Rochelle Pangilinan signs contract with GMA-7 for the first time; says she and boyfriend Arthur Solinap have no wedding plans yet

Naging matagumpay ang grupong Sexbomb ni Rochelle Pangilinan at umani sila ng kasikatan na hindi naman nila inaasahan. Kuwento niya: “Noong time na yun, hindi namin ini-expect at hindi rin naman namin plinano. Wala kaming plano na ganito ang mangyayari—walang ganoon. Bigla na lang tinanggap ng tao yung grupo namin.”


Pumirma na ng three-year guaranteed contract sa GMA-7 ang dating Sexbomb Girl na si Rochelle Pangilinan.

Pagbabalita ito ni Rochelle sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang makapanayam namin siya sa rehearsal ng Party Pilipinas noong Sabado ng gabi sa Studio 7 ng GMA-7.

"Pangkabuhayan showcase" ang magaang deskripsiyon ni Rochelle sa pagiging visible niya sa susunod na taon.

“Two shows a year, pero hindi ko pa alam kung anu-anong mga shows yung ibibigay nila,” pagbabalita niya.

Wala pang inuumpisahang programa si Rochelle bilang bahagi ng kanyang kontratang pinirmahan.

“Pero sabi sa akin, siguro raw mga first quarter of next year ako magkakaroon. Kasi yung iba, naumpisahan nang gawin.

“Saka ngayong December pa lang nagkaroon ng effectivity yung contract ko,” dugtong ng aktres na nagsimulang makilala sa telebisyon bilang isa sa nagdaramihang sexy dancers ng noontime show na Eat Bulaga!.


GMA-7 CONTRACT. Pabor naman kay Rochelle kung wala pa siyang ginagawang serye o karagdagang show sa Kapuso Network maliban sa Party Pilipinas.

Nitong nakaraang November lang siya pumirma, at first time sa buong career niya sa Kapuso Network na inalukan siya ng kontrata.

“Kasi ngayon, puro regional shows ako, as in! Actually, nasanay ako sa… masarap mag-regional.

“Kung saan-saan ako nakakarating, tapos sandali lang yung trabaho, tapos okey yung talent fee.

“Actually, tinatanong nga nila ako kung ano…Kasi, after Broken Vow, hindi na ako nagkaroon ng show.

“Tinatanong nga nila ako kung bakit hindi ako nagtatanong kay Perry [Lansigan, manager niya] kung, ‘Ano’ng show mo?’

“Sagot ko, ‘E, nag-e-enjoy ako, e. Saka quota naman, e,’” na ang ibig niyang sabihin ay kumikita siya nang sapat.

“So, why not, di ba?”

“E, parang ganoon rin naman sa taping, e. Saka nag-e-enjoy talaga ako sa pagso-show nang live sa mga tao.

“Makikita mo agad yung reaksyon noong mga tao na natutuwa sila…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ramdam mo yung init ng pagtanggap nila sa iyo. Matutuwa ka, e,” kuwento pa niya.

Aminado namang natuwa si Rochelle sa pagtitiwala sa kanya ng GMA-7.

“Natuwa ako, kasi may work na…yung hindi ka na maghahanap ng work.

“Kasi after ng Daisy Siete, nasanay kasi ako na dire-diretso yung season.

“’Tapos…ngayon pala, pag natengga ka—matagal kang walang show—tengga ka talaga.

“So, maghihintay ka talaga ng show kung kailan ka magkakaroon.”

Ibig sabihin, hindi siya nawawalan ng raket o pinagkakakitaan?

“Oo, happy ako, kasi natuto akong mag-show sa stage—natuto akong magkaroon ng kapal ng mukha.

“Paano kung hindi ako marunong? Pag-aartista lang ang trabaho ko.

“So, wala. Parang matetengga talaga ’ko, wala akong work—wala akong ibang pinagkakakitaan.

“So, meaning, okey ako financially. Okey talaga ako,” pagsisiguro niya.


SEXBOMB FRIENDS. Tungkol naman sa iba niyang mga kasamahan sa Sexbomb, tinanong namin si Rochelle kung nakikita pa ba niya ang mga ito ng personal?

“Ay, oo. Nakakausap ko sila. Ahm…gaya noong nangyari kay Jholan [Velus na girlfriend ni Edgar Allan Guzman],” pag-alala niya.

“Nagtanong ako kung ano ang nangyari sa kanya. Di ba, nabangga yung kotse niya?

“Okey naman siya. Sabi ko nga, kung may problema, huwag lang financial, e, nandito lang ako,” sabay ngiti ni Rochelle.

Maliban sa mga paminsan-minsang pangangamusta, wala nang iba pang panahon para magkaroon sila ng tsikahan ng ibang dating ka-member.

“Wala. Kasi ang nakasama ko lang naman noon, si Johlan, si Sunshine [Garcia], si Mia [Pangyarihan], at si Aira [Bermudez].

“Sila lang talaga yung nakakasama ko. Actually, kahit noon pa, kami-kami yung mga nagkakasama.”


EPIC MOVIE. Nang matanong namin kay Rochelle ang nabinbin na shooting ng historical movie nila ni Rocco Nacino, ang Lam-Ang, panay ang iling niya sa amin.

“Hindi ko alam,” bulalas niya.

“Actually, noong May, ang huling balita ko doon…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagpabakante sila sa akin ng araw na pang-four days pa.

“’Tapos, hindi natuloy. After noon, wala na akong balita.

“Sayang yun. Nanghihinayang ako kung hindi na matutuloy yun, kasi sobrang malaki na yung nagastos nila para doon.”

Na-disappoint ba siya? Na-depress ba siya dahil naudlot ang tsansa niyang magbida na sa isang malaking project, at historical pa?

Tugon niya, “Ako naman...hindi naman. Kasi…ano ba?

“Ayokong lumabas na mayabang. Pero ewan ko.

"Ang sa akin kasi, hindi na ako naghahangad ng fame.

“Ang gusto ko kasi, work and work and work. Basta dire-diretso lang ang work.”

At ang Lam-Ang daw ay maganda at malaki sanang project ng kanyang home network.


HEYDAY. Nakaramdam din ng panghihinayang si Rochelle dahil pagkatapos ng magandang role niya sa Amaya, ang Lam-Ang sana ang dudugtong sa magandang daloy ng acting career niya.

“Oo nga, e. Yun sana yung first project ko na wala ako kay Ate Joy."

Si Joy Cancio ang tinutukoy niya, ang longtime manager niya at ng Sexbomb Girls, bago siya lumipat sa pangangalaga ni Perry.

“Ako naman kasi, ang paniniwala ko, kung hindi sa iyo, hindi sa iyo.

“Like, noong sumikat kami… Wow, ha? Sumikat raw kami, o!” pahayag niya sa achievement ng Sexbomb.

“I mean, noong time na yun, hindi namin ini-expect at hindi rin naman namin plinano.

“Wala kaming plano na ganito ang mangyayari—walang ganoon. Bigla na lang tinanggap ng tao yung grupo namin.

“Kumbaga, kung para sa iyo, mapupunta talaga sa iyo.

“Kahit anong pilit mo na sumikat ka, kung hindi mo time, hindi darating sa iyo,” nakangiti niya pang paliwanag.


CLOSE FRIEND. Hindi lang nakasama sa serye kundi naging kaibigan din daw ni Rochelle si Marian Rivera.

Isa pa nga sa mga nagtatanggol kay Marian si Rochelle sa kaliwa’t kanang batikos dito.

Usap-usapan kasi ang diumano’y pagkakaroon ng "attitude" ni Marian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Okey naman kami ni Yan-yan [tawag ni Rochelle kay Marian]. Tsika pa rin kami kahit wala kaming taping.

“Kung hindi man kami nakakapagtsikahan…kasi si Madame [Marian], busy naman talaga siya sa trabaho niya.

“Diyos ko, pag tumanggap sila ng trabaho ni Dong [Dingdong Dantes], parang last na ito. Ganoon silang mangarag!

“Kahit nga silang dalawa, hindi na ‘ata nagkikita, e.

“So, kami naman, nagkikita-kita lang kami pag may family get-together, bilang ako ang kasintahan ni Arthur Solinap, na pinsan ni Dong, di ba?”


BOYFRIEND. Kumusta naman sila ni Arthur?

“Okey naman. Happy, going strong!” mabilis na sagot ni Rochelle.

Apat na taon na ang itinatakbo ng relasyon nina Arthur at Rochelle.

Ano ang meron sa kanilang pagmamahalan at tumagal sila nang ganito?

“Away-bati, aso’t pusa,” pagsasalarawan niya.

Nagli-live-in na ba sila?

“Hindi. May bahay siya, may bahay rin naman ako,” mabilis niyang sagot.

“Pero nagpupunta ako sa kanila, nagpupunta siya sa amin. Mga ganoon.

“’Tapos, every Sunday, church. Puro ganoon lang ang routine namin.

“Nag-e-enjoy kami sa ganoon. After church, watch kami ng movie.”

Ang ex-boyfriend niyang non-showbiz ang pinakamatagal na nakarelasyon ni Rochelle. Tumagal ito ng anim na taon.

Biro nga namin sa kanya na baka pagdating ng anim na taon, mag-break sila ni Arthur?

“Ano ka ba? Hindi ko naman…wala namang kumpetisyon sa taon.

“Kung kaya, why not? Hangga’t masaya sa isa’t isa, bakit hindi?”

So, kahit away-bati sila ni Arthur, masasabi niyang masaya talaga siya sa piling nito?

“Kasi sobrang sweet ng taong yun,” paliwanag ni Rochelle.

“Extreme siya sa lahat ng bagay—extreme siyang magalit, extreme siyang maging sweet.

“Saka siya yung naglapit sa akin kay God. After noong magkaluku-loko yung family ko—di ba, nung namatay si Tatay?

“’Tapos noon, nakilala ko siya. E, hindi na ako nagsisimba noon. Inilipat niya ako sa pagiging Christian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang iyon ang pumapagitna sa amin na kapag nag-aaway kami... ’Pray tayo.’ Yung ganoon.

“Ganoon siya. So, kapag tumataas na yung boses ko, hinahawakan niya ang kamay ko, tapos sasabihin niya, ‘Tama na.’ Yung ganoon?

“Kaya nami-maintain namin yung relasyon namin nang maayos.”


WEDDING PLANS? Napag-uusapan na ba nila ang kasal?

“Oo, napag-uusapan namin, pero sinasabi namin sa isa’t isa, ‘Sige, ipon tayo, okey.’”

May target date na ba o timetable na kung kailan nila gusto magpakasal?

Pag-amin niya, “Wala kaming tina-target na date.

“Diyos ko, ‘day, mahirap yung may tinatarget na date!

“Kasi, noong bata ako. Ang sabi ko, at the age of twenty-four, mag-aasawa na ako…

"Anong petsa na?”

Ilang taon na ba si Rochelle?

“Next question,” pabirong sagot niya.

Paliwanag pa ni Rochelle kaugnay sa pag-iipon, “Hindi pa kami nag-iipon… wala kaming joint-account.

“Ang sa amin, parang mag-iipon siya, mag-iipon ako. Yung sa kasal…

"Actually, nag-aantay siya ng sagot ko.

“Sabi nga niya, puwede naman tayong magpa-sponsor… Ganoon kami ka-literal tungkol diyan—hindi na namin itinatago.”

Ibig sabihin, anytime na mag-propose si Arthur tatanggapin ni Rochelle?

Mabilis na tugon si Rochelle, “Oo! Alam niya yun!”

Sigurado na ba talaga siyang si Arthur ang gusto niyang makatuluyan?

“Depende naman kasi ‘yan. Kung ibibigay siya sa akin ni God, oo naman, ‘no!

“Kung magpo-propose siya, oo…siguro! Kasi ang cueing ko diyan, yung dahil kay God, e.

“Inilapit niya ako kay God noong time na galit na galit ako.

“So, siguro, ano pa bang best na ano doon, di ba? Wala na atang lalaking ganoon? So, why not?”

Magbubuhay-reyna ba siya sa piling ni Arthur kung sakaling sila ang magkatuluyan?

“Hindi…prinsesa lang,” birong-sagot ni Rochelle.

“Ano naman kasi… Siya naman kasi yung lalaking…kasi yung klase ng relasyon namin, lahat ng okasyon, sini-celebrate namin…

“Christmas, birthday, Valentines Day—lahat! Yun ang magandang ano, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Minsan kasi, ’pag matagal na, nagiging cold…friend na lang.

“Ganoon siya ka-sweet at ka-partikular sa mga okasyon—yung pang-personal.”


NON-SHOWBIZ. Paano siya bubuhayin ni Arthur kung sakaling makasal sila at magkaroon ng sariling pamilya?

Hindi naman regular ang trabaho niya sa showbiz.

“Ang alam ko kasi, meron naman silang family business, di ba?

“Pumasok siya sa showbiz, hindi naman ito ang trabaho niya. Kasi, pumasok siya dahil si Dong [Dingdong] kasi.

“Hindi naman ito ang trabaho niya. Hindi gaya ko na showbiz ang bread and butter ko.”

Ibig sabihin, kahit hindi siya magtrabaho sa showbiz, mabubuhay sila nang mariwasa?

“Oo,” paniniguro niyang sagot.

“Saka, hello! Hindi naman ako mahirap buhayin. Kumakain naman ako ng tuyo…bilang laki naman ako sa hirap.

“Hindi naman ako laking-mayaman na may gintong kutsara sa bibig.

“So, sinasabi ko sa kanya na, ‘Kapag hindi kaya ng maid, mag-aral kang maging taong-bahay.’

“Or, kung anuman yung dapat gawin sa bahay. Kasi hindi ko naman kaya lahat ng gawain.”

Ano ba ang mauuna, anak o kasal?

“Kasal. Kasal muna. Malinis kami doon.

“Malinis kami doon daw, o?!” pagtatapos ni Rochelle, kasunod ang malakas na halakhak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN