Parade of Stars kicks off MMFF 2012

Sa unang pagkakataon ay December 23 gagawin ang Parade of Stars. Nakagawian nang idaos ito tuwing bisperas ng Kapaskuhan.


Ang 38th Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars ay ginanap sa unang pagkakataon ng December 23.

Nakagawian sa mga nagdaang taon ng MMFF na idaos ang Parada ng mga Artista sa bisperas ng Pasko, o December 24, isang araw bago mismo ipalabas ang mga pelikula.

Ayon sa mga namumuno ng MMFF at sa mga artistang may mga pelikulang kasali ngayong 2012, mas makabubuting gawing December 23 ang parada taon-taon para magkaroon ng sapat na panahon ang mga taga-industriya para sa kanilang pamilya sa bisperas ng Kapaskuhan.

Kahapon, bago pa man magtanghalian ay unti-unti nang nagdatingan sa H20 Hotel, sa likod ng Luneta Grandstand, ang mga artistang kasali sa parada.

Nagsilbing assembly area ang function room ng hotel, na mabuti’t malapit sa grandstand, kung saan nakapuwesto din ang lahat ng floats ng mga pelikulang kalahok.

Nagpagandahan ng karosa ang pelikulang Si Agimat Si Enteng Kabisote at si AKO, Sisterakas, Sosy Problems, One More Try, Shake Rattle & Roll 14: The Invasion, The Strangers, El Presidente at Thy Womb.

Pasado alas-dos ng hapon nang magsimulang umusad ang parada mula sa Luneta grandstand at binaybay ang kahabaan ng Roxas Boulevard papuntang Mall Of Asia grounds para naman sa isang programa.

Sa unahan ng parada ay ang Drum and Bugle Corps ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na siyang humahawak ng nasabing festival.

Kasunod ay ang float ng Optical Media Board (OMB) na pinangungunahan ng kasalukuyang chairman nitong si Ronnie Ricketts. Kasama niya sa karosa si Chef Boy Logro at mga miyembro ng OMB.

Sa walong kalahok na pelikula, unang pumarada ang karosa ng Si Agimat Si Enteng Kabisote at si AKO. Kumpleto ang tatlong bidang sina Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos na suot pa ang kanilang costume sa pelikula.

Agaw-eksena naman ang child star na si Ryzza Mae Dizon na naka-costume ng duwende.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sumunod ay ang float ng Sisterakas. Sakay naman nito sina Ai-Ai delas Alas at Vice Ganda, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, at Xyriel Manabat.

Namataan na lang namin ang isa pang bida, si Kris Aquino, kanina sa MOA, nang paakyat na ang group ng Sisterakas sa entablado.

Sa nasabing programa rin sa MOA, bukod-tangi ang lakas ng hiyawan sa grupo ng Sisterakas, lalo na noong ipakilala sina Kathryn at Daniel.

Pangatlong pumarada ang float ng Sosy Problems. Sa simula ay kumpleto pa ang apat na bidang babae na sina Heart Evangelista, Solenn Heussaff, Rhian Ramos, at Bianca King.

Pero wala na si Heart nang mapadaan sa puwesto ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Kumpleto naman ang apat na bida ng The Strangers na sina Enchong Dee, Julia Montes, Enrique Gil, at JM de Guzman na sumakay sa kanilang float.

Sumakay rin dito si Janice de Belen, na isa rin sa cast ng horror trilogy na Shake Rattle & Roll 14: The Invasion (SRR 14).

Sa sumunod na karosa ng One More Try, nakasakay sina Angel Locsin, Dingdong Dantes, at Zanjoe Marudo. Wala ang isa pang bidang si Angelica Panganiban.

Kapansin-pansin ang taas ng energy level ni Angel dahil hanggang makarating ng MOA grounds ay masaya pa rin ito at masigla.

Hindi na rin namin namataan si Dingdong nang tawagin ang cast na umakyat sa entablado.

Pagdaan ng float ng Thy Womb ay hindi namin makita ang bidang si Nora Aunor sa karosa. Ito ay dahil nasa bandang baba pala ang Superstar, na pilit nakikipagkamay sa mga nadaraanan.

Sa programa sa MOA ay hindi na nakadalo si Nora. Ayon sa host na si Kuya German “Germs” Moreno, sumakit ang tiyan ng Superstar habang ongoing ang parade.

Sa float ng Shake Rattle & Roll 14: The Invasion ay sumakay si Ella Cruz na tinatawag ng mga tao ng “Aryana.” Naroon din ang mga kasamahan niya sa “Lost Command” episode na sina Dennis Trillo, AJ Dee, at Martin Escudero.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa “Unwanted” episode ng SRR 14 ay hindi nakarating si Vhong Navarro, at ang katambal niyang si Lovi Poe ay humabol naman sa programa sa MOA grounds.

Umakyat muli sa stage ang isa sa bidang si Janice de Belen, kahit wala sina Arlene Muhlach at Mayor Herbert Bautista, na kapwa niya kasamahan sa “Pamana” episode.

Pagdaan ng karosa ng SRR 14 sa puwesto ng PEP ay nagsimulang mag-alisan ang mga tao dahil inakala ng karamihan na nakadaan na ang lahat ng karosa.

Dala marahil ito sa layo ng agwat ng huling karosa ng El Presidente sa sinundan nitong SRR 14 float.

Ayon sa isang kasamahan, dapat ay pangatlo raw sa huli ang float ng El Presidente, pero sa kalaunan ay ang float ng pelikula ni ER Ejercito ang nasa dulo.

Sa programa sa MOA, naging host sina Kuya Germs, Candy Pangilinan, at Mr. Fu. Malalaman din ang nagwaging Best Float sa MMFF awards night sa December 27.

CLICK HERE to view photos of the MMFF Parade of Stars.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN