Mark Bautista on sexy indie movie with Rosanna Roces: "Huwag raw muna kasi nga raw sobra."

“Pero gusto kong gawin kasi malalim yung role, saka yung mga makakasama ko. Baka soon, itotodo namin yung ano… for a change. At least para marami tayong baon naman diyan,” pahayag ni Mark Bautista sa sexy film na pagsasamahan sana nila ni Rosanna Roces.


Excited na si Mark Bautista sa bagong music album na inihahanda niya para sa 2013.

Una munang gagawin ni Mark ang album kasunod ang isang major concert na posibleng maganap sa April next year.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark sa Party Pilpinas nitong nakaraang Linggo sa studio ng GMA-7.

Kuwento niya, “Abangan nila yung paglabas ng album ko. Hindi na pop, ibang klaseng album.

“Sobrang ballad… maganda siya, puro revivals.”


CONCERT. Excited din si Mark sa inihahandang concert dahil two years ago pa ang pinakahuling major concert niya na ginanap sa Aliw Theater, CCP Complex.

Bakit nga ba inabot ng dalawang taon bago siya nagdesisyong mag-concert uli?

Tugon niya, “Alam mo kasi, ang pagko-concert naman feeling ko kailangan rin ng timing, e.

“Gusto nga nila mag-concert na ako, pero sabi ko gagawa muna ako ng album bago ako mag-concert.”

Tumanggi siyang mag-concert?

Tumango ang singer-actor bago sinabing, “Siyempre, natatakot rin ako. Alam mo yun?

“Kailangang malakas ang album. Kailangang ganoon—kailangan may impact, e.

“Kung magko-concert ako gusto ko malakas yung album.”


MUSIC ALBUM. Kailan ba ang pinakahuli niyang paglalabas ng album?

“Ahm, Nagmamahal pa, nung 2011 pa. Ang tagal na nga, e.

“And yung album na yun, parang dumaan lang… okay lang,” nangingiti niyang pag-alaala.

“Hindi talaga yung nagmarka na album. So, gusto ko pag nag-album uli ako, gusto ko yung ibang klase.”

Bakit parang hindi pumatok sa record sales ang pinakahuli niyang album?

“Well, siguro yung time na yun, nag-abroad ako… hindi ko na-promote nang maayos,” paliwanag niya.

“Hindi lang siya… hindi namin natutukan. Hindi nga nag-second single.

“Kasi nga, nag-States ako. Nag-solo ako ng U.S. nung time na yun. One month din akong nag-concentrate sa mga shows abroad.”

Nagsisisi ba siya dahil napabayaan niya ang nasabing album?

“Actually, hindi naman sa nagsisisi. May mga lessons lang akong nakuha…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na parang hindi kailangang madaliin lahat... na para lang magkaroon ng album.

“Pero this album na lalabas, nangangako akong tututukan ko talaga ito.”


CONCERT VENUE. Wala pang malinaw na time frame ang concert ni Mark dahil ang Viva Concerts and Events na raw ang nag-aasikaso ng lahat.

“Kasi nga mga April pa itong concert—uunahin ko muna yung album.

“By January matatatapos ko yung album and mailabas na siya by Feb.”

Natawa si Mark sa tanong namin kung binabalak ba niyang sa Mall of Asia Arena (MOA Arena) siya magku-concert?

“Feeling ko sa Music Museum—mga series. Parang yun ang gagawin.”

Takot ba siyang sumampa sa mas malaking concert venue gaya ng MOA Arena, o Smart Araneta Coliseum?

Umamin naman si Mark, “Oo naman, oo naman. Arena is Arena… nakakatakot yun.

“Araneta pa nga, nakakatakot rin, e. ‘Mapupuno ko ba ito?’ What more Arena pa?

“Siguro sa tamang time at panahon. Pero dream ko yun na mag-Araneta muna.

“Wala namang masama na mangarap, di ba?” ngiti niya pagkatapos.


ACTING. Kasama si Mark sa cast ng Yesterday’s Bride ng GMA-7 na pinagbibidahan ni Lovi Poe. Magdidiretso na ba siya sa pag-aartista?

“Actuallly, ang kontrata ko sa GMA kasama yung teleserye.

“So, may panahon na kailangang may teleserye na ibibigay sa akin dahil may year span… dapat every year, mero’n.

“Parang… ‘O, bigyan natin si Mark ng teleserye kasi kailangan, kasama sa kontrata.’

“So, sabi ko at least ngayon ‘etong Yesterday’s Bride, mas okay yung role ko.

“Hindi na pa-tweetums na pa-cute-cute. Yung first na dating ko sa GMA, parang ano pa rin, e, pa-cute pa rin, e.”

Okay lang ba kay Mark na pasulput-sulpot lang sa teleserye at hindi niya ito gawing second career?

“Ahm, sabi ko nga, since nandito na yung Magpakailanman, gusto kong… kasi drama yun, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Never kong ginawa dito sa GMA na mag-drama. Gusto kong mag-try ng drama dito sa GMA.

“Kasi, di ba, sa kabila, ilang Maala-ala Mo Kaya ang ginawa ko?" pagtukoy niya sa dati niyang home network na ABS-CBN.

“So, sabi ko, gusto kong magdrama dito sa GMA para maiba naman.”


SINGER-HUNK. Kung sa pagandahan ng katawan at paramihan ng abs, hindi pahuhuli si Mark pero hindi siya nalinya sa pagiging sexy male singer.

Nagtangka na noon ang Viva Talent Agency na i-package si Mark bilang singer-hunk pero hindi ito nagtuluy-tuloy.

Napasama rin sa listahan ng Cosmo Bachelors si Mark, pero parang dumaan lang ang phase na ito sa kanyang career.

Ano ang nangyari at hindi na-hype ang pagiging sexy-stud-singer niya?

Sabi niya, “Well, actually, may in-offer sa akin na movie, sexy, indie film siya.

“Pero sabi nina Boss [Vic Del Rosario], huwag raw muna kasi nga raw sobra.

“Dapat with Osang [Rossana Roces] yun, e... na preso-preso [ang kuwento] na si Direk Adolph [Felix] ang gagawa.

“Pina-hold muna nina Boss Vic kasi nga, mabigat.

“Pero gusto kong gawin kasi malalim yung role, saka yung mga makakasama ko.

“Baka soon, itotodo namin yung ano… for a change. At least para marami tayong baon naman diyan,” tumatawang pahayag ni Mark.

“Puwede kong i-consider na magpa-sexy, specially dun sa movie na yun.

“Kasi nga, maganda yung story and yung role—para rin maiba.

“For now, gusto ko munang mag-concentrate sa music. Gusto kong mag-album uli na mabigat talaga.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN