong proyekto si Wally Bayola nang hindi kasama si Jose Manalo. Aniya, iyon daw kasi ang gusto ng mga tao. At kung sakaling gawin man ang istorya ng buhay niya, hindi raw maaaring hindi kasama si Jose roon. “Hindi rin naman puwedeng wala si Jose sa istorya ng buhay ko,” sabi pa ni Wally.


Isang propesor niya, noong estudyante pa lang siya ng X-Ray Technology, ang dahilan kaya hindi nag-board exam ang komedyanteng si Wally Bayola.

“Gusto kong magdoktor. E, mahirap lang kami, nauwi lang ako sa X-ray Technology.

“Tatay ko po kasi, doktor. E, siyempre mahirap, ‘tsaka bukod sa mahaba yung mga taon,” umpisang kuwento ni Wally nang makausap ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Nangyari ang panayam sa Cabalen Restaurant, Megamall, ilang oras bago ang premiere ng D’ Kilabots Pogi Brothers... Weh?!, nung Martes, November 27.

Sa Ago Medical College sa Naga City nag-aral noon si Wally.

At ang naturang propesor ni Wally ay may catarata, na ayon kay Wally ay nakuha nito sa sobrang exposure sa radiation.

“Kumbaga expected iyon ng mga X-ray technicians.”

Nung nakita niya raw ang propesor niya na may catarata, “Hindi na ako nag-board exam.

“Graduate po ako. Hindi lang ako nag-board para makakuha ng lisensiya,” natatawang kuwento pa ni Wally.

“Yung usually effect ng radiation is catarata, pagkalagas ng buhok, yung discoloration ng skin, marami pa, marami pa.”

Pero kung hindi dahil sa propesor niya, sana ay hindi siya sikat na komedyante ngayon.

“Siguro po, kung hindi po ano...

“Yung isang school po kasi, yung Naga College Foundation naman, na pinag-high school-an ko rin, nag-aral din ako sa Naga College, parang nag-aano sila, kasi naging active ako sa theatre.

“In-offer-an nila ako na sila ang magpapa-college sa akin, AB Major in Filipino, ganyan-ganyan ang pinapakuha muna sa akin.

“Parang magma-masteral ako ng theater o drama para, kumbaga, ako na yung mag-a-assist na rin dun sa drama club or theater club nung school. Kasi naging active ako dun, e.

“Hindi ko na rin kinuha yung offer, nag-ano na lang ako, nag-workshop na lang ako dito sa Manila, kay Tony Espejo sa Bulwagang Gantimpala.

“So naging active po ako dun, sina Tony pumupunta sa Bicol para mag-workshop, iyon po ang naging parang ano ko, stepping stone.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpa-facilitate ako sa mga estudyante ng basic acting workshop, tapos dun ko na nakilala yung asawa ko, kasi sumali dun sa theatre group.”

KILLJOY. Kamakailan ay galing ang Eat Bulaga! dabarkads sa London para mag-show.

Kuwento ni Wally, “Siguro kung kasama mo ako pag mangingibang bansa, masasabi mo sa aking killjoy!

“Pag nasa ibang bansa ako...okey ,bukod sa trabaho kasi ito, sa trabaho lang, pero hindi ako mahilig yung mamamasyal, yung mag-iikot.

“Pag may city tour sasama ako, pero mas kumportable kasi talaga ako dito sa Pilipinas, hindi ko alam kung bakit,” ang natatawang sinabi ni Wally.

So, hindi siya tulad ng iba na enjoy na enjoy kapag nag-a-out of the country?

“Nag-e-enjoy din po, kasi bukod dun, iyon yung parang rest time, bonding talaga.

“Nag-e-enjoy, ang ine-enjoy ko, yung mga pagkain sa lugar, kung anong makikita, mga plays, ganyan.

“Kaya lang hindi itong punta namin sa London, na kami nagkaroon ng time para manood ng mga plays.”

AN EX-CUATRO CANTOS. Sa The Library comedy bar nadiskubre si Wally ni Malou Choa-Fagar, ang lady boss ng Television and Production Exponents, Inc. o TAPE, Inc.

Naikuwento ni Wally na kagrupo niya noon sina Pooh, Kim Idol, at Teri Onor. Kilala sila noon bilang Cuatro Cantos.

“Ako ang unang napunta sa Eat Bulaga!, yung tatlo naging artista din,” kuwento pa ni Wally.

At siya ang pinakasikat sa kanilang apat.

“Hindi naman, mahuhusay naman sila,” pakumbabang sabi ni Wally.

Kasalukuyang palabas sa mga sinehan ang pelikula nila ni Jose Manalo na produced ng APT Entertainment at M-ZET TV Production, Inc., ang D’ Kilabots Pogi Brothers…Weh?!

Nasa movie rin sina Paolo Ballesteros, Pokwang, Solenn Heussaff, Gina Pareno, Jimmy Santos, Tirso Cruz III, Michael de Mesa, at marami pang iba.

Mula ito sa direksyon ni Soxie Topacio, na siyang direktor din ng award-winning comedy film na Ded Na Si Lolo!.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NOT WITHOUT JOSE. Kung may offer na project na siya lamang at hindi kasama si Jose, papayag kaya si Wally?

“Hindi po siguro kasi ang mga tao hindi sanay sa amin na solo lang.

“Katulad ng maglakad ako sa mall, ang hinahanap sa akin si Jose.

“Ganun din ang nae-experience ni Jose, ako ang hinahanap pag nakikita siya.

“So, siguro hindi siguro.

“Halimbawa, kung ang story ay buhay ko, iyon lang siguro ang puwede.

“Pero pag yung… at hindi rin naman puwedeng wala si Jose sa istorya ng buhay ko.

“Hangga’t gusto ng tao, kasi gusto ng tao na kaming dalawa, e.

“Itong ginagawa namin ni Jose is para sa mga tao, sa mga manonood.”

JOSE, WALLY, AND PAOLO. Si Paolo Ballesteros ay kasama na nila ni Jose sa regular na segment ng Eat Bulaga! na “Juan For All, All For Juan.”

“Ang original talaga sa ganyan, bawat dabarkads, para magpupunta rin sila sa mga barangay.

“Kasi ang talagang purpose nito hindi iyong pupunta tayo sa baranggay para mag-show sa barangay. Hindi, e.

“Ang talagang purpose nito, para makalapit naman kami sa mga tao, na ganun.

“Minsan may mga hindi nakakapunta sa studio, ‘eto kami talaga yung rumi-reach out sa mga tao.

“Si Paolo napakagaling. Napakagaling kaya parang ang nangyari nito, mas nag-click kaming tatlo, e.”

TO HELP OTHERS. Sa tunay na buhay ay tahimik at seryosong tao si Wally.

At sa tinagal na niya sa showbiz, nakapagpundar na rin ng sariling bahay si Wally.

Pero ang pangarap daw niya ay ang maging producer para makatulong sa ibang tao.

“Showbiz pa rin, hangga’t gusto ng tao,” ani Wally, na tila pagsasabing mananatili siya sa showbiz hangga’t tinatangkilik siya ng mga manonood.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN