Dennis Padilla still not on speaking terms with estranged wife Marjorie Barretto: "E, ganun talaga, e. Ganun ang buhay."

Bagamat ayaw magsalita ni Dennis Padilla sa balitang may anak na ang dati niyang asawa na si Marjorie Barretto sa ibang lalaki, ano ang magiging reaksiyon niya kung sakaling totoo nga ito? Sagot ni Dennis, “Okey lang, kasi may kanya-kanya na kaming buhay, e. Five years na rin. Kaya… basta, ang mahalaga sa amin ngayon, yung maalagaan ang mga anak namin. Nagdadalaga na rin. Yun ang priority namin.”


Susubukan muli ng comedian na si Dennis Padilla ang kanyang kapalaran sa pulitika sa pamamagitan ng pagtakbo bilang board member sa Laguna sa 2013 elections.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa Christmas party na ipinatawag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista para sa mga press noong Martes, December 11, sa Wil’s Events Place sa Quezon City.

Magkasamang dumating sa party sina Dennis at Mayor Herbert, na co-stars din sa 2012 Metro Manila Film Festival entry na Shake Rattle & Roll 14.

Nanungkulan si Dennis bilang councilor ng Caloocan City mula 2001 hanggang 2004.

Ngayon naman ay susubukan niyang maging board member sa Laguna sa 2013.

Bakit sa Laguna naman siya ngayon tatakbo?

Paliwanag ni Dennis, “Kasi nagkasama kami ni Governor ER [Ejercito] sa Asiong Salonga, di ba? Nag-start kami ng shooting last year, nung March.

“Sabi niya, kulang daw siya ng board member para sa third district [ng Laguna].

“E, sabi ko, ‘Nagcarlan ang tatay ko. Gusto mo lumipat na ako ng rehistro.’

“So, last year, naglipat na ako ng rehistro.

“Saka, ang importante lang naman, at least you’re registered voter six months before the election.

“Last year pa ako naglipat doon. Saka yung lumang bahay ng tatay ko [Dencio Padilla], yun na rin ang address ko.”

Sa Nagcarlan, Laguna na ba siya umuuwi ngayon?

“Ahm… usually Friday, Saturday, Sunday, nandun ako,” sagot niya.

Hindi kaya ipetisyon siya ng mga makakalaban niya sa pulitika dahil sa residency-status niya?

Sagot ni Dennis, “Well, alam mo ganito ang batas—when you’re a registered voter six months before election, you can vote and you can be voted.

“Ngayon, kung national position, you have to be there one year before election.

“So, yun ang batas.”



ESTRANGED WIFE. Hindi kaya ginusto niyang sa ibang lugar na lang tumakbo at hindi na sa Caloocan, para tuluyan siyang mapalayo sa ex-wife niyang si Marjorie Baretto, na konsehal ngayon sa naturang lungsod?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Dennis, “Hindi naman. Hindi ko na naisip yun dahil matagal na akong wala sa Caloocan, e.”

Usap-usapan, ngunit wala pang kumpirmasyon, na meron na raw bagong supling si Marjorie pagkatapos nilang maghiwalay ni Dennis. Ano ang masasabi ng komedyante rito?

“Hindi ko alam… hindi ko alam,” mabilis na reaksiyon ni Dennis.

Hindi kaya nagpapaka-play safe lang siya kaya ayaw niyang magbigay ng mas malinaw na pahayag?

“Hindi ko alam, e… wala akong alam, e,” patuloy niyang sabi.

Kung sakaling may bago nang anak si Marjorie, ano ang pakiramdam niya?

“Okey lang, kasi may kanya-kanya na kaming buhay, e. Five years na rin.

“Kaya… basta, ang mahalaga sa amin ngayon, yung maalagaan ang mga anak namin. Nagdadalaga na rin.

“Yun ang priority namin.”

May apat na anak sina Dennis at Marjorie.

Nakakapagbigay na ba siya ng financial support sa mga anak niya?

“Yes. Yung allowance, saka yung tuition, hati naman kami sa pagsagot sa mga bata.

“Kaya ayos naman. Maganda naman yung usapan namin.”

Paano niya nasusuportahan financially ang mga anak nila ni Marjorie, gayong hindi naman regular ang trabaho niya sa showbiz? At nang maghiwalay sila noon ni Marjorie ay halos wala ring natira sa kanya?

Paglilinaw ni Dennis, “Hindi naman, regular naman ang trabaho ko.

“Sa TV, sa pelikula, show… kumpleto naman.”

Bilang pagpapatunay na hindi siya nababakante, ibinida ni Dennis ang lumabas pa niyang movie this year, ang Moron 5 and The Crying Lady.

Nakasama rin siya sa cast ng Asiong Salonga na ipinalabas last year sa MMFF.

Ngayon naman, dalawa ang entries niya sa 2012 MMFF—Shake Rattle & Roll 14 at El Presidente.

Kailan siya nakabawi at nakatayong muli sa estado ng buhay? Yung tipong maayos na ang daloy ng kabuhayan o finances niya?

“Matagal na, mga four years ago pa.”

NEW BABY. Pagdating naman sa kanyang personal life, ibinalita ni Dennis sa PEP na meron na siyang bagong baby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Baby boy siya, his name is Gavin… ayun, ang guwapo,” proud niyang paglalarawan sa hitsura ng kanyang baby.

Nag-asawa na ba siya ulit?

“Hindi, may girlfriend ako, si Linda Marie Gorton.

“Bale, four years na kami last October. Non-showbiz.”

Paglilinaw ni Dennis, nong 2008 pa raw annulled ang kasal nila ni Marjorie kaya naman safe na siyang magkaroon ng makakasama sa buhay.

Pero bakit hindi sila naging magkaibigan ni Marjorie?

“Oo, hindi, e. E, ganun talaga, e. Ganun ang buhay,” matipid niyang sagot.

Masyado bang mapait ang hiwalayan nila kaya hindi sila naging magkaibigan?

“Hindi naman. Pero wala, e, hindi pa kami nabibigyan ng pagkakataon,” tugon ni Dennis.

Wish ba niyang maging magkaibigan sila ni Marjorie?

“Siguro someday. Hindi pa natin alam kung kailan.”

Mula ba nang mapawalang-bisa ang kasal nila ni Marjorie, hindi na sila nag-usap muli?

“Hindi na, bale hinihiram ko na lang yung mga bata, pag weekends. Pag bakasyon, ganun din.

“Yun naman ay through the yaya. Tatawag lang ako sa mga yaya o kaya si Julia na.

“Sinasabi ko, ‘Julia, paalam ka, baka puwede kayo tomorrow.’

“So, scheduling din, e.

“Yung mga anak ko, pag weekday, mga five o’ clock na lumalabas ng school, e.

“So, weekend lang talaga puwede.”

Hindi naman ba mahirap sa part niya yung set-up ng paghiram niya ng mga anak niya kay Marjorie?

“Wala, e. Sanay na,” sagot ni Dennis.

“Noong una, siyempre mahirap.

“Pero ngayon sanay na dahil magpa-five years na next year.”

Tanggap na ba ng kanyang mga anak ang sitwasyon nila ni Marjorie?

“Matagal na. Kasi magli-limang taon na, e.

“Yung mga bata naman, one year pa lang, handa na sila, e.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN