Angelica Panganiban on being John Lloyd Cruz’s girlfriend: "Sobra! Nakaka-pressure ho."

Panno hinaharap nina Angelica Panganiban at John Lloyd Cruz ang mga negatibong isyu tungkol sa kanilang relasyon? Sagot ng aktres, “Hindi ho kami mga negative na tao. Masyado ho kaming nakakatawa. Para nga kaming gumagawa ng comedy film kapag magkasama kami. Tawa lang kami nang tawa. Actually, ine-enjoy lang namin. Kapag papunta kami kung paano namin ito haharapin, actually, wala kaming ganoon.”


Natuloy na rin ang inaabangang live interview ni Angelica Panganiban sa Sunday showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz noong Linggo, December 16.

Nagbiro kasi noon si Angelica sa kanyang Twitter account na magpapa-schedule sana siya ng interview kay Boy Abunda, pero baka busy raw ito kaya ang kanyang followers na lang daw ang mag-interview sa aktres.

Dito sinagot ni Angelica ang tungkol sa kanila ng ex-boyfriend niyang si Derek Ramsay. (CLICK HERE to read related story.)

At gaya ng inaasahan, si Kuya Boy nga ang nag-interview kay Angelica noong Linggo.

Una munang tinanong ni Boy kay Angelica ang naging linya ng aktres sa trailer ng pelikulang One More Try na: “Ang pera natin, hindi basta-basta nauubos. Pero ang pasensiya ko, konti na lamang.”

Sa pag-amin nina Angelica at John Lloyd Cruz sa kanilang relasyon, may mga taong masaya sa kanila at meron ding hindi. Meron ding ilan na nanghihimasok sa kanila.

Sa totoong buhay ba, nauubos din ang pasensiya niya?

“Mabilis po!” natatawang sagot ni Angelica.

“Hindi naman ho… siguro yung temper ko rin talaga, mabilis lang din mag-init ang ulo ko.

“Pero, hindi naman din yung pasensiya.

“Yung biglang init ng ulo, dun po, hirap na hirap po talaga akong mag-control.

“Actually, gustung-gusto ko nang magbago. Dito pala aamin?” natatawa niyang sabi.

Pahabol pa ng Kapamilya actress, “Gusto ko na hong magbago, joke lang!

“Minsan naman, umaamin naman talaga ako na, ‘Ay, sorry, nadala lang talaga ako ng emotion ko, hindi ko na siya na-control.’

“Pero siyempre, hindi lang naman ho intriga ang kasama namin araw-araw.

“Napapagod kami, napupuyat kami, so sama-sama na ho talaga lahat.”

HAPPY. Diretso namang tinanong ni Boy si Angelica kung masaya ba sila ni John Lloyd.

“Slight!” natatawang sagot ni Angelica.

Pero masaya sila?

“Opo,” nakangiti niyang sabi.

Kapag may mga negatibong isyu na dumarating sa kanila ni John Lloyd, paano ba nila ito hinaharap?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ho kami mga negative na tao. Masyado ho kaming nakakatawa.

“Para nga kaming gumagawa ng comedy film kapag magkasama kami. Tawa lang kami nang tawa.

“Actually, ine-enjoy lang namin. Kapag papunta kami kung paano namin ito haharapin, actually, wala kaming ganoon.”

Hindi siya nagdu-dwell sa mga negatibong bagay?

“Hindi, so far naman, wala naman kaming nae-encounter na hindi maganda.”

Balitang mahal daw siya ng pamilya ni John Lloyd. Yung American father ni Angelica, na kailan lang din niya nakilala, nagkaroon na ba ito ng pagkakataon na makilala si John Lloyd?

Sagot ng aktres, “Hindi pa po, pero actually, nagkita sila last year. Noong nag-tour kami ng Star Magic sa New York.

“Pero siyempre, sobrang bilis lang naman na, ‘Hi, hello.’

“Tapos, ipinakilala ko po sila. Sila Bea [Alonzo], yung mga nandoon sa show.

“Kapag ikinukuwento ko ito kay Daddy ngayon, medyo naaalala naman niya yung time na yun.”

Ayon kay Boy, nakita niya ang posting ni Angelica sa Instagram nito kunsaan very proud ang akres kay John Lloyd.

Sabi naman ni Angelica, “Sobra! Nakaka-pressure ho.

“Di ba, parang sa TV ko lang napapanood yun.

“Kapag may pelikula siya, first day talaga, nakikipagsiksikan ako. Nanonood talaga ako.”

Dugtong pa niya, “Kapag nakakaeksena ko siya sa Maging Sino Ka Man, nanginginig ako sa kaba na, ‘Naku, baka magkamali ako, nakakahiya naman sa kanya, ang galing-galing niya.’”

INTIMATE SCENES. Sa One More Try, entry ng Star Cinema sa 2012 Metro Manila Film Festival, maraming intense scenes si Angelica at ang leading man niyang si Dingdong Dantes.

Nagselos ba si John Lloyd sa mga maiinit nilang eksena ni Dingdong?

“Hindi po,” sagot ni Angelica.

“At saka, unang-una, hindi ko naman sinasabi sa kanya, na, ‘Hey, today, ito ang kukunan namin.’

“Siyempre, nakaka-off naman yun.

“Ayaw mo naman na may iniisip siya na, ‘Naku…’

“Ayoko naman siyang bigyan ng ganun bilang nagtatrabaho rin siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May ilang ba sa pagitan nila ni Dingdong habang kinukunan ang mga eksenang iyon?

“Actually, wala po.

“Sabi nga ni Dingdong kanina, parang simula February pa lang, nakukuwento na sa amin ang movie.

“So, buong taon na ho namin pinoproseso ang pelikula. Parang ganoon kahaba na rin ang pinagsamahan naming lahat.

“So, naging maganda ang relationship ng lahat.”

Ito na ba ang pinaka-mapangahas niyang pelikula?

“Yes,” pagsang-ayon ni Angelica.

“At saka, siya ang pinakamalalim.

“And for me, siya ang pinaka-critical na masyadong maselan ang buong pelikula.”

Ano ang pinakapaborito niyang eksena?

“Yung nasa trailer na, ‘Yung pera natin, hindi basta-basta mauubos...’

“Kasi, grabe ho yung itinakbo ng eksenang yun na pagkatapos, naninigas na ako at hindi na ako makahinga sa tensiyon na nararamdaman ko.

“Talagang internally, nanginginig ho ako sa galit talaga.”

Sila ni Angel Locsin, maraming pisikalan na eksena, hindi ba sila nadala?

“Imposible hong hindi madala kasi kapag nag-control ka, baka ho sumablay.

“And makikita naman ho yun ng mga tao na bakit parang hindi totoo ang sampal?

“Hindi siguro maganda ang term na nadala, parang ibinigay lang namin parehas kung ano ang hinihingi sa amin ng role.”

Sa totong buhay, may lumapit, kailangang-kailangan at may nagsabi ng, “Angel, kahit isang gabi lang, pahiram kay John Lloyd?”

“Huh?! Ayoko nga! Ano ka, sinusuwerte? ” natatawang sabi ni Angelica.

“Hindi… siguro kung anak naman niya yun, siguro hahayaan ko munang mag-sink in sa akin.

“Pero, mahirap ho talaga. Parang hindi ko malunok. Hindi ko ma-take.

“Pero ang gagawin ko po siguro, ‘Sige, pero sa akin na ang anak mo. Bubuhayin ko ang anak mo.’”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN