MMFF SPECIAL COVERAGE: ER Ejercito on Best Actor race this year: “Well, ayoko na munang mangarap. Nangarap ako pero ayaw ko muna mag-expect at umasa."

Pahayag ni Governor ER Ejercito tungkol sa pagkatalo niya sa Best Actor award noong nakaraang MMFF: “Nakaapat naman akong best actor dun sa Manila Kingpin kaya na-justify naman yung hindi ko pagkapanalo sa MMFF best actor award."


Pang-Hollywood daw ang trailer ng 2012 Metro Manila Film Festival entry na El Presidente.

Ito ang halos puri ng lahat ng members ng media na naimbitahan sa mini-presscon ng pelikula noong Sabado, December 1, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

May mga nagkokomentong nakakakilabot daw ang pagkagawa nito at sobrang malalaki ang mga eksena kung saan kasali ang maraming sikat na artista ngayon.

Supporting cast ng bidang si Laguna Governor ER Ejercito sina Christoher de Leon, Cristine Reyes, Cesar Montano, at Nora Aunor.

May mahahalagang papel din sa pelikula sina, Yul Servo, William Martinez, Sid Lucero, Allan Paule, Wendell Ramos, Sunshine Cruz, Baron Gesiler, Ian Veneracion, at marami pang iba.

Ayon sa mga taga-production ng pelikula, umabot na raw sa P110 million ang nagagastos ng mga producer ng El Presidente.



DREAM PROJECT. Natutuwa naman daw si ER sa reaksiyon ng mga nakapanood na ng trailer ng El Presidente.

Aniya, “Oo, kasi dream movie ko ’to, e. Matagal ko nang dream na gawin ang pelikula ng unang Presidente ng ating bansa na si General Emilio Aguinaldo.

“Dream role, dream picture, dream movie.

"Taong 1998 pa namin pinlano ito at kinamatayan na ni Direk Jose Mari Avellana.

“Kung siya’y nabubuhay pa, siguro ikakatuwa niyang naisakatuparan na ito.

"Pati si [dating] Vice President Doy Laurel ay tiyak na matutuwa kung siya’y nabubuhay pa dahil highly-endorsed ng National Centennial Commission ito.”

Mas nahirapan daw silang gawin ang El Presidente kaysa sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story dahil nagtagal sila sa pagri-research.

Nagsimula raw silang magsaliksik sa mga pangyayari sa buhay ni Emilio Aguinaldo noon pang 1998.

Aprubado rin daw ang buong istorya at script ng pamilya ni General Aguinaldo.

Sampung historians daw ang nakabantay sa kanila sa shooting para makasiguro silang makatotohanan ang kuwento ng El Presidente.

Kuwento pa ni ER, “Yes we hired more than 10 historians from National Historical Institute [NHI], pati na ang kaibigang si Manny Colayco na head ng institute ay kasama natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At kasama natin itong mga historian na ito sa set. We even translated Spanish manuscripts to Tagalong.

"Lahat ng libro ay kinuha po natin. Pati yung nag-iisang libro na isinulat ni Gen. Emilio Aguinaldo, ang Memoirs of a Revolution, ay ginamit po natin sa pelikula.”

Pati raw sa shooting ay talagang pinaghirapan nila.

“Oo, pero alam naman natin na si Direk Mark Meily e hindi lang pampelikula, pang-telebisyon.

"Siya ay isang advertising director o commercial director kaya paulit-ulit po ang ating take hanggang sa ma-perfect po namin.

“Ang mahalaga po sa amin ni Direk, my producers at sa akin ay kailangang ma-perfect ang eksena.”



ISSUE WITH DIREK TIKOY AGUILUZ. Natalakay rin ang naging issue last year sa pagbuo ng El Presidente.

Pabirong saad ng Laguna governor, “Ang pressure naman namin last year ay nasa director, e. At saka sa ilang artista at saka sa weather, ‘no.

"Bilang ang ilang intriga ay galing sa iba’t ibang areas, kaya nahirapan po kami.”

Nagkausap na ba sila ni Tikoy Aguiluz na siyang unang director ng El Presidente?

“Nagkausap na kami, pero hindi pa kami nagkakasundo dun sa director’s cut.”

Hindi naman daw nila ipinagwalang-bahala ang mga nakunang eksena ni Direk Tikoy sa movie.

Kuwento ni ER, “Kasi almost ninety percent yung ginawa ni Direk Meily, e. Nasa ten percent lang yung kay Direk Tikoy.

"Ngayon, yung Nora scenes, this is the last, pa-ending na. Yung ending ng movie ang idinirek ni Tikoy.

“Hindi namin puwedeng tanggalin kasi malaki ang gastos dun. Four days din yun, e.

"And millions din ang nagastos ng ating producers doon.”



NO HURT FEELINGS. Matagal na ring sinasabi ni Nora, ang isa sa mga leading ladies ni ER sa El Presidente, na sa float siya ng Thy Womb sasakay.

Ano ang reaksiyon ni ER dito?

“A, yes. Hindi ako puwedeng magtampo. Wala akong karapatang magtampo dahil siya naman ang bida sa Thy Womb.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka, unexpectedly, nakasama, e, dahil nag-backout nga yung Lola Basyang.”



NO EXPECTATIONS YET. May mga humuhulang baka ang El Presidente ang maging best picture at si ER ang tanghaling best actor sa sa MMFF Awards Night on December 27.

Sabi ng actor-politician, “Well, ayoko na munang mangarap.

"Nangarap ako pero ayaw ko muna mag-expect at umasa.

“Dahil dahil nung umasa ako, maraming expectations ako noong MMFF last year.

"Mabuti na lang at na-justify ko at nanalo akong best actor sa FAMAS Awards, Luna Awards, Star Awards, at Gawad Pasado.

“Nakaapat naman akong best actor dun sa Manila Kingpin kaya na-justify naman yung hindi ko pagkapanalo sa MMFF best actor award.

“Ayaw kong umaasa. Basta mas maganda yung God-given na lang para mas ma-enjoy ko.”

Isa pa raw dahilan kung bakit hindi na siya masyadong umaasa ng best picture award ay dahil marami ang magagandang pelikulang kasali ngayong taon.

“Sana, sana. E, maraming magagaling. Andiyan yung Thy Womb. Meron pang iba.

"And I hope na manalo ng award parang Asiong Salonga, kasi todo ang ginawa namin dito. Todong pagpapaganda.

“Nakakatuwa kasi hindi nagtipid ang mga producers. Kasi, hindi puwedeng tipirin ang pelikula para sa pagpupugay sa unang pangulo.

"Dapat e gastusan at pagandahin at gawing ninety-nine percent authentic ang istorya.”



NEXT BIOPIC. Two weeks ago ay nabalita na ang Iglesia Ni Cristo (INC) ay gagawa ng kanilang unang pelikula, ang Sugo: The Last Messenger, tungkol sa kanilang mga tagapamuno. Pagbibidahan ito nina Bong Revilla, Richard Gomez, at Albert Martinez.

Pinuri naman ni ER ang hakbang na ito ng INC.

Aniya, “Well, maganda rin yung ginagawa ng Iglesia Ni Cristo ngayon.

"Maganda yung istorya ni Ka Felix Manalo. Maganda rin yun.

"At ako’y humahanga sa INC na isapelikula ang buhay ni Ka Felix.”

Ang susunod naman daw isasapelikula ni ER ay baka ang buhay ng El Shaddai leader na si Bro. Mike Velarde.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lahad niya, “Nag-uusap na kami ni Bro. Mike Velarde at malamang ay maisapelikula ko ang buhay ni Mike Velarde ng El Shaddai.”

Bakit nagugustuhan ni ER ang paggawa ng biopics?

Paliwanag niya, “Puro success stories po ang mga gusto nating ipakita. Kailangang may moral lesson.

“Mga sikat na tao para maka-relate ang mga kabataan kung paano nila gagayahin.

"At kung ano ang pupuluting magandang-aral at itatapon ang masamang ginawa para maging matagumpay ang kanilang buhay.

“Yun, sinabi ko nga kanina, e, kailangang matuto tayo sa pagkakamali ng kasaysayan.

"We have to learn from history’s mistakes kung gusto nating matagumpay ang ating buhay.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN