Manny “Pacman” Pacquiao arrives to a hero’s welcome

“Ganyan talaga ang buhay salamat sa suporta… Salamat sa sambayanang Pilipino, salamat sa mga dasal ninyo. Babawi rin tayo,” pagpaparating ng pasasalamat ni Saranggani Province Congressman at nag-iisang eight-division world boxing champion na si Manny "Pacman" Pacquiao.


Dumating na sa Pilipinas ang nag-iisang eight-division champion sa world professional boxing na si Manny “Pacman” Pacquiao kaninang bandang alas-sais ng umaga, Disyembre 12.

Sa kabila ng kanyang pagkatalo sa kamay ng Mexican boxer na si Juan Manuel Marquez sa ika-apat nilang pagtutuos—na ginanap sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada, U.S.A. nung Linggo (Sabado sa U.S. time)—isang hero’s welcome pa rin ang sumalubong sa boxing congressman ng Saranggani Province.

Tinalo ni Marquez si Pacquiao sa ika-anim na round ng kanilang laban via knockout o K.O.

Sa panayam ng Unang Hirit news reporter na si Rhea Santos sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, ipinaabot ni Manny ang kanyang pasasalamat sa mainit pa ring pagsalubong sa kanya ng mga Pilipino sa kabila ng kanyang pagkatalo.

Sabi ni Manny, “Ang laki ng pasasalamat ko… mas marami pang mga tao ang sumalubong sa akin ngayon, kumpara nung mga nakaraan.

“Talagang ipinakita nila yung suporta sa akin at kumbaga, sa ano, hindi mo na maiisip na natalo ka sa laban, parang iniisip mo pa rin, panalo ka sa laban dahil sa dami ng taong sumalubong…”

Pinasalamatan din ng Manny Many Prizes host ang mga sumalubong sa kanyang mga kongresista, senador, at si Vice President Jejomar Binay.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Presidente Nonoy Aquino.

“Ganyan talaga ang buhay salamat sa suporta… Salamat sa sambayanang Pilipino, salamat sa mga dasal ninyo. Babawi rin tayo,” dagdag pa ni Manny.

Pagkatapos sa airport ay tumuloy sina Manny, Jinkee, at Team Pacquiao, pati na ang buong convoy ng sumalubong sa kanyang mga pulitiko’t press, sa Midas Hotel para sa isa pang welcome party at presscon.

Para sa dagdag na balita tungkol sa pagdating ni Manny Pacquiao, bisitahin ang www.spin.ph.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN