Manny Pacquiao gets emotional after hearing wife Jinkee’s words of concern

Ito ang pahayag ni Manny Pacquiao sa pagkatalo niya kay Juan Manuel Marquez: “Tanggap ko naman kasi iyan ang ano ko… iyan ang trabaho ko. Pag dumating yung… kailangang tanggapin pag dumating yung panahon na matalo. Pero yung makita ko sa mga tao, yung reaksiyon ng mga tao, ng mga Pilipino na maraming umiyak, lalo na yung pamilya ko umiiyak, nasasaktan ako.”


Hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin ang pagkatalo ni Pambansang Kamao at Congressman Manny Pacquiao kontra sa Mehikanong boksingero na si Juan Manuel Marquez noong Linggo, Disyembre 9.

Naging malaking balita ito sa buong mundo dahil bukod sa pagkatalo ay ngayon lang ulit na-knockout si Pacquiao sa loob ng mahabang panahon.

Pagkatapos ngang bumagsak ni Pacquiao, kitang-kita sa telebisyon ang pag-alala ni Jinkee na hindi makaakyat sa ring para malaman ang tunay na kalagayan ng asawa.

Kaya naman nang makapanayam ng programang Unang Hirit ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao kahapon ng umaga, Disyembre 10, at muling ipinakita sa 24 Oras kagabi, hindi na itinago ni Jinkee kung gaano siya natakot sa sandaling iyon.

Sabi ni Jinkee, “Natakot ako sa nangyari sa kanya kasi matagal [bago] siya nakabangon.

“Siyempre pag boksingero, buhay yung nakataya sa kanila. But, thank God, he’s okay.

“Yun ang importante, yun ang pinakamahalaga na okay siya at walang masamang nangyari.”

WANTS MANNY TO RETIRE. Hindi na rin naitago ni Jinkee ang kagustuhan niyang tumigil na sana si Manny sa pagbo-boksing.

“Alam naman ni Manny yung sagot sa mga ganyang tanong. Kaya alam na niya yung gusto kong ano… yung hinihiling ko sa kanya,” pahayag niya.

Hinding-hindi niya raw pababayaan ang asawa—manalo man ito o matalo.

“Oo naman, habang nandito pa ako para sa kanya, yung mga anak namin, so aalagaan namin siya,” sabi ni Jinkee, na pagkatapos ay napaiyak sa bisig ni Manny.

Pagpapatuloy ni Jinkee, “Masyado lang akong emosyunal sa ganyang mga bagay kasi nga siyempre pag ano... asawa mo.

“Kahit nga umaalis lang ang asawa mo, minsan hindi ka makatulog hangga’t hindi siya makabalik, di ba?”

Dahil sa naging pahayag ni Jinkee ay hindi na rin napigilang mapaluha ni Manny.

Saad ng Pambansang Kamao, “Ayoko kasing nasasaktan yung pamilya ko.

“Yung mga tao na sumusuporta… yung moral ba… gusto ko silang pasayahin, malungkot sila ngayong lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tanggap ko naman kasi iyan ang ano ko… iyan ang trabaho ko.

“Pag dumating yung… kailangang tanggapin pag dumating yung panahon na matalo.

“Pero yung makita ko sa mga tao, yung reaksiyon ng mga tao, ng mga Pilipino na maraming umiyak, lalo na yung pamilya ko umiiyak, nasasaktan ako.”

Pero higit sa anupamang titulo, ang ipinagpapasalamat ng Pambansang Kamao ay ang nakaligtas siya sa tiyak na panganib.

“Salamat sa Panginoon na nakahinga pa ako at iniligtas ako sa kapahamakan.

“So, okay naman. Hindi ko alam na nakataob ako, e.”

DEFENDING HIS PERFORMANCE. Dinepensahan din ni Manny ang sarili niya sa sinasabi ng ilan na tila nagkulang ang kanyang performance sa ring.

“Hindi naman naging kulang yung preparasyon ko.

“Kung titingnan natin, sa umpisa pa lang ng round… sa first round pa lang, aggressive na kaagad ako at mabilis yung galaw ko hanggang six rounds.

“Maganda naman sana yung galaw natin pero ganun talaga.

“Minsan dumarating yung mga panahon na ganun, na mga pangyayari.”

Hindi niya ba talaga nakita ang paparating na suntok galing kay Marquez na nagpa-knockout sa kanya?

“Kasi kumpiyansa ako doon dahil narinig ko yung last ten seconds na warning at medyo nag-fake ako sa kanya ng dalawa.

“Tapos na-out of balance ako nung pag-fake ko ng pangalawa. Tapos ini-straight niya ako.”

THE KIDS’ REACTION. Nagulat at nalungkot din ang mga anak ni Pacquiao nang masaksihan ang pagkatalo ng kanilang ama.

Hiling ni Princess, huwag na raw sanang lumaban pa ang kanyang Daddy Manny.

Sabi ng pangatlong anak nina Manny at Jinkee, “Daddy knock down him and I didn’t feel happy. My mom was also crying. He has enough fighting. I don’t want him to fight.”

Nang makausap nga ng mga bata sina Manny at Jinkee ay nagmistulang pinapatahan nila ang kanilang mga magulang. Dahil naman dito ay napalitan ng ngiti ang pag-iyak noong una ng mag-asawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Queenie, “Daddy, Mommy, don’t cry.”

Sabi pa ni Princess, “Don’t cry Mommy and Daddy. I love you.”

Maging sina Jemuel at Michael ay nagpahayag din ng pag-alala at pagmamahal sa kanilang Daddy at Mommy.

BACK TO THE PHILIPPINES. Sa Unang Hirit din kinumpirma nina Manny at Jinkee ang pagbalik nila sa Pilipinas bukas, Disyembre 12.

Natanong kasi si Manny kung tuloy na ang pagbalik nila sa bansa sa naturang araw at kung may clearance na siya galing sa doktor para siya makabiyahe?

“Wala namang problema. Nakalabas naman ako sa ospital kagabi [Disyembre 9] pagkatapos ng check-up ko. Wala namang problema.”

Wala na rin daw siyang iniindang sakit.

Itinaon nina Manny ang pagbalik sa bansa sa mismong kaarawan ng anak nilang si Michael.

Sa December 17 naman ay birthday ni Manny.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN