Senator Bong Revilla on Jolo Revilla’s relationship with Jodi Sta. Maria: "Pero sabi ko nga, makuha muna yung annulment para hindi nagkakasagasaan."

Senator Bong Revilla on son Jolo Revilla’s political career: “Nakikita ko ang sarili ko kay Jolo, parang doon siya pupunta sa tinahak ko. Gusto ko maibigay ko lang sa kanya, yung mapuntahan niya, yung mga… hindi na yung mga masasakit na pinagdaanan ko. Kaya nga sinasabi ko sa kanya yung mga experiences ko."


Hindi ganap na naniniwala si Senator Bong Revilla na pansamantalang tatalikuran ng dalawa niyang mahal sa buhay ang showbiz.

Ang anak niyang si Jolo Revilla—na tatakbo bilang vice governor ng Cavite sa 2013 elections—ay nagsabing hindi muna siya magiging aktibo sa showbiz dahil gusto niyang mag-concentrate sa public service.

Ang misis naman ni Bong na si Lani Mercado—na tatakbo for re-election bilang representative ng Bacoor, Cavite—ay sinabing lilimitahan niya ang paggawa ng mga teleserye kapag naluklok siyang muli sa puwesto.

Ayon kay Bong, “Hindi naman siguro. Kung ako nga, hindi ko maiwan ang showbiz.

“Siguro, for the meantime, dahil campaign period ngayon, in a way, hindi sila puwedeng lumabas muna sa telebisyon.

“At saka kailangan din nilang gumawa ng mga hakbang na mapapatunayan nila sa kanilang constituents—like sa Bacoor, Cavite...

"Like Jolo, kailangan mapatunayan niya rin yung kisig niya.

“Ako siguro, makikita naman ninyo ang ating track record, hindi naman ako mapapahiya doon.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Bong sa grand presscon ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako noong Huwebes, December 13, sa Annabel’s restaurant, Tomas Morato, Quezon City.



FAMILY TIME. Sa kanilang pamilya ay tatlo na silang nasa pulitika. Maliban dito ay may iba pang pinagkakaabalahan sina Bong, Lani, at Jolo.

Nagkikita-kita pa ba silang mag-anak?

Sabi ng actor/senator, “Yeah, pag Sunday, we spend quality time together.

“Kaming lahat, buong pamilya, we go to church together. We eat together.

“So, nag-uusap-usap kami kung ano yung maganda, kung ano ang plano mo sa buhay mo, plano mong pag-aaral.

“Kaya yung mga anak ko… naipaplano naming lahat kung anuman yung tatahakin mo sa buhay.”

Ano ang pumapasok sa isip ni Bong kapag nakikita niya sina Jolo at Lani na nagtatagumpay sa pagsabok nila sa pulitika?

Saad ng movie star-politician: “Nakikita ko ang sarili ko kay Jolo, parang doon siya pupunta sa tinahak ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gusto ko maibigay ko lang sa kanya, yung mapuntahan niya, yung mga… hindi na yung mga masasakit na pinagdaanan ko.

“Kaya nga sinasabi ko sa kanya yung mga experiences ko.

“‘Kailangan makinig ka sa akin, ‘eto ang dapat mong gawin, ito ang tama. Basta manindigan ka sa tama, at kung nasa tama ka, hindi ka maliligaw ng landas.’

“Tungkol naman kay Lani, makikita mo naman sa performance ni Lani, maganda ang performance niya sa Kongreso…

“Alam mo naman sa Kongreso, kahit saan ka, white or black or what… Ibig sabihin, pag palagi kang.. May pula diyan, e.

“Lahat na lang may komento—sa Twitter, sa Facebook…

“Pero no matter what, bilang isang kongresista, iniisip namin—siya bilang congresswoman, ako bilang senador—sa lahat ng oras, iniisip natin kung ano ang makakabuti sa bayan.

“May negatibo, may positibo. Hindi naman sa lahat ng posisyon na ginagawa mo, natutuwa lahat.

“Meron sa ibang pananaw, sa kabila sila.

“So, sabi ko nga kanina, kailangan respetuhan, katulad nga yung issue about RH [Bill], respetuhan ng pananaw.

“Parang hindi kailangang magsakitan.”

Hindi pabor sa pagpasa ng RH Bill si Lani.

Naging usapan-usapan ang tungkol sa diumano’y pagpapasaring ng tatlong kapwa kongresista kay Lani. Ano ang reaksiyon dito ni Bong?

Sagot ng senador, “Hindi ko alam kung biro yun o hindi.

“Kung biro man, yun dapat magiging maingat sila sa bitaw ng mga salita. Tulad niyan, nasaktan ang kalooban ni Lani.

“Pero ganun pa man, sabi ko kay Lan [tawag niya sa asawa], ‘Pabayaan mo na lang yun.’

“Sabi ko sa kanya, ‘Forget about it. Wala naman yun.’

“Sa amin, wala na yun, humingi naman ng paumanhin.

“So, hindi naman nila inaakala na mao-offend nila si Lani nang ganun. Akala nila nakakapagpatawa lang sila.”

JOLO IS HAPPY. Umayon naman si Bong sa obserbasyon ng press sa napansin nilang may kakaibang saya sa mukha ng kanyang binatang si Jolo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yeah, I think so, he’s happy,” nakangiting sabi ni Bong.

Sabi-sabing ang nagbibigay-kasiyahan ngayon sa mukha ni Jolo ay ang pag-iibigan nila ng aktres na si Jodi Sta. Maria.

Nakakasama niya ba nang madalas si Jodi?

Sabi ni Bong, “Minsan lang. Minsan lang na… pero sabi ko nga, mas maganda kung maayos na ang lahat, di ba?

“Para… sa tingin ko naman, importante na masaya sila pareho.”

Sa tingin ba ni Bong ay malaki ang naitulong ni Jodi sa pagma-mature ni Jolo?

“Of course, malaking bagay. Kumbaga, mas experienced siya with… even Jolo.

“Sa tingin ko naman, malaking improvement kay Jolo, e.

“Mahirap magsalita, e,” nag-aalangang pahayag niya.

Sa interview kay Jolo, sinabi nitong handa na siyang magpakasal pero hindi pa ngayon. Kung darating ang tamang panahon, hindi raw siya magdadalawang-isip na pasukin ang pag-aasawa.

Ano ang masasabi ni Bong tungkol dito?

“Yun nga, e, pag nakuha na niya yung annulment niya…”

Ang tinutukoy ni Bong ay ang pagpapawalang-bisa ng kasal ni Jodi sa asawa nitong si Pampi Lacson, anak ni Senador Ping Lacson.

Saad pa ni Bong, “Mukhang in love ang aking manok [Jolo].”

Mismong si Jolo ay nagsasabing masaya siya ngayon sa kanyang buhay at personal life.

Pagsang-ayon ni Bong, “Well, nakikita naman natin, masaya si Jolo.

“Pero sabi ko nga, makuha muna yung annulment para hindi nagkakasagasaan.

“Ayaw rin naman namin nung ganun.”

Ano ang advice niya kay Jolo pagdating sa politics at sa lovelife?

“Sa politics? Manindigan ka sa tama sa lahat ng oras. At pag tama yung pinaninindigan mo, wala kang dapat ikatakot. Humarap ka sa tao, kahit taas-noo.

“Sa lovelife, kung ano ang itinitibok ng puso mo, basta huwag mong paiiyakin yung taong minamahal mo.”

PLANS THIS CHRISTMAS. Ano ang plano ng kanilang pamilya ngayong Pasko?

“Alam naman natin na yung Pasko, hindi para sa pamilya namin. Yun yung gift-giving sa mga inaanak, sa mga constituents.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tradisyon ng nanay ko, na ipinagpapatuloy namin ‘yan.

“Ang Pasko namin ay yung maghihiwalay ang lumang taon at new year.

“Doon kami palagi, nasa loob ng simbahan. Yun ang pinaka-Pasko namin.”

Isang buong taong naging abala sa kaliwa’t kanang schedules sa showbiz at politics sina Bong at Lani. Wala ba silang planong lumabas ng Manila o mag-abroad para makapagpahinga at makapag-bonding?

“Sobra! Kung pagka-busy ang pag-uusapan, sobrang busy po.

“Pero, nagagawa ko naman lahat nang tama yung trabaho ko sa lahat.

“Sa lahat ng aspeto, mapalarangan ng public service, bilang senador… Kahit kayo mismo tumingin sa Senado kung ano ang performance ng senador, makikita ninyo.

“Bilang artista, alam ko yung limitasyon ko. So, nagagawa ko rin kung anu-ano yung mga bagay-bagay.”

JINGGOY AND JV. Ano naman ang reaksiyon at komento ni Bong sa pagbabati ng best friend niyang si Senador Jinggoy Estrada at ng half-brother nitong si Congressman JV Ejercito?

“Sabi ko nga sa kanila, magbati na sila. Wala namang dapat pagtalunan yung magkapatid, e.

“E, mukhang okey naman. Kasi kahit anong sabihin, magkadugo sila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN