Concert producer Joed Serrano to bring K-Pop superstar and “Gangnam Style” singer Psy to the Philippines for one-night concert

Isa lang daw ang naging request ni Psy sa kanyang pagpunta sa Pilipinas para sa kanyang one-night concert, sabi ni Joed Serrano. “Ang request niya, e, dapat yung part ng proceeds ng concert, may mapupuntahang beneficiary…” Ang mga sinalanta raw ng bagyong Pablo at ang Ciara Marie Foundation ang babahagian ng kikitain ng concert ni Psy.


Akala raw ng dating teen star at ngayo’y concert producer nang si Joed Serrano, ang Ako Naman! Ate Gay Sa Arena ang huling concert na ipo-produce ng kanyang That’s Ntertainment Productions para sa taong ito.

Nagulat sila nang makatanggap ng tawag na nagkukumpirma ng pagdating ng isa sa foreign artists na gusto nilang i-produce ng concert sa Pilipinas—ang K-Pop worldwide superstar at “Gangnam Style” singer na si Psy.

“Biglaan. Na-confirm lang namin ito, November 29.

"E, the next day, holiday [November 30, Bonifacio Day], so nag-final yung lahat nung Monday, na which is December 3,” saad ni Joed nang humarap sa press, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kaninang hapon sa Sir Boy’s Food Republic sa Panay Avenue, Quezon City.

“Siniguro na namin talaga na December 20, na matuloy na matuloy na talaga.”

Gaganapin ang concert ni Psy sa nabanggit na date sa SM Mall Of Asia Concert Grounds.

Gusto raw sana ni Joed na sa SM MOA Arena gawin ang concert ni Psy, pero hindi niya lang gusto na limited ang espasyo ng venue na ito.

“Pag sinabi mong 15,000, dun lang yun. Ang iniisip namin, ‘What if, dumagdag nang dumagdag yung mga gustong makapanood kay Psy?’ Yung mga gustong maka-experience ng concert na ito.

“Kaya nag-decide kami na sa MOA Concert Grounds na lang gawin yung concert.

“’Tsaka para ano, makapag-fireworks. Kasi sa loob [Arena], bawal.

“Gusto namin yung place namin, at yung ambience namin, Paskung-Pasko talaga. Masaya.”

Bukod sa malaking stage na bubuuin sa Concert Ground na sinasabing may capacity na aabot sa 100,000 na katao, magtatayo rin daw ng malaking video screen sa ibabaw ng stage, para makita raw ng mga manonood si Psy at ang mga mauuna sa kanyang Filipino artists na magpe-perform.

“Yes, hindi lang si Psy ang magpe-perform, naroon din sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Wally & Jose, Pokwang, Chocolate, Pooh, K Brosas, Ate Gay, at si Ai-Ai delas Alas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Direk GB Sampedro ang magdidirek para sa mga Filipino artists.:

Idea raw niya na magsama ng mga Filipino artist sa show.

Hindi raw para pahabain ang show kung kaya’t may isinama siyang local artists sa concert.

Sa katunayan daw, pinuproblema nga nila kung paano paiikliin ang oras ng show dahil sa dami ng performers at pati na mismo si Psy.

“Naisip ko na isama ang local artists sa show, dahil, siyempre ang mga Korean, meron silang Psy, so meron din naman tayo, e.

“Meron tayong Ai-Ai, may Vhong Navarro, may Wally and Jose.

“Parang gusto ko lang ma-experience at malaman ng lahat, na kung meron ang ibang bansa, meron din naman tayo, at pagsasamahin natin.

“Mahaba po yung show. Mahaba yung kay Psy, mahaba rin yung [gagawin] ng local [artists].”

Magkakaroon din daw ng tsansa ang local artists na mag-perform kasama si Psy.

“Ang alam ko, magkakaroon sila ng chance to perform with Psy. Yung ganun,” sabay gawa ni Joed ng arm movement ng isa sa mga dance steps ng “Gangnam Style.”

NOT ONLY “GANGNAM STYLE.” Bago pa man ginanap ang presscon na ito, may mga usap-usapan nang darating nga si Psy sa Pilipinas. Pero ang tanong ng marami, baka naman “Gangnam Style” lang ang kakantahin ng 34-year-old Korean rapper-singer-songwriter.

In-assure naman ni Joed na hindi lang yun ang kakantahin ni Psy.

“Marami siyang kanta, actually, maraming sikat na hindi pa natin alam, pero yung iba, alam na ng karamihan.

“And when it comes to performance, alam natin, magaling talaga siyang mag-perform.

“So, I guess kung ang tanong, baka yun lang ang kakantahin niya, ay, hindi po totoo yun.

“Marami siyang kakantahin and surprise yun sa lahat.”

PSY’S “DEMAND.” Kadalasan, ang mga foreign artists ay may demands sa kanilang concert contracts na kung tawagin ay “rider clause.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ang bahagi ng kontrata ng artist sa producer kunsaan may additional demands sila na kailangang sundin.

May naging demands o rider clause ba si PSY sa kanyang kontrata with That’s Ntertainment at co-producers na Music Management International at Ovation Productions?

Sabi ni Joed, “Actually, sa dinami-dami ng [foreign] artists na dinadala namin dito sa Philippines, isa siya dun sa, ang request niya, e, dapat yung part ng proceeds ng concert, may mapupuntahang beneficiary.”

At napagdesisyunan nga nila na bahagi ng kikitain ng concert ay mapupunta sa mga sinalanta ng bagyong Pablo sa ilang probinsiya sa Mindanao, nitong pagpasok ng buwan ng Disyembre.

“So, matulunging tao siya. Na-surprise din kami. In fairness, napakabait. Para maisip niya yun.

“As for sa iba pa niyang demands, wala naman.

"Kami na rin mismo ang nag-isip kung ano yung puwedeng kailanganin niya at dapat para sa kanya sa concert, like yung malaking stage, may malaking LED screen sa ibabaw para makita ng lahat ang performance, maraming ilaw…

“In fairness, wala naman siyang demands. Yun lang, yung beneficiary ng kikitain ng concert niya.”

Kuwento pa ni Joed, bago pa man daw ang hiling na ito ni Psy, may iniisip na sila sa That’s Ntertainment na pagbibigyan ng bahagi ng kikitain ng concert.

“Inisip namin, ibigay yung parts of the proceeds of the concert sa Ciara Marie Foundation.

"Pero dahil nangyari nga yung kay Pablo, part of mga kikitain will also go doon sa victims,” sabi pa ni Joed.

Ang Ciara Marie Foundation ay isang organisasyon na namumuno sa mga charitable works sa iba’t ibang depressed areas sa Pilipinas.

HIS DREAM SHOW. Samantala, matapos ang matagumpay na concert ni Ate Gay, susunod na ba sa local shows na ipo-produce ni Joed ang sinasabi niya noon na reunion concert ng That’s Entertainment stars?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi may kani-kanya nang pamilya yung iba, at yung iba naman ang hirap nang ma-locate kung nasaan. Tapos yung iba, nasa ibang bansa na.

“Ang nandiyan na lang ang alam ko, sina Ruffa [Gutierrez], si Harlene [Bautista], si Romnick [Sarmenta].

“Kumbaga… I don’t know, but gusto ko talagang matuloy, but I’m not sure kung mabubuo talaga lahat.

“Kasi ang hirap naman buuin kung konti lang kami, tapos yung iba, hindi alam kung nasaan.”

Pero talagang dream niya raw na matupad ang reunion concert at kung mapaplantsa ang lahat, ibalik ang That’s Entertainment sa TV na mga anak na ng mga dating stars sa show ang maghu-host at magpe-perform.

“Sana… sana matuloy. Dream ko talaga ‘yan na sana matuloy ang lahat,” nasabi na lang ni Joed.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN