Jillian Ward shrugs off intrigue between her and fellow child-star Ryzza Mae Dizon: "Wala na po kaming pakialam dun sa mga sinasabi po nila."

Ito ang mensahe ni Jillian Ward (kaliwa) sa mga taong iniintriga silang dalawa ni Ryzza Mae Dizon (kanan): “Okay lang naman po na sabihin po nila yun, pero iyon po, hindi na lang po namin yun pinapansin kasi hindi naman po iyon totoo. Kung anuman po ang sabihin ninyo na… yung tulad po nun, yung intriga po sa amin, wala po iyon sa amin.”


Ano ang gustong regalo na matanggap ni Jillian Ward ngayong Pasko?

Sagot ng Kapuso child star, “Kahit ano po, pero yung kay God, yung kay God na lang na hihingin ko—lahat po ng magaganda po, mangyari.

“Sana po yung mga tao po tulad natin, alagaan Niya po, bigyan Niya po ng blessings.

“At saka sana po lahat po tulungan Niya po, lalo na po yung mga naghihirap po. Yung mga naghihirap po, sana tulungan po sila ng Diyos.

“Yung magaganda po sana ang mangyari, yung lahat po ng magaganda dito sa mundo.

“At saka sabi po nila, end of the world na daw po sa December 21, 2012, totoo po ba yun?

“Diyos lang po ang makakapagsabi nun.”

Ano naman ang hihilingin niya kay Santa Claus?

“Kahit ano na lang po, pero ang hiling ko po, para po sa mga kapatid ko po, kahit wala na po akong regalo sa Pasko, basta po yung family ko po.

“At saka ise-share ko po lahat ng blessings ko sa lahat ng tao po,” sagot ni Jillian.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jillian sa grand launch ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako noong Huwebes, December 13, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

BIG CO-STARS. Kinumusta namin kay Jillian kung paano katrabaho ang tatlong bida sa pelikula nila na sina Senator Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos.

Dire-diretsong sagot niya, “Sila Tita Judy Ann po, masaya po siyang katrabaho, pero hindi po kami nagkakasabay sa eksena.

“Pero naglalalaro po kami sa shooting, naglalaro po kami ng mga games sa iPad niya po, pinapahiram niya ako ng iPad niya.

“May iPad po ako, pero marami pong games sa iPad ni Ate Judy Ann.

“Yung ano po, happy po siya kasama at saka down-to-earth po silang tatlo talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos po yung kay Sen [Bong Revilla] naman po, si Sen po, masaya iyon.

“Tulad po ni Tita Judy Ann, down-to-earth at saka po napakabait po rin niya, masaya po siyang katrabaho.

“At saka pangalawang… ilang beses na ba kaming nagsasama? Marami na po.

“At saka po yung masaya po ako dahil sinabi po ni Senator Bong na lucky charm niya daw po ako!

“Natuwa po ako, tapos po yung feeling ko, parang talagang ang saya ko po, parang…

“Nabigla po ako kasi Senator Bong po ‘yan, ano po ‘yan, matagal na po siya sa showbiz.

“Ilang years na po siya sa pag-aartista at kilalang-kilala po siya ng mga tao, sikat na sikat po siya, tapos senador po ‘yan, tapos sinabi niya po lucky charm niya ako.

“Kaya tuwang-tuwa po ako. Nagulat din po ako.

“At saka iyon po, lagi kaming nagkakatuwaan lang po talaga kami sa set.

“Si Bossing [Vic], masaya po, nakasama ko po siya two times sa shooting po.

“Yung first na Agimat, nakasama ko po siya, tapos dito po yung ngayon nga po.

“Sinasabi niya po sa akin, ‘Ang ganda-ganda mo!’ Tapos pinipisil po niya ang ilong ko!” ang tumatawang kuwento pa ni Jillian.

Dagdag niya, “Tapos napaka-comedy niya po talaga, masaya po siyang kalaro.

“Iyon, masayang kasama, down-to-earth din po siya, at saka po iyon—masaya po sila kasama lahat.”


RYZZA MAE DIZON. Tinanong din si Jilian tungkol sa intrigang may gap daw sa pagitan nila ng kapwa niya Kapuso child star na si Ryzza Mae Dizon, na kasama rin sa Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako.

“Wala pong ganun!” mabilis na tanggi ni Jillian.

“Iyong ano po, wala po, magkaibigan po kami.

“At iyon po, masaya din siyang kasama at saka wala na po kaming pakialam dun sa mga sinasabi po nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang… basta ang importante po dun, nagkakakilala po kami at naging close po kami.”

Madalas nga raw ay tinuturuan siya ni Ryzza ng sayaw na cha-cha, na pinauso nito sa Eat Bulaga!.

“Yung ako po, nagpapaturo po ako sa kanya ng cha-cha lagi!” at muling tumawa si Jillian.

“Sinasabi ko po sa kanya, ‘Paano yung cha-cha?’

“Tapos sabi niya, ang galing-galing ko daw pong umakting, ganun po.”

Ano ang mensahe niya sa mga taong iniintriga silang dalawang bata?

“Okay lang naman po na sabihin po nila yun, pero iyon po, hindi na lang po namin yun pinapansin kasi hindi naman po iyon totoo.

“Kung anuman po ang sabihin ninyo na… yung tulad po nun, yung intriga po sa amin, wala po iyon sa amin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN