Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. on the passing of RH Bill: “Tapos na yung botohan, nanalo na yung pro-RH. Ang importante ngayon, yung pagkahati-hati ng bayan, e, mabuo na uli.”

“Tama na yung away diyan. Wala nang pro, anti—ang importante, magkaisa ang mga Filipino kung paano natin mapagtutulungan nang husto na ibangon ang ating bansa, lalung-lalo na ang mga kababayan natin dun sa Mindanao na naapektuhan ng bagyo,” nawika ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. tungkol sa pagkakapasa ng nilabanan niyang Reproductive Health Bill.


Ngayong bukas na tungkol sa kanilang relasyon sina Jodi Sta. Maria at Jolo Revilla, agad na hiningan ng reaksyon ng press sina Congresswoman Lani Mercado at Senator Ramong “Bong” Revilla, Jr. tungkol dito.

Sa thanksgiving at Christmas party ng senador para sa press nung nakaraang Lunes, December 17, sa Annabel’s Restaurant, Morato, Quezon City, sinabi ng actor-politician na hindi siya nakikialam sa lovelife ng kanyang anak.

“Dun sa relasyon nila, di ako nakikialam, e. Ang masasabi ko lang kay Jolo, importante, masaya ka, at kung sinuman ang mamahalin mo, mahalin mong tunay.”

Nagkakilala na ba sila ni Jodi?

“Yah, na-meet ko na siya. She’s very nice.”

Napanood na nga raw niya ang Be Careful With My Heart na pinagbibidahan ni Jodi at leading man nitong si Richard Yap.

“Yeah, napapanood ko kung minsan. Okey naman, masang-masa.”


A COMPLETE MOVIE. Isa sa mga bida ng pelikulang Si Agimat, Si Enteng, at Si Ako, na 2012 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry sa darating na Kapaskuhan, kampante si Bong na tatangkilikin ito ng publiko.

Malaki pa ang posiblidad na mag-number one ito sa takilya lalo na’t tatlo silang mga subok sa box office ang nagsama-sama.

“Napakaganda ng pelikula, ng kumbinasyon namin ni Vic Sotto.

“Ito ang pangako namin noon, ang sinasabi naming natupad na pagbabalik-tambalan namin ni Vic at Juday pa.

“Yung hahanapin ninyo sa isang pelikula, nandito na lahat,” pagmamalaki pa ng aktor-senador.

“Hindi ako kakabahan kasi maganda yung pelikula natin at malaki din ito. Di naman natin sasabihin itong pipitsuging pelikula. Talagang pinaghandaan, malaki, at yung kumbinasyon naming tatlo.

“Saka lahat kami nagna-number one, e. Si Vic nagna-number one, si Juday may time na nag-number one din siya, ako nag-number one din, tapos pinagsama-sama mo kami in one movie.

“Siguro alam mo na ang equivalent nun,” sabi pa ni Bong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


GIVING BACK. Maganda para sa aktor-senador ang itinakbo ng 2012. Kaya raw sa sarili niyang paraan, ibinibalik niya sa mga tagahanga ang mga blessings sa kanya.

“Sa akin itong blessings na natanggap ko, two years back, kumbaga yung suwerte na binigay sa akin ng Panginoon, tuluy-tuloy, e.

“Sabi nga, wala nang hihilingin pa si Bong Revilla, e, kundi para na lang sa mga anak ko, kay Lani, sa mga kapatid ko.

“Para sa akin, tuluy-tuloy ang mga biyaya na dumarating sa akin, kaya ako naman, ’binabalik ko na lang sa mga tagahanga ko, kung paano ko sila mapapaligaya sa pamamaraan ng pelikula, TV shows, pagtulong mula sa puso.”


CAMPAIGNING FOR LOVED ONES. Para sa taong 2013 naman, naka-focus si Senator Bong sa pangangampanya para sa mga mahal niya sa buhay na tatakbo sa darating na eleksyon.

“2013, I’m going to campaign for my son Jolo, Lani, and [brother] Strike.

“Ako yung magiging campaign manager nila at siyempre tutok tayo diyan.

“I just hope na lahat, parehas ang laban, walang hanky-panky.

Hiningan din ng reaksyon ang senador tungkol sa sinasabing ang mga Revilla ay isa sa mga pamilyang nagpapahaba ng listahan ng political dynasties sa bansa.

“Depende, e. Kung maganda ang pagsisilbi ninyo sa bayan, there’s nothing wrong with that.

“Kung isa kang masamang public servant, di ka kailangang dumami sa pulitika,” sagot na lang niya.


ON THE PASSING OF THE RH BILL. Kilala man bilang isa sa mga senador na anti-RH (Reproductive Health) Bill, para kay Senator Bong ay tanggap na niya at nirerespeto ang pagkapasa ng nabanggit na bill.

Hiling na lang niya na sana ay magkasundo na ang dating magkakagalit dahil sa RH Bill at mag-focus sa pagbabangon ng Pilipinas.

“Ine-expect naman namin yun,” ani Senator Bong tungkol sa pagkakapasa sa final reading sa Senado ng RH Bill nung araw ring iyon, December 17.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“The way I looked at it, tapos na yun, we have to respect that.

“Siyempre yun ang nanalo, irespeto natin.

“Pero ako, vinoice out [voice out] ko kung bakit ako against it, because yung personal experience naming mag-asawa.

(CLICK HERE for related story.)

“Ayaw naming mangyari yun sa ibang tao and lalung-lalo na sa mga kababaihan.

“Alam naman natin na pag nagkaroon ka ng problema, sakit sa puso, katulad ng nangyari sa anak namin, kung wala kang pera, lalong mamamatay ang bata and ayaw naming maramdaman yun ng iba nating mga kababayan.

“Yung kurot sa puso ko, yung pagkawala ng anak ko, nandun pa rin. Kaya nung nagsasalita ako sa Senate kahapon [December 16, Linggo], nandun pa rin yung kurot. Di ko mapigilan na masaktan pa rin ako.

“Regarding RH Bill, tapos na yung botohan, nanalo na yung pro-RH.

“Ang importante ngayon, yung pagkahati-hati ng bayan, e, mabuo na uli.

“Tama na yung away diyan. Wala nang pro, anti—ang importante magkaisa ang mga Filipino kung paano natin mapagtutulungan nang husto na ibangon ang ating bansa, lalung-lalo na ang mga kababayan natin dun sa Mindanao na naapektuhan ng bagyo.”

Ang pananalasa ng bagyong Pablo nitong Disyembre ang tinutukoy ng senador-aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN